Meteor Shower

128 38 3
                                    

Ellah tagged you in a post

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Ellah tagged you in a post.

Iyon ang nakalagay sa notification ni Kathy nang buksan nito ang facebook app niya. Agad itong namangha ng makita ang post na kung saan ay nakatag siya.

Isang litrato ng mga bituin na may kislap ng ilang linya sa kalawakan ang nakapaloob sa post na iyon. Makikita sa litrato ang petsa ng Lyrid Meteor Shower. Nagsisimula ito mula sa April 11 hangang 22, kung saan ang 22 ay ang peak nito. Ibig sabihin mas madami kang makikitang meteor sa gabing iyon.

Isa ito sa astronomical events na kanyang inaabangan tuwing April. Sa mga buwan kasing ito ay maganda ang kalangitan saka may oras siya para ilaan sa panonood ng ganitong astronomical event.

Kalimitan kasi sa ibang buwan ay palagi nalang umuulan o minsan naman abala na siya sa school. Minsan ay nakatulog na siya sa oras na dapat ay manood siya ng meteors.

-----000-----

"Kathy anak, matulog kana. Nagpupuyat ka na naman, masama 'yan sa kalusugan. Sinasabi ko sa'yo," paalala ng Mama nito na sumilip sa kwarto ng anak.

"Opo Ma, sandali lang 'to. Nagchat kasi si Ellah na pupunta siya rito next week," pagdepensa nito para hindi mapagalitan.

"Maiwan na kita anak, aasikasuhin ko lang ang Papa mo, lasing na naman," pagpapaalam nito.

Pinatay nito ang ilaw sa kwarto ni Kathy bago insinara ang pinto.

KATHY POV

Inayos ko ang aking higaan na kunwari nandito pa rin ako sa kama na natutulog . Ito na kasi ang tamang pagkakataon para pumunta ako sa bubong ng bahay namin. Peak kasi ngayon ng Lyrid Meteor Shower kaya hindi ko na palalagpasin pa ang gabing ito.

Pinasok ko sa loob ng maliit na bag ang earphones, cellphone, biscuits, at tubig para hindi na ako bumaba pa. Nagdala na rin ako ng panangga sa lamig kahit naka-jacket na ako at nakapajama.

Dahan-dahan kong binuksan ang sliding window namin para hindi iyon pagmulan ng ingay. Nang makababa na ako ay tinungo ko ang pwesto ng tricycle.

Umakyat ako hangang sa nakatungtong na ako sa ibabaw nito. Abot kamay ko na ang bubong, kaya inilapag ko ang bag doon saka inilabas ang pwersang aking makakaya.

Nang matagumpay akong makaakyat ay humakbang ako nang dahan-dahan. Mabuti ay hindi gawa sa manipis na yero ang bubong namin kundi lagot ako.

Pumunta ako sa dati kong pwesto saka inilapag ko ang dala kong kaliitan na kumot. Humiga ako roon. Kinuha ko mula sa bag ang earphone sabay paslak sa cellphone at pinatugtog ang paborito kong kanta.

"Night Changes" by One Direction.

"Goin' out tonight, changes into something red," panimula ng kanta na siyang nagpagaan sa mood ko.

Halos kalahating oras ang nagdaan ay nasanay na ang aking mata sa pagtanaw sa itaas ng kalawakan.

Unti-unting naging malinaw ang bawat kislap ng mga bituin na parang nagkalat na krystal sa kadiliman. Ilang meteors na ang aking nabibilang na labis na ikintuwa nang nag-aalab kong puso.

Lumamig ang simoy ng hangin sa aking paligid. Sumasabay naman ang ilang puno sa bawat ihip nito. Mula sa kalayuan ay parang may naaning ang aking mata na bulto ng isang nilalang sa ibabaw ng puno.

Nasa likurang bahagi ng bahay kasi ang bubungan kung nasaan ako, kaya naisip ko na baka guni-guni ko lang iyon. Ipinikit ko ang aking mata pagkatapos ay dumilat ulit.

Isang pagkakamali na dumilat pa ako dahil nakaharap na mismo sa mukha ko ang nilalang na iyon na siyang bumuhay sa aking takot.

Mahaba ang magulo nitong buhok na may mapupulang nanlilisik na mata.
Parang baboy ang ilong nito. Hubo't hubad ang mabalahibo nitong katawan na may buntot ng parang sa daga.

Nanigas ang aking buong katawan. Lumabas ang mahabang dila nito saka nilawayan ang buo kong mukha na nagbigay sakin ng pandidiri. Kumilos ang kamay nito na may mahabang kuko at itinarak iyon sa aking leeg.

-----000-----

"Hmmm," hingal na hingal na napamulat si Kathy.

Hinawakan nito ang leeg para masigurado kung may sugat ito o wala. Napatingin siya sa itaas. Walang kakaiba, gano'n pa rin katulad ng kanina.

"Nandito 'yong Aswang!" garalgal na sigaw ng isang lalaki.

Tumayo mula sa bubong si Kathy. Hindi niya naaninag ang paligid sa ilalim dahil sa sobrang dilim. Alam niyang boses iyon ng kanyang ama.

Nakita niya sa puno ang isang nilalang. Napaatras siya na parang may kung anong kuryente ang namayani sa buong sistema niya.

Ang labis na ikinatakot niya ay siya ang tinuturo ng kanyang ama imbes na ang nilalang sa punong iyon.

Magsalita pa sana siya pero hindi na niya maibuka pa ang kanyang labi. Para itong tinahi gamit ang isang likido. Dala ng kanyang pangamba ay nadulas si Kathy sa ibabaw ng bubong. Dumadaosdos siya pababa.

Bago ito mahulog sa lupa ay nabagok ang ulo nito sa ibabaw ng tricyle na naka-parking doon. Namilipit ito sa sakit na hindi makapagsalita.

Nanlaki ang mga mata nito dahil isang talim ng itak ang sumalubong sa kanya imbes na tulong. Wala na siyang nagawa nang ihataw nito sa kanya ang itak. Para siyang kahoy na sinisibak sa sitwasyon niyang iyon.

-----000-----

"Aahhh! Walang hiya ka! Paano mo nagawa sa anak natin ang bagay na 'yon!" palahaw ni Glenda na ina ni Kathy.

Pinagsusuntok nito ang dibdib ng asawa. Kitang-kita sa mata nito na hindi makapaniwala sa nagawa. Nabitawan nito ang itak na may bahid ng dugo.

"Lasing ako, hindi ko alam," iyon nalang ang nasabi nito.

Halos mag-uumaga na kaya marami ang taong nakapaligid sa naturang bahay. Dumating naman ang kapulisan na agad dinakip ang ama nito. Kinuha na rin ang bangkay ni Kathy.

Ayon sa kapulisan ay lulong sa ipinagbabawal na gamot ang ama nito kaya nagawa nitong paslangin ang sariling anak. Dinagdag pa nito na walang katotohanan ang bali-balita sa lugar na may aswang na gumagala tuwing gabi.

-----000-----

Nakatingin lang ang babae sa isang bahay na may lamay. Nakangiti ang mga duguang labi nito. Ang sugat sa mukha nito ay unti-unting naghihilom.

"Isang kabayaran 'yan sa pagsunog sa pamilya ko ilang taon na ang nakakalipas."

Nakakahalinang kalangitan ay kay gandang pagmasdan sapagkat sa pagkagat ng takipsilim ay may mumunting lihim.

TALES FROM HELLTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon