Kabanata 1: Pagpapakilala

9 2 0
                                    

Kabanata 1: Pagpapakilala

KOREA (1592)

"Leandrooooo!" nangangalaiting sigaw ni Federico sa anak na si Leandro na sa ngayo'y nakikipagbuno sa kilalang manggagantso sa kanilang bayan na si Eduardo. Nakahiga ang dalawa sa lupa at nakapulupot ang mga paa ni Leandro sa leeg ni Eduardo at pilit itong sinasakal.

"Hindi ka ba talaga titigil, Leandro?" galit na sigaw muli ni Federico ngunit ayaw pa ring magpaawat ng anak. "Ama, kailangan nyang ibalik ang mga tanso at pilak na kinuha nya mula sa taong bayan..." hirap sa pagsasalitang tugon nito sa ama. "Ikaw Eduardo, ang laki-laki ng katawan mo, bakit hindi ka maghanap ng marangal na trabaho ha?!" pagsasaway at pagpapangaral pa ni Leandro habang lalong sinasakal ang kawawang si Eduardo na nahihirapan nang huminga.

Walang nagawa si Federico kundi ang utusan ang mga tauhan nyang kunin at kaladkarin ang kanyang anak na nagpupumiglas pa rin sa hawak ng tauhan nya. "Leandro, tumigil ka na!" huling pagsasaway ni Federico sa anak at kaagad na pumasok sa isang silid na syang tanggapan nya.

Samantala, naiwan naman si Leandro, kasama si Eduardo, mga tauhan ng ama, may mangilan-ilan ding mga nanonood sa away na nangyayari.

"Hoy! Ikaw Eduardo, kung nais mong magnakaw, huwag sa mahihirap, doon ka sa mayayaman," sambit pa ni Leandro habang pinapagpag ang dumi sa kulay pulang hanbok na suot. "Subukan mo kayang tumulong sa paghahanda ni Gobernador Samuel Yi at Pinunong Galvez, baka maging kasapi ka pa ng hukbong-pandagat, yun ang pagkaabalahan mo, wag itong pagnanakaw," inambaan pa ng suntok ni Leandro si Eduardo na hanggang ngayon ay nakahiga pa rin at hinahabol ang hininga.

"Hay! Nakakapanggigil naman talaga ang mga katulad mo!" sabi pa ni Leandro saka nagmamadaling umalis. Naiwan naman nakahandusay si Eduardo at pinagtatawanan ng lahat ng mga nanonood.

"Anong itinatawa-tawa nyo dyan? Umalis nga kayo!" sambit nito nang makabawi sa paghinga. Kaagad namang nagsipag-alisan ang mga nanonood sa takot na kunin muli ni Eduardo ang mga tanso't pilak na pinaghirapan nilang ipunin. "Nakakainis na talaga ang Leandrong iyan! Sa susunod na makialam pa sya sa mga ginagawa ko, lagot na sya sakin, " matapang pa na usal ni Eduardo at umalis na sa lugar na iyon.

"Ama, patawad po sa inasal ko kanina, hindi ko lang po matiis na tignan na lamang ang mga ginagawa ni Eduardo," mababang boses na paghingi ng tawad sa ama. Nakaluhod sya sa harap nito ngayon sa loob ng opisina o tanggapan ng ama.

Nagpatuloy naman sa pagsusulat si Federico at hindi binibigyang pansin ang anak. Nadismaya sya sa ipinapakita nitong pag-uugali. Lalo na't tanyang ang apelyidong Villavicencio, maraming usap-usapan ang makakarating sa iba't ibang lugar, at maaaring maging hadlang ito sa paglago ng kanilang negosyo.

"Ama, patawad po talaga, pangako hindi na po iyon mauulit," muling sabi ni Leandro na nakapagpaangat ng tingin ni Federico.

"Ilang beses mo nang sinabi yan, Leandro, hindi na mabilang sa aking mga daliri kung ilang beses mo nang nasambit ang mga pangakong yan," mahinahon ngunit may bahid ng galit na sagot ni Federico. "Alam mo namang may iniingatan tayong reputasyon, lalo na ngayon at tayo ang pinagkakatiwalaan ni Gobernador Samuel Yi sa mga kagamitang ginagamit nila sa paggawa ng mga barkong pandigma," paliwanag nang muli ng ama.

Sa ngayon ay abala ang mga kawal at ang gobernador sa paghahanda ng mga armas at sasakyan. Abala rin sila sa paghahanap ng mga lalaking maaring maging kasapi ng hukbong-pandagat.

"Pangako ama, huli na po ito, hindi na mauulit pa," nakayuko pa ring usal ni Leandro, pumipikit pikit pa ang mga mata umaasang mapapatawad na sya ng ama.

"Aasahan ko yan, makakaalis ka na," sabi pa ng ama at nagpatuloy nang muli sa pagsusulat. Ngiting tagumpay naman ang iginawad ni Leandro at nagmamadali nang lumabas sa silid ng ama.

Half Human's Love [ON-GOING]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon