Chapter Seven
ILANG ulit na ikinaway-kaway ni Ava ang kamay nito sa harapan ng mukha ni Emilia.
"Boss, okey ka lang ba? Kung inaantok ka pa ay ayos lang naman. Puwede namang gawin ni Mokong ang pagtatawag ng mga parukyano sa shed."
Napabuntong-hininga ang dalaga. Bumuka ang bibig niya upang magsalita. Subalit kaagad din niya iyong itinikom nang maisip kung gaano kaselan ang usaping bubuksan niya.
Dalawang lalaki ang nagtangkang pumatay sa kanya kagabi. Kung bakit at kung sino ang nag-utos sa mga ito ay hindi malinaw sa kanya. Sa gitna ng panganib ay isang estranghero ang nagligtas sa kanya. At kakatwang sa lahat ng mga nangyari ay tila mas nangingibabaw sa kanyang alaala ang pakiramdam na makulong sa maiinit nitong mga bisig, ang kapanatagang hatid ng banayad nitong tinig.
Ligtas ka na...
"Boss, Boss?" ipinitik-pitik ni Ava ang mga daliri sa harapan ng mukha niya.
"Ayos lang ako. Pero dito na muna ako sa opisina. Sabihan mo na si Mokong na magbantay ng mga parukyano. Mahigpit ang kumpetisyon ngayon dahil hindi buwan ng summer."
"Okey, areglado. Kapag may kailangan ka ay naririto lang ako sa puwesto ko. Tumawag ka lang."
Tumango na lamang siya upang matigil na sa kakulitan si Ava. Pero may dahilan naman kaya ganoon na lamang ang pag-aalala nito sa kanya. Noong minsan kasing atakehin siya ng sakit niya ay nataranta talaga ito at hindi maalaman kung ano ang gagawin. Para nga raw mauuna pa itong matigok habang tinitingnan siya na tila nalulunod sa pagitan ng paghahabol ng hininga.
Napabuntong-hininga siya. Muling nagbalik ang isipan sa misteryosong lalaki na nagligtas sa kanya. Kung hindi dahil dito ay baka patay na siya. Nakapanghihinayang nga lamang sapagkat hindi niya ito nakilala. Pagkatapos nitong matiyak na ayos na siya ay mabilis na itong naglaho sa dilim.
Dagling naipilig ni Emilia ang ulo nang maisip ang nangyayari sa kanya. Pinapangarap niya nang gising ang isang lalaking ni hindi niya alam kung ano ang hitsura!
Ligtas ka na...para siyang boses ng isang dubber. At gustung-gusto niya ang boses ng mga nagda-dub ng anime sa teevee. Boses-matipuno at lalaking-lalaki. Minsan pa siyang napabuntong-hininga. Saka siya may biglang naalala. Inaasahan niya ang komosyon paggising niya kaninang umaga dahil doon sa dalawang umatake sa kanya. Ngunit nakapagtatakang parang walang nangyari nang muli siyang dumaan sa pinangyarihan ng insidente. O nanaginip lamang ba siya? Pero nasaan 'yong bangkay ng lalaking nanutok sa kanya ng patalim? O nawalan lamang ba ito ng malay at hindi talaga patay gaya ng inakala niya?
"Boss, Boss!"
Naputol ang pag-iisip niya ng malalim nang hangos na namang pumasok sa opisina niya si Ava. Wala pang sampung minuto itong nakakaalis.
"Alam mo. Sa'yo mapapadali ang buhay ko, eh," aniya rito.
"Na-excite lang naman kasi ako."
"O, ano na namang ka-excite-excite ang sasabihin mo?"
"Bumalik na 'yong boyfriend mo."
"Boyfriend ko? Kelan pa ako--si V?"
Sunod-sunod ang naging tango ni Ava. Daig pa ang kinikilig na fan na nakita ang kinababaliwang artista. Ayaw mang magpahawa ni Emilia sa excitement ng kanyang empleyada ay tila nagkaroon ng sigla ang kanyang katawan nang mabilis na tumayo at tunguhin ang pinto upang makita ang kanilang guest.
"Hi!" kayluwang ng ngiting bati sa kanya ng lalaki.
"H-hi," hindi niya maintindihan kung bakit bigla ay naging eratiko ang pintig ng kanyang puso. "Ano ang nangyari sa'yo?"

BINABASA MO ANG
Virgil
ActionA gripping tale about death-trade and revenge. Virgil was a name feared in the underworld. Kilala siya bilang anino ni Kamatayan. Anywhere he goes Death follows him. Kinatatakutan at pinangigilagan. Madali lamang para sa kanya ang kumitil ng buhay...