Pumapailanlang ang malamyos na awiting "Beautiful in White" habang dahan-dahang naglalakad si Vanessa sa mahabang pulang carpet patungo sa groom niyang naghihintay sa tabi ng altar, higit itong naging gwapo dahil sa suot nitong suit na pangkasal.
Pinipigilan niya ang pagpatak ng mga luha dahil sa pag aaalalang mababasa ang make-up kahit pa waterproof ang inilagay ng kaibigang make-up artist na si Mitch. Kumpleto ang mga kaibigan sa araw ng kaniyang kasal.
Maging ang tiyahin niyang nagpalaki sa kaniya ay hindi pumayag na hindi masaksihan ang pinaka-engrandeng kasalan ng taon sa Bayan ng Bataraza.
Palibhasa'y kilala ang pamilya sa kanilang lugar.
Naging laman ito ng usap-usapan at alam niyang kinaiinggitan siya ng ilang kababaihan, dahil siya ang maswerteng babaeng nakabingwit sa pinaka gwapong Agriculturist na halos pinapantasya ng mga kababaihan sa kanilang lugar.
Tila idinuduyan siya sa alapaap dahil sa sobrang saya.Makalipas kasi ang ilang buwan na pagiging magkasintahan nila ni Darryl ay inalok siya nito ng kasal.
Hindi naman tumutol ang kaniyang ama na ramdam niyang noon pa boto sa binatang ngayon ay magiging asawa niya na.Nakita niya sa sulok ng mga mata ang maluha-luhang ina ni Darryl. Ngunit alam niyang masaya ito para sa anak. Lalo na ang kapatid nitong si Alyssa na nauna pa yatang nagpasukat ng gown at hindi pumayag na hindi ito ang maging bridesmaid.
Naggagandahan ang mga abay niyang sina Aliya at Ashley. Ang ibang bisita'y mga tauhan nila sa bodega at farm. Dumalo din ang mga kilalang pulitiko at kapwa-negosyante ng ama.
Maging si Mr. Genon at ang pamangkin nitong si Lalaine na minsan niya ng pinagselosan ay sumaksi din.Napakaganda ni Vanessa sa suot nitong kulay puting gown, siya ang pumili ng disenyo nito.
Para siyang isang prinsesang magpapakasal sa isang prinsipe.Sa halip na beach wedding ay mas pinili nila ang Garden Wedding at ginanap ito mismo sa Alyssa's farm.
Dahil magkaiba ang relihiyon nila, napagkasunduan nilang sa Alkalde na lang ng Bayan magpabasbas.
Nagpalakpakan ang lahat ng i-announce ni Mayor Khaliv na maaari ng halikan ng Groom ang Bride nito.
Umugong ang masayang bulong-bulongan at mahinang pagtili ng kaniyang mga abay.
Tila nagmukhang Community Pantry ng gulay ang mesang kinalalagyan ng mga Wedding souvenir. Mas pinili nilang ipamigay ang mga naharvest na gulay sa buwang 'yun at nilakipan na lamang ng mga mumunting card para magmukhang presentable ang kakaibang ideya nila.
Naramdaman ni Vanessa ang nadaramang saya ng mga kababayan.
Gaya ng sayang nararamdaman niya ng sandaling 'yun. Sinulyapan niya ang mukha ng asawa, napaka swerte niya dahil napangasawa niya ito.Ang lalakeng nagturo sa kaniyang magmahal at magpahalaga sa lahat ng mga bagay na dapat na pinapahalagahan. Walang antas, walang pamantayan.