Chapter 3

3.3K 202 43
                                    

Ginugol ko ang buong isang linggo sa pagsama kay Lolo sa pastulan, pagtulong sa paglilinis ng bahay at paglililibot malapit sa palayan. Hindi na ako nagtangkang pumunta mismo sa palayan dahil hindi ako sanay maglakad sa mga makipot na pilapil nito.

Nakapag-apply na si Kuya ng trabaho sa bayan at sa susunod na lunes ay magsisimula na siya sa pagtatrabaho. Sa susunod na lunes na rin ang pasukan sa school na pinag-enrolan ko noong nakaraan. Hindi na ko kailangan pang bumili ng mga bagong gamit dahil maaari ko pa namang gamitin ang mga notebook ko noong nakaraan. Siguro naman ay makakahabol ako sa mga lessons dahil hindi naman malaki ang ipinagkaiba ng mga itinuturo sa mga paaralan.

Noong nakaraang araw pa naman si Mama lumuwas pabalik ng Manila. Malungkot ako noong araw na iyon pero wala akong ibang nagawa kundi ang ngumiti kay Mama dahil ayokong ipakita sa kaniya ang nararamdaman ko. Baka hindi pa siya makaalis dahil sa akin. Baka maabala ko pa siya sa byahe niya at ayokong mangyari iyon.

Mabuti na lamang at kasama ko rito si Kuya. Mabilis din akong naging malapit kina Lolo at Lola dahil palagi nila akong kinakausap at kinukwentuhan. Hindi ako nabuburyo kahit wala akong ibang batang nakakausap na kaedad ko. May telebisyon dito pero malabo ang kuha sa mga channels. Mabilis din akong natututo ng mga niluluto ni Lolang meryenda dahil palagi niya akong inaakit sa kusina.

Si Kahel naman, nakikita ko rin siya minsan sa pastulan. Pumupunta pa rin siya rito sa bahay para kuhain si Abacus pero hindi na kami nagkausap pa. Ngumingiti ako sa kaniya pero kagaya ng dati, wala akong natatanggap na tugon mula sa kaniya.

Siguro mahirap talagang ipilit kapag ayaw sa'yo ng isang tao. Pero gusto ko talaga siyang maging kaibigan lalo na at siya ang una kong nakita at nakausap dito kahit palaging galit ang tono niya. Isang beses ko na ring naitanong kay Lola kung anong klaseng lalaki si Kahel. Ang sabi niya ay mabait daw ito sa lahat at magalang kaya kinagigiliwan ng mga tao rito.

Bakit ganoon? Sa akin lang siya hindi mabait?

"Lola? Sino po bang bisita natin ngayong araw?" tanong ko isang hapon nang makita si Lola na abala sa pagluluto ng ginataang saging. Nabanggit niya sa akin kanina na may darating na bisita kaya naman inutusan niya akong magwalis sa salas.

"Si Ate Violet mo. Palagi iyong bumibisita rito dati at tinutulungan akong mag-alaga ng mga halaman. Natigil lang dahil kagagaling niya sa Maynila." tugon ni Lola habang nakatingin sa niluluto.

"Ate Violet?" takang tanong ko.

Tumingin sa akin si Lola at tumawa. "Hindi mo nga pala kilala. Nakatatandang kapatid iyon ni Kahel. Napakagandang bata at napakabait din." nakangiting aniya.

Nanlaki ang mata ko sa narinig. "May kapatid po si Kahel?" manghang anas ko. Ngayon ko lang nalaman na may kapatid pala ang lalaking iyon. Paano kaya siya kumilos sa harap ng ate niya? Masungit din kaya?

"Oo. Lima silang lahat. Nag-iisang babae lang si Ayo. Ayo ang palayaw ni Ate Violet mo." tumango-tango ako.

Bigla akong natuwa nang malaman na may mga kapatid pala si Kahel. Hindi ko alam pero pakiramdam ko ay nagmumukha na akong tanga kakangiti. Gusto kong makikilala ang mga kapatid niya lalo na si Ate Ayo. Gusto ko ring malaman kung gaano kaganda ang ate niya. Gwapo siya kaya malamang ganoon din ang mga kapatid.

Bumalik ako sa salas at inayos ang mga kubyertos sa lamesa. Kinuha ko rin ang tambo at muling nagwalis-walis kahit kanina ko pa ito ginagawa. Maayos kong pinunasan ang mga upuan at sinalansan iyong maigi. Kumakanta-kanta pa ako dahil wala na akong ibang magawa sa paghihintay. Napatigil ako nang biglang may tumawag mula sa labas.

"Tao po!" dali-dali akong sumilip mula sa bintana. Doon ay nakita ko ang isang matangkad na dalaga na nakasuot ng bulaklaking bistida. May kasama siyang isang lalaki na mas bata pa sa kaniya.

Under The Rain (Guevarra Series 1)Where stories live. Discover now