Mag-a-ala singko na ng umaga, madilim pa rin ang kalangitan at buhay pa ang ilang ilaw sa kalsadang nilalakaran ni Venus pauwi. Tiningnan niya sa camera ng cellphone ang pasa sa panga pati ang sa kabilang pisngi saka napabuga ng hininga. Wala na ang sakit ng katawan niya pagkatapos masanggi ng kotse noong isang linggo pero ito at pinalitan niya kaagad.Pinatay niya ang cellphone kung saan nakaipit sa transparent na case ang limang daang pisong participation price, saka ibinalik ito sa bulsa ng maong na pantalon. Hindi na niya inalintana ang lamig ng hangin na tumatagos sa manipis niyang puting tee shirt.
Nang makarating siya sa harap ng apartment ay nakita niya si Sister Merli, ang may-edad nang madre na nag-alaga sa kaniya sa ampunan. Napalunok siya at agad na nagtago sa gilid ng gate.
Napasapo siya sa noo dahil ngayon pa naisipan ng madre na supresahin siya ng bisita. Hinawakan niya ang mukhang may mga pasa. Ano na lang ang ikakatwiran niya kung haharapin niya ito ngayon na madaling-araw siyang umuwi at ganoon pa ang itsura niya.
Isang tuyot na dahon ang nahulog mula sa puno ng kalumpit. Naging mabagal ang pagsuray nito pababa dahil sa liit.
Sumilip siya ulit kay Sister Merli na hindi pa rin inaalis ang ngiti habang matiyagang kinakatok ang pinto ng apartment niya. Bumagsak ang balikat niya. Ilang minuto pa niya itong pinanood at hiniling na sana ay maisipan nitong walang siya roon tapos ay bumalik na lang ng ibang araw.
Subalit ang minuto ay naging oras.
Gusto na niyang mamahinga at hindi na niya kayang saksihan pa ang napakahabang pasensiya ni Sister Merli.
Papikit na siya nang mag-vibrate ang phone sa bulsa. Napakagat siya ng labi nang makitang ang madre ang tumatawag. Napatikhim siya at sinagot ito.
"Hello po, Sister Merli." pinilit niyang maging masaya sa pagbati.
"Ay, Venus. Naku kang bata ka! Pagbuksan mo ng pinto ang kumakatok!"
"Bakit po?" malamlam kong pagkukunwari na nagtataka.
"Hindi na surprise, pero o siya sige, nandito ako sa tinutuluyan mo. Ako ang kumakatok." saad nito. "Masyado mo namang sinunod ang utos kong huwag agad-agad pinagbubuksan ang kung sino-sino."
"Sister... Uhm. Wala po ako sa apartment ko." tiningnan niya si Sister Merli at nakita niya ang pagkalungkot nito. Napasandal siya ng ulo sa kulay puting sementadong pader at sinipa ang tuyot na dahon sa kinatatalungkuan, "Ku'nin niyo na lang po yung susi na nakabaon sa lupa ng halaman diyan, para po makapasok kayo."
"Kung saan-saan ka na naman nagsususuot. Anong oras ka ba uuwi?"
"Baka po mamayang gabi."
"Ganun ba? Sige, iwan ko na lang pinabibigay ni Tintin. Kailangan ko na rin kasing lumuwas pagkatapos ng tanghali, walang mag-aalaga sa mga bata," sabi nito. "Mag-iingat ka palagi, Venus, anak."
"Kayo rin po." tugon naman niya. Gusto niya pa sanang sabihin na sa susunod ay siya na lang ang bibisita sa kanila bilang pambawi sa araw na 'to, pero isinantabi na lang niya. Sayang ang pamasahe kung uuwi pa siya, kaya namang i-video call na lang.
Bumili si Venus ng band aid sa tindahan para takpan kahit papaano ang mga pasa. Nakita niya ang anak ng tindera na naghahanda na sa pagpasok. Naglagay ito ng makeup sa mukha. Nakita niyang natabunan nito ang malalalim na eyebags ng dalagita. Naisip niya ang sariling pasa.
