One Last Look

53 1 0
                                    

Nagdulot ng napakalaking pagbabago sa buong pamilya ng mga Cervantes ang pagdadalangtao ni Hayley. Dahil sa kabila ng mga nagdaang trahedya sa pamilya nila, eto sila nananabik sa isang anghel na darating sa buhay nila. Maging ang masungit na si Judge Cervantes ay sabik na sabik na sa magiging apo nya. Ang kaisa isang kulang na lang ay ang manumbalik ang dating saya ni Hayley. Kahit na pilitin ni Hayley na ngumiti at magkunwaring masaya ay ramdam na ramdam ng bawat tao sa paligid nya ang kalungkutan nya. Maging ang batang dinadala nya ay maaaring ramdam ang pangungulila ng ina nya.

Pinilit ni Hayley na baguhin ang bawat araw sa buhay nya, alang alang sa magiging anak nya, ayaw nitong maramdaman nito ang lungkot ba dinadala nya. Pero kahit anong pilit nyang lumaban sa huli natatalo pa rin sya ng luha nya. Maaring ang isang dahilan kung bakit nakulong na si Hayley sa alaala ni Wil ay dahil hindi pa rin nya matanggap ang katotohanan, ang katotohanan na wala na si Wil, matagal nang wala si Wil. Gayunpaman ay palihim pa rin nyang ipinapahanap si Wil. At sa pagsapit ng gabi ay palihim pa rin syang umiiyak. Lingid sa kaalaman nya ay hindi nalihim sa mga magulang nya ang patuloy na pagtangis nya. Si Hayley na lang ang kaisa isang tao sa mundo na naniniwalang isang araw babalik si Wil sa kanya.

Lumipas ang mga araw at patuloy paring umaasa si Hayley, hanggang sa dumating na ang kabuwanan nya.

Isang umaga habang sila ay nag aalmusal ay kinausap ng kanyang Papa si Hayley.

Hinawakan ni Ricardo ang kamay ni Hayley habang nakaupo sila sa hapag kainan.

"Hayley anak, alam mo bang nung isilang ka ng Mama mo, ako ang pinaka masayang tao sa buong mundo."

Pinagmasdan ni Hayley ang mukha ng kanyang Ama.

"Buong buhay ko hindi ako umiyak, pero nung makita kita bigla na lang dumaloy ang luha ko. Hayley nung ipanganak ka, pakiramdam ko pinanganak ulit ako, parang pakiramdam ko nabuhay ulit ako. Umaapaw ang pagmamahal ko para sayo." Hindi namalayan ni Ricardo na muling dumadaloy ang luha nya sa mata.

"Mahal na mahal kita anak ko, pero hindi pala sapat ang pagmamahal sa puso ko para maging magulang sayo. Bilang isang Judge pakiramdam ko alam ko na ang lahat. Pero mali ako, dahil hindi ko pala alam kung paano maging mabuting ama sayo."

Pinapahid ni Hayley ang kanyang mga luhang pilit na ikinukubli.

"Mahal kita pero ang laki ng pagkukulang ko sayo. Hindi ko naibigay ang oras na kailangan mo, hindi ko pinagbigyan ang gusto mong gawin sa buhay mo. Mas binigyan ko pa ng halaga kaysa sayo ang propesyon ko. Masakit mang aminin pero parang mas nakatagpo ka pa ng tunay na kalinga at pagpapahalaga sa ibang tao kaysa sakin. Ama mo ako pero ni hindi ko alam ang mga pangangailangan mo."

"Naging makasarili ako sa pagmamahal ko sayo. Nabulag ako sa kapangyarihang meron ako, dahil naniwala akong dahil sa kapangyarihang meron ako, walang sinuman ang maaaring manakit sa mga minamahal ko."

Sa kauna unahang pagkakataon ang nakita ni Hayley na umiiyak ang kanyang Ama.

"Kaya nang mangyari sayo ang isang trahedya, paulit ulit ako nitong pinatay ang aking kalooban. Walang araw na hindi tumangis ang puso ko, walang araw na hindi namatay ang kalooban ko. Hindi ko matanggap na dumanas ng ganoong klaseng pagdurusa ang pinakamamahal kong prinsesa. Hindi ko man naiparamdam sayo, gusto kong malaman mong ikaw ang pinakamahalagang bagay para sa amin ng Mama mo. Kaya Hayley pakiusap tigilan mo na ang pagpapahirap sa sarili mo, dahil bawat patak ng luha mo ay parang lason na pumapatay sa buong pagkatao namin ng Mama mo."

Halos manlabo na ang paningin ni Hayley dahil sa luhang umaapaw na sa mata nya. Buong buhay nya ay uhaw na uhaw sya sa atensyon ng kanyang ama.

"Hindi ko na kayang makita kang naghihintay sa wala. Hindi na din matagalan ng Mama mo ang iyong pagluha. Hayley alam kong si Wil ang muling bumuo ng nasira mong pagkatao, alam kong sya rin ang nagbura sa puso mo ng poot na nararamdaman mo at muli nyang pinatibok ito, alam ko ring buong puso nyang tinanggap at nilinis ang isinadlak sa putik na puri mo. Hayley Oo sya ang dahilan kung bakit naharap mong muli ang mundo."

The Brave OneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon