ii

521 138 345
                                    

Eliza Lagos




Pinanood namin ni Chris ang pagbubukas ng pintuan ni Papa. At dito, pumasok ang tatlong lalaking nakasuot ng itim na dyaket na umaabot sa kanilang tuhod, hindi ko makita ang kanilang mukha dahil may balabal na naka-ikot sa kanilang leeg na umabot hanggang sa bibig, at nakasuot silang tatlo ng pare-parehas na itim na subrero. Matuwid ang tindig at makikisig ang katawan ng mga bisita kumpara kay Papa, hindi ko alam kung dahil sa kanilang muskulo o dahil sa taba lamang ang kanilang katawan. Ngunit mapapansin kaagad ang pagkakaiba ng kanilang katangkaran, mas lalo na ang liit ng lalaking nasa gitna.

Mukhang mas matanda ang lalaking nasa gitna kaysa sa dalawang lalaking nasa kanyang gilid dahil may mga balbas na nakalabas sa kaniyang balabal at kitang-kita ang kulubot sa kanyang kamay, habang ang kanyang dalawang kasama ay nagmamasid sa aming bahay.

"Don, hindi ka masyadong bumibisita dito, o sa halip, hindi ka bimibisita dito sa bahay namin. Mas lalo na't agresibo kang kumakatok sa pintuan namin." Ang pagbati ni Papa sa lalaking nasa gitna. "May problema po ba?"

Siya ang Don? Don . . . tulad ng Don sa isang Mafia dito sa Outlaws?

"Sino ang Don, Ate?" ang tanong ni Chris.

"Shhhh. Wag kang maingay." Ang pagsaway ko sa aking kapatid. Tinakpan ni Chris ang kanyang bibig.

Pumasok ang mga lalaki sa bahay namin at patuloy silang nagmamasid.

"Elijah, gusto kong makinig ka nang mahinahon." Ang panimula ng lalaking kinikilala ni Papa na Don na tila hindi lang sila agresibong kumatok sa aming tahanan upang makapasok.

"Kinilala namin ang iyong ilang taong serbisyo sa paglilingkod mo sa aming Pamilya."

"Ganoon ho ba?" Napansin ko ang nerbyos ni Papa sa kanyang pagtawa. Dahan-dahang ipinasok ni Papa ang kanyang kanan na kamay sa kanyang kanang bulsa. "Kung gayon, bakit po kayo nandito? Maaari naman natin itong mapag-usapan sa inyong opisina kung pupurihin niyo lang po ako."

"Napansin ng isa sa mga bata ko na nagsisimula ka nang magtrabaho sa likuran ko," Ang paliwanag ng Don. "Sa kaninong pamilya na ngayon? Sa mga Bondoc ba?"

Nagtatrabaho si Papa sa Mafia? Kailan pa? Ang pagkakaalala ko lang ay isang inhenyero si Papa sa isang malaking kumpanya. Alam kaya ni Mama ito? Batay sa pananahimik ni Mama ay alam na alam niya na nagtatrabaho si Papa sa ilalim ng Mafia. Napahinga ako ng malalim dahil sa kaba.

"Wala po akong pinagtatrabahuhan na ibang pamilya," Ang sagot ni Papa ngunit mukhang nag-iwan ito ng mapait na lasa sa bibig ng Don. "Ang aking katapatan ay walang iba kundi inyong pamilya, Don."

"Wag na tayong maglokohan, Elijah." Umiiling na tinanong ng Don na tila nagbibigay na siya ng babala sa aming Ama. "Ano nalang ang mga plano na ibinigay mo sa mga Bondoc?" Ang tanong nito at hindi pinansin ang sagot ni Papa.

"Wala po akong ibinibigay na plano sa mga Bondoc," diretsong sinagot ni Papa na walang pag-aalinlangan.

"Wala naman kaming gagawing masama kung sasabin mo ang totoo," hindi ko alam kung maniniwala ako sa sinabi ng Don dahil ibang motibo ang nararamdamaman ko sa tono ng kanyang pananalita.

"Wala akong binibigay na kahit ano sa mga Bondoc," ang pagmamatigas ni Papa.

"Uulitin ko," nakaramdam kaming dalawa ni Chris ng gulat nang biglang maglabas ng baril ang dalawang tauhan ng Don at itinutok ito sa aming magulang. "Nasaan ang mga plano na ibinigay mo sa mga Bondoc?" Napahindik si Chris sa kanyang hininga at nagbalak lumabas sa pintuan ngunit pinigilan ko ito. Patuloy kong tinakpan ang kanyang bibig at hindi sinasadyang mabangga ang bukas na pintuan na lumangitngit sa ingay.

𝑷𝑨𝒀𝑩𝑨𝑪𝑲 (ᴏɴɢᴏɪɴɢ)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon