Bakit Nasa Ilog Ang Forever?

889 42 33
                                    

Madalas kong nakikita na umiiyak si nanay tuwing bubugbugin siya ng batugan kong tatay. Halos araw-araw itong umuuwing lasing at palaging pinaghihinalaan na may ibang lalaki ang nanay. Pero ang totoo pala, si tatay ang may babae kaya palaging madaling araw na kung umuwi. Kung may lakas nga lang ako ng loob noon? Sasabihin ko kay nanay na maghanap na lang siya ng bago naming tatay. 'Yong mamahalin at aalagaan siya. 'Yong bibigyan ng halaga ang kanyang pagkatao. Hindi iyong araw-araw siyang bibigyan ng black eye.

Kahit papaano ay nagpapasalamat ako dahil kung hindi dahil sa semilya ng tatay ko, wala ako sa mundo. Sa maniwala kayo't sa hindi, mahal ko ang tatay ko. Kahit na hindi ko masyadong naramdaman 'yong pagmamahal niya sa akin. Hindi ko naisip na malalayo ako sa kaniya. Pero kailangan lang talagang pumili kung kanino ako sasama.

Oo, tama kayo ng iniisip. Pagkalipas ng dalawampung taon na pagtitiis ay tuluyan nang iniwan ni nanay ang lasinggero kong tatay. Magkasama kaming nakipagsapalaran sa malawak na lungsod ng Maynila. Mahirap. Sobrang hirap na