Umalis na siya roon at tumuloy sa mahabang lakarin papuntang unibersidad. Nakaligo naman siya kaninang madaling-araw bago pumunta sa hindi na ginagamit na barnhouse, kung saan nagaganap ang pustahan sa sparring. Wala man siyang dalang gamit ay papasok pa rin siya dahil nakikinig lang naman siya. Ilang araw na rin nang huli siyang pumasok, simula nang maaksidente siya. Iyon ang idinahilan niya sa mga propesor gayong hindi naman talaga malala ang nangyari sa kaniya. At isa pa, madalas naman talaga siyang lumiban ng klase noong nakikita niya pa si Earl. Pero ngayong wala na ito at hindi na siya nito sinasalubong ay napagdesisyunan niyang babalik na siya sa pag-attend sa mga klase niya.
Kulang pa ang malaking kinita niya noong nakaraang linggo mula sa mga mafia, kaya hanggang ngayon ay nag-iipon pa rin siya.
Tuloy-tuloy siya sa paglalakad nang harangin siya ng guard.
"ID po, ma'am." sabi nito.
"Naiwan ko." handang sagot niya.
"Bawal pumasok, ma'am. Balikan mo na lang sa bahay niyo, maaga pa naman."
"Alam mo namang estudyante ako rito, baka pwede na... kahit ngayon lang. Malayo inuuwian ko." katwiran ni Venus kahit alam na niya kung anong patutunguhan nito.
"Eh, oo, kilala kita. Ikaw yung isa sa mahihilig tumakas sa likod ng school, ma'am." usal ng guard kaya pinanliitan niya ito ng mga mata. "Sorry. Hindi po kasi pupwede pag walang ID."
"Sige na, kuya. Ngayon lang." pakiusap ni Venus at ginamit ang maganda niyang ngiti. Muntikan pa siyang masuka sa isipan dahil sa ginagawa... Pero hindi tumalab sa guard.
"Pasensiya na, ma'am. Hindi talaga pwede, malalagot ako. Baka matanggalan ako ng trabaho."
"Hindi naman ako napapansin ng mga propesor at kaklase ko. Hindi po nila mapapansin na wala akong ID." pamimilit pa rin ni Venus, nagbabakasakali. Wala siyang pupuntahan ngayon, wala na rin siyang matatambayan.
Umiling na lang ang guard bilang pag-hindi sa kaniya saka bumalik sa pagbabantay sa ilan pang pumapasok na estudyante.
Lumapit ulit si Venus.
"Kuyang guard naman." pagmamakaawa ni Venus. Hindi niya malaman kung ano pang maaari niyang sabihin kahit na alam niyang wala siyang laban dahil bawal naman talaga ang walang ID. Mahigpit ang unibersidad nila.
Hinawakan siya ng guard sa likod at maingat na dinala palabas ng gate.
"Kapag may ID ka na saka kita papapasukin." sabi nito na nakukulitan na sa kaniya. "Sorry, ma'am. Di talaga kita mapagkakatiwalaan. Tingnan mo may mga bangas ka pa nga sa mukha."
Napasibangot si Venus at inilayo ang sarili sa pagtulak ng guard sa kaniya. Maayos naman siyang nakikiusap, saka minsan na nga lang siyang maging desidido sa pagpasok, gan'to pa ang nangyari... Kung sana ay nandito ang kaibigan niya ngayon, baka maipasok siya nito. Pero wala na, galit ito sa kaniya at hindi na siya nito papansinin habang buhay.
Hindi man niya masisi ang guard sa panghuhusga dahil sa tama naman ito, umusbong pa rin ang inis niya dahil hindi niya maamin sa sarili kung bakit hirap na siyang makukha ng tiwala.
"Edi wag!" sigaw niya sa guard dahil sa naisip at dahil sa sinabi nito sa kaniya. Napatingin tuloy ang ilang estudyante na maagang pumasok.
Huminga si Venus nang malalim dahil naramdaman niya ang pagluluha ng mga mata, "Hindi na ko papasok dito habambuhay! Mga bwisit!"
Tumalikod siya at nahihiyang umalis dahil sa pagiging emosyonal na nausosyo ng ibang estudyante.
BINABASA MO ANG
Lie with Me (TAGLISH)
NouvellesFor his conditional leave to be approved, Rovic Samaniego- a high-ranked agent goes undercover one more time in a supposed to be small operation. All he need to do is deal with the teen delinquent, Venus Ibanez, who was involved on the murder of a h...