Chapter Three
"SHED, shed, shed! Boss, dito na kayo. Murang-mura. Sa tamang usapan may diskwento pa."
Napabuga ng hangin si Virgil habang tahimik na nagmamasid sa ginagawa ni Emilia Cortez buong araw. Para itong barker na kumakaway sa bawat nagdaraang pribadong sasakyan sa tapat ng resort, kung saan may nakatayong apat na videoke unit ang mga ito sa apat na magkakahiwalay na kubo o 'yong tinatawag nilang shed. Bukod sa pagiging owner slash manager ng Sunrise Resort ay ginagampanan din nito ang trabaho na katumbas ng sampung empleyado. Kabilang na roon ang pang-i-engganyo ng mga bakasyunista na nagnanais mag-rent ng shed malapit sa tabing-dagat.
Dapat ay umalis na siya at hinayaan na lamang ito. Subalit nahatak ang kuryosidad niya tungkol dito. Sino at anong uri ng pagkatao meron ito para naisin itong ipapatay ng taong nag-utos para sa ulo nito?
"Solong anak 'yan si Manager," wika ng receptionist na si Ava.
Bagay na umagaw ng pansin ni Virgil mula sa pagmamasid kay Emilia.
Maliit at medyo bilugan si Ava. Hula ni Virgil ay nasa late thirties na ito. Pero dahil palangiti at maaliwalas ang bukas ng mukha ay mas bata itong tingnan sa edad nito.
"Nakaririwasa sila dati. Kaso bumagsak ang kabuhayan nila dahil sa bulagsak sa pera niyang madrasta at evil stepsister," may inis na dugtong nito sa mga taong nabanggit. "Nang magkasakit si Sir Ponso--ang Papa ni Manager--ay napabayaan na rin itong resort at bumagsak ang kanilang kabuhayan. Bigla ring naglaho 'yong mag-inang gold digger tangay ang ilang alahas at pera nilang mag-ama. Gustuhin mang maghabol ni Manager ay wala naman siyang magawa dahil sa dami ng problemang iniwan ng mag-ina. Nakaratay si Sir Ponso at namimiligrong bumagsak ang nag-iisa nilang source of income."
"Matanong ko lang, mabait ba siyang boss?"
"Sobra. Sa mga hindi nakakakilala, ang unang impresyon ng tao ay suplada siya at mataray. Pero wala pa akong nakilalang tao na kasimbait niya. Siya kasi iyong tipong para sa sarili na lang niya ay ibinibigay pa sa iba."
"Wala siyang kaaway?" nananantiya niyang tanong na tila curious lamang siya sa pagkatao ni Emilia.
"Kaaway? Hmn, minsan kahit gaano kabait ang isang tao ay hindi talaga mawawala ang mga taong may inggit. Pero...siguro, kung meron mang isang taong may matinding galit sa kanya ay 'yong anak ni Mayor Alfuerza--si Daphne. Dati niya kasing nobyo ang asawa ni Daphne na hanggang ngayon ay patuloy pa ring nakikipaglapit sa kanya. Wala naman kasing bayag 'yong si Jimmy--ex ni Manager. Mukhang pera ang pamilya. Noong unti-unti ng bumabagsak ang kabuhayan nina Manager, e, pinilit silang pagkasirain. Hayun, kamukat-mukat ni Manager, ikakasal na si Jimmy doon kay Daphne."
Napatangu-tango siya.
"Interesado kayo kay Manager, 'no? Kunsabagay, hindi ko kayo masisisi. Bukod sa maganda ang aming boss ay ubod pa ng bait at maparaan sa buhay."
Ngumiti lang siya at hindi na nagkomento. Nang magsimulang mag-usisa ang receptionist tungkol sa kanya ay disimulado siyang nagpasintabi rito.
Pabalik na siya sa kanyang silid nang mapansin niya ang isang lalaki na nakaupo sa isang tindahan. Hindi siya maaaring magkamali. Kahit naka-shades ito ay natitiyak niyang ito ang lalaki sa bus. Minamatyagan nito si Emilia.
Five million is a large amount of money. They can split it in two...or four to take down the target.
At may nagsasabi sa kanyang hindi nag-iisa ang lalaki sa bus para iligpit si Emilia. He's not suppose to give a damn...or care. Nagtungo siya sa Cartajena upang iligpit si Governor Luciano Quisumbing at tapusin nang mabilis ang kanyang trabaho. Ngunit naiipit siya ngayon sa isinisigaw ng kanyang kunsensya at sa limitasyong itinakda niya sa kanyang sarili.

BINABASA MO ANG
Virgil
ActionA gripping tale about death-trade and revenge. Virgil was a name feared in the underworld. Kilala siya bilang anino ni Kamatayan. Anywhere he goes Death follows him. Kinatatakutan at pinangigilagan. Madali lamang para sa kanya ang kumitil ng buhay...