Chapter Fourteen
Napatulala si Monique sa kisame nang marinig ang pag-alis ng sasakyan ng asawa. Ilang sandali siyang nakiramdam sa pag-asang babalik ito pero hindi nangyari.
"Wow!" Napapa-iling na natawa na lang siya—hindi makapaniwala na iniwan siya ni Dominic sa unang araw ng kasal nila. Not that she was expecting anything from him. Hindi lang niya akalain na ganito ang kahihinatnan ng unang gabi nila. May kaunti siyang nararamdaman na panghihinayang pero pinilit niyang ibinaon iyon sa kaila-ilaliman ng isip.
Tama lang naman ang ginawa niya. They're not ready for that kind of intimacy. Not yet at least. Alam naman niyang importante 'yon sa buhay ng mag-asawa. Sabi nga roon sa special session nila ng seminar—tatlong araw bago ang kasal—sex daw ang isa sa pinaka-importanteng bagay para maging masaya ang pagsasama ng mag-asawa. Naniniwala naman siya ro'n. Sa palagay lang niya ay hindi pa muna ngayon. Ayaw niyang iyon ang maging pundasyon nilang dalawa ni Dominic. Sure it'll help. Pero hanggang kailan naman? Baka pagtagal-tagal ay sa kama na lang sila magkasundo at hindi niya gustong mangyari 'yon sa kanila.
Napabuntong-hininga na lang siya. Pinilit niyang bumangon para hubarin ang suot na wedding gown. Nang mahubad ay naupo ulit siya sa kama at sinipat ang paa. Namamaga pa pero nabawas-bawasan na ang sakit. Iginalaw-galaw niya ang paa, pinapakiramdaman kung kaya na ba niyang tumayo. Nang sa palagay niya ay kaya naman ay muli siyang tumayo. Paika-ikang nilapitan niya ang pinto at hinila 'yon pabukas. Bumungad sa kanya ang isang walk-in closet. Tumaas ang kilay niya nang makitang naroon na ang karamihan ng gamit niya.
Kumuha siya ng ternong pajama at isinuot iyon, pagkatapos ay naupo siya sa harap ng dresser at sinipat ang mukha sa salamin. Hulas na hulas na ang make-up niya. Dumampot siya ng wet wipes at sinimulang punasan ang mukha.
Nang matapos ay doon naman siya nakaramdam ng gutom. Bumaba siya at agad naman niyang nahanap ang kusina. Binuksan niya ang ref at naghanap ng makakain. She settled with bread and Nutella. Sumampa siya sa upuan sa may kitchen island at nagpalaman ng tinapay. Habang kumakain ay iginala niya ang tingin sa paligid. Moderno ang interior design ng bahay. Iyon ang napansin ni Monique. Sa palagay niya ay bagong gawa ito. Halos lahat ng gamit ay halatang bago pa. Bahay kaya 'to ni Dominic?
Bigla niyang naisip na hindi pa nila napag-uusapan ang magiging set-up nila. Nasa Maynila ang trabaho niya at narito sa San Juan naman ang negosyo ni Dominic. She has no idea how would they compromise about their living arrangement? Sino sa kanila ang magpaparaya? Alangan namang wala? Ang lagay ay kasal sila pero hindi sila magkasama sa iisang bubong.
"Bagong kasal nga kayo pero nasaan ang asawa mo ngayon?"
Napaismid siya. Kapag hindi ito umuwi ngayong gabi ay wala na itong babalikan dito. Bukas na bukas ay luluwas na agad siya ng Manila. Bahala na ito sa buhay nito.
Tinakpan na niya ang palaman at inilagay na sa lababo ang ginamit na kutsara. Umiinom na siya ng tubig nang makarinig ng kaluskos. Pinakiramdaman niya ang paligid. Tahimik. Akala niya ay guni-guni niya lang iyon pero muli siyang nakarinig ng kaluskos na sinundan pa ng mga boses.
She knew that something was off. Sa likod bahay nanggagaling ang mga boses at duda naman siyang si Dominic iyon. Dali-dali siyang umakyat sa taas kahit pa kumikirot ang paa. Nang makapasok sa kwarto ay inilock niya ang pinto. Hinagilap niya ang cellphone at agad na hinanap ang number ng asawa. Her finger hovered on the call button. Baka naman nago-over-react lang siya?
Kinakabahan man ay dahan-dahan siyang lumapit sa bintana at pasimpleng hinawi ang kurtina. Natutop niya ang bibig at agad na napaatras nang makitang may tao nga sa likod-bahay. Tatlo ang nakita niya at para bang sinusubukan ng mga ito na buksan ang pinto.
BINABASA MO ANG
Defining Destiny
ChickLitSi Monique Gabriel ang nag-iisang apong babae sa buong angkan ng Torralba dahilan kung bakit nasasakal siya sa atensyong nakukuha sa pamilya. Bukod pa roon ay tanyag rin ang angkan niya dahil sa halos sampung dekadang alitan laban sa mga Villegas. I...