Kabanata 10

23 8 0
                                    

Halos magtakbuhan ang mga kabayo sa aking dibdib, natutulirong nakatayo ako sa harap mismo ng nanay ni Andrie na matamang tinititigan ang gawa ko, papalit palit ang tingin sa iba't ibang papel. Binalingan ko ng tingin si Andrie na umiiling na nakatingin sa kaniyang ina. Ngumiti lang ito sa akin dahilan para mas lalong makaramdam ng kaba.

Sa muling pagtingin ko sa nanay nito ay nakataas na ang kaniyang kilay sa pinaka-huling papel, hindi katandaan ang kaniyang ina na kung tititigan ay halatang strikta, sa kaniya siguro nakuha ni Andrie ang ekspresyon nito.

"Have a seat Cath, ikaw talagang bata ka, kanina ka pa ba nakatayo riyan?" pagpuputol nito sa iniisip ko.

Napaawang ang bibig ko nang malaman kong siya ang nagsabi nito. Nakakunot ito na tinititigan ang kabuuan ko.

"P-Pasensya na po," mahinang sambit ko.

Natatawang umiling ito saka umupo sa hindi kalakihang sofa na nasa tapat ko, sakto lamang ang laki ng kanilang bahay at nakakaagaw pansin ang mga muwebles sa kanilang sala.

"Since you are a Tvl's student, dress making ba ang kukunin mo?" mahinahong tanong nito na malayo na sa kaninang itsura niya.

Umayos ako ng upo saka tumango.

"O-Opo, Ma'am," sagot ko.

Tumango lang ito saka inilapag ang folder sa mesang katapat namin.

"You have a potential. Balak sana kitang kunin sa negosyo ko, nagustuhan ko ang mga gawa mo na wedding gown. Puwede pang ma-improve lahat ng iyon kung tatanggapin mo ang alok ko, sa panahon ngayon mahirap maghanap ng trabaho lalo na't pagdating sa ganitong linya. Ayoko naman na masayang ang lahat ng natutuhan mo kung sakaling hindi mo magamit in the near future," nakangiting pagpapaliwanag nito.

Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa o matakot, may oportonidad ang naghihintay sa akin ngunit natatakot ako dahil hindi sapat ang mga nalalaman ko.

"Piliin mo 'yong makakapagpasaya sa 'yo, 'yong magagamit mo balang araw. Masarap sa pakiramdam na gawin ang isang bagay dahil dito ka masaya at hilig mo ito."

Hindi ko maiwasang maalala ang sinabi ni Mich sa akin no'ng huli kaming magkita, may punto siya. Gawing propesyon ang pasyon. Nakangiting pinagmamasdan ko nag kaniyang ina na abala sa pagmamaneho ng sasakyan, magkukwento ito ng kung ano-ano tungkol sa mga nangyayari tuwing may kliyente siyang tinatanggap.

"Nariyan pa 'yong rush ang paggawa ng gown na gusto nila pero malaki ang bayad ang kapalit, madalas mas gusto nilang namimili sa mga gawa ng mga designer ko, less hassle na siya. Kailangan mong alagaan ang negosyo at pagsilbihan ang kliyente kung gusto mong lumago ito," nakangiting sabi nito saka inihinto ang sasakyan.

Bumungad sa akin ang isang simpleng shop, sa labas pa lang ay naroon na sa glass wall ang mga wedding dress, unang tingin pa lang ay hindi ka na mananawa at wala kang mapipintas. Hindi ko maiwasang tanungin ang sarili ko kung deserve ko ba ang alok niya, ang mga gawa ko ay wala pa sa tuldok. Pero napag-aaralan naman ang lahat, at alam kong marami akong matutuhan sa kaniya.

Inalalayan ako nitong pumasok sa isang napakalawak na lounge area, rito pa lang ay makikita na ang iba't ibang disenyo na nasa bawat gilid, ang paligid ay pinaghalong peach habang ang mga wedding gown ay puti, malamig ang hangin ngunit maiinit ang pagtanggap sa akin.

"Good afternoon Ma'am," bati sa kaniya ng mga babaeng nasa counter.

Kumaway lamang ito habang hawak ang aking bewang. Inilibot ako nito sa buong shop nito, ang lahat ng madaanan namin ay binabati kami at ako naman ang pinapakilala sa lahat. Kung noon ay nagtatanong ako kung saan ako pupulutin pagdating ng araw, ngayon ay may kasiguraduhan na, kailangan ko na lang magtapos ng pag-aaral.

Matapos ang masayang usapan namin ay nag-desisyon na akong umuwi, gusto pa akong ihatid ni Madame Irene, pero tumanggi na ako. Sinabi ko na lang na may pupuntahan pa ako.  Masyado pa naman maaga para umuwi ng bahay, wala naman si papa dahil abala iyon sa pakikipag-inuman sa mga ka-trabaho niya. Hindi talaga uunlad ang buhay namin kung panay siya inom, napupunta lang naman sa mga utang niya ang mga sinasahod nito at sa pambayad ng upa, tubig at kuryente.

Abala lamang ako sa paglalakad nang maramdaman ko ang presensya ng ibang tao sa aking likuran, bigla ako nakaramdam ng kaba kaya mas lalo kong binilisan ang aking lakad. Ala-singko pa lang naman pero kaunti na ang mga tao sa daanan, kaunti lang din ang dumaraang sasakyan.

Para akong baliw na bibilis ang lakad sabay babagal, malayo pa ang bahay namin mula rito sa Tandang Sora at wala rin akong pamasahe.

Napag-desisyunan kong lumapit sa maraming tao dahil pakiramdam ko ay nakasunod pa rin siya.

"Hey—"

"H-Huwag po!"

Napapikit ako dahil sa takot at kaba na nararamdaman ko, nakayuko lamang ako ngunit ang kamay ng lalaki ay naramdaman kong umalis sa balikat ko.

"Cath, ako 'to," natatawang sabi ng isang pamilyar na boses.

Sa 'di malamang dahilan ay kumalma ang puso ko, nawala ang takot at kaba na kanina lang ay nangingibabaw sa akin.

"Bwiset ka! T-Tinakot mo ako," hampas ko sa braso ni Yohann na ngayon ay tawa nang tawa.

Hindi ko maiwasang mapayuko dahil pinagtitinginan kami ng ibang tao, akala ko naman kasi kung ano na 'yong gagawin niya sa akinn eh. Walang pag-aalinlangan hinila ko ang kamay niya saka nagtatakbong lumayo sa maraming tao na 'yon, naramdaman ko ang pagsabay niya sa takbo dahil pumantay ito sa akin.

Sumasabay ang malamig na simoy ng hangin marahil ay medyo madilim na, natatawang huminto kaming dalawa sa walang masyadong tao. Pero natigil ang tawa nito dahil sa pagtitig niya sa gawing kamay niya, mabilis kong inalis ang kamay ko na hawak ang kamay nito at mabilis na tumalikod at naglakad, kunwari ay walang nangyari.

Nakakahiya ka Cath!

"Huy, hinihingal ka pa tapos maglalakad ka ulit?" habol nito sa akin na halatang hinihingal din.

"K-Kailangan ko na kasing umuwi," pagpapalusot ko.

"Gano'n? Tara kain muna tayo, ako na bahala sa mama mo, kilala naman ako no'n e," nakangiting sabi niya.

Makikipagtalo pa sana ako pero narinig ko na ang pagkalam ng sikmura ko, tiningnan ko lang ito ng masama dahil sa pagpipigil nito ng tawa saka hinablot ang aking kamay. Gusto ko man magulat sa ginawa niya ay mas pinili kong maging kalmado, nakakapagtaka lang kung bakit ganito ako kabahan tuwing kasama siya, hindi naman siya masamang tao at hindi rin nananakit ng babae, kaya hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan.

"Tinanggap mo na ba 'yong offer?" tanong nito sa kalagitnaan ng pag-kain namin.

Tinitigan ko ito saka tumango.

"Oo, basta magtapos lang daw muna ako ng pag-aaral at sanayin lang ang sarili sa pagguhit," sagot ko.

"Nice. Iingatan ka ni Tita Irene sa negosyo niya, mabait 'yon, mukha lang talagang masungit. Madaming opportunity sa kaniya kaya ma-swerte ka," kindat na sabi nito.

Kahit papaano ay napagaan niya ang loob ko, hindi ko inaasahan na ikukwento niya sa akin ang tungkol sa pamilya ni Andrie lalo na sa asensadong pamumuhay nila.

"E, kayo ni Andrie? Kumusta?" biglang tanong nito.

Tiningnan ko ito nang mabuti, halata sa mukha nito ang pagiging seryoso, ano bang akala niya kami ni Andrie?

"Okay naman, nag-uusap lang naman kami kapag tungkol sa negosyo e," sabi ko.

"Yon lang ang pinag-uusapan ninyo?" paninigurado nito.

Tumango ako saka humigop ng buko juice na siya rin ang bumili. Nakaupo lamang kami sa isang tabi, sa harap ng malaking simbahan kung saan maraming pumapasok at lumalabas, tinititigan ko lamang ang dalawang mag-kasintahan na magkahawak ang mga kamay na patungo sa simbahan.

Kailan ko kaya mararanasan ang gano'ng bagay?

"Catherine?" tawag nito sa akin.

Agad ko itong nilingon at kinunotan, buong pangalan ang tawag niya sa akin imbes sa palayaw ko.

Inalis ko sa labi ang straw saka ngumiti kay Yohann na seryosong-seryoso.

"Bakit?"

My Dream Wedding Ceremony | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon