Ang Bakasyunista

23.8K 1K 22
                                        

Chapter Nine

"LIGTAS ka na..."

Sa buong magdamag ay matiyagang pinagyaman ni Emilia si V. May kung anong nagbubulong sa kanya na ito ang taong nagligtas sa kanya ng gabing iyon na manganib siya. May sugat ito. Nang itaas niya ang kamiseta nito para suriin iyon ay mukhang nalinis na nito iyon at napalitan ng benda. Ngunit sa sobrang taas ng lagnat ay mukhang nagdidiliryo na ito. At paulit-ulit nitong ibinubulong ang mga katagang: Ligtas ka na.

At sa posibilidad na ito nga ang nagligtas sa kanya ay minabuti niyang gamutin na lamang ito kaysa itakbo pa ng ospital at ulanin siya ng maraming katanungan ni Ava. Likas pa namang usisera ang tauhan niyang iyon. Hindi niya alam kung sino o anong klase ng pagkatao meron ang kanilang guest. Nangangamba siya na baka nasa wanted list ito ng mga pulis. Baka lalo itong manganib nang wala sa oras.

Maaaring paranoid lamang siya. Pero wala namang masama kung mag-iingat siya. Unang-una ay naging mabait naman sa kanya si V, kahit pa nga hindi masasabing maganda ang una niyang impresyon dito. At kung tama ang kutob niya na ang binata nga ang nagligtas sa kanya, habambuhay niyang tatanawing malaking utang na loob ang ginawa nito.

"'Sorry, AJ...CJ. Wala akong...nagawa."

Marahan siyang tumuwid sa kinauupuan. Inalis niya ang bimpo sa noo ng kanyang pasyente at muli iyong sinawsawan sa malamig na tubig sa plangganita. Nakakaawa ang hitsura nito. Mukhang labis itong binabagabag ng kung ano mang nagpapahirap dito.

"Mommy...Dad. I'm sorry."

Nakita ni Emilia ang pagsungaw ng luha sa isang sulok ng mga mata ni V. Hindi niya naawat ang kanyang sarili at nayakap niya ito.

"Shh, magiging maayos din ang lahat," normally ay hindi siya ganoon kadaling maging warm para sa isang estranghero. Ngunit habang yakap niya ang nanginginig at nagdidiliryong pasyente ay may nadama siyang habag para rito. 

Kung posible lamang siyang makihati sa dinadala ni V ay ginawa na niya. Salitan niyang hinahagod ang dibdib nito, mukha at buhok. Magdamag niya itong pinagyaman na animo batang munti na nangangailangan ng kalinga ng isang ina. Namamanaag na ang araw nang sa wakas ay bumaba ang lagnat nito. 

Sa pagitan ng antok at pagod ay sumubsob na lamang siya sa gilid ng kinahihigaan ni V. Kahit paano ay kalmante na siyang ligtas na ito sa peligro. Humihingi na rin ng pahinga ang katawan niya.

***

NAGISING si Virgil na magaan na ang pakiramdam. First time na nangyari sa kanya ang ganoon. Ang masugatan nang malubha at ang maratay. At iyon ay dahil inignora niya ang babala na dapat niyang iwasan si Emilia. Kumilos siya upang bumangon. Ngunit pag-angat niya ng braso ay may nakakapit doon. Nalingunan niya sa kanyang tabi ang nahihimbing na si Emilia. Dalawang kamay nito ang mahigpit na nakakapit sa braso niya.

Napabuntong-hininga siya at matagal na napatitig sa ceiling. Mukhang may utang na loob pa siya ngayon dito. Narinig niya ang banayad nitong paghihilik. Nangingiting nilingon niya ang dalaga. At sa loob ng ilang saglit ay natagpuan niya ang sariling nakatitig dito. Umangat ang isa niyang kamay upang palisin ang ilang hibla ng buhok nitong nakatabing sa pisngi. Ngunit naudlot iyon nang kumilos ito at marahang magmulat ng mga mata.

Tumuwid ito ng upo at kaagad na dinama ang kanyang noo.

"Mukhang wala ka ng lagnat," wika ng dalaga. Bahagya pang namumungay ang mga mata nito sa antok.

"Salamat."

"Anong salamat? May bayad 'yon, 'no?"

Napangiti siya sa sagot nito. "Of course."

Mayamaya ay biglang nanahimik si Emilia. Natagpuan niya itong matamang nakatitig sa kanya.

"Ahm, may morning glory pa siguro ako. Maghihilamos muna ako at magto-toothbrush," inut-inot siyang bumangon. May nahihiwatigan siya sa paraan ng pagkakatitig nito sa kanya. At iyon ang iniiwasan niya, ang magsimula itong magtanong.

VirgilMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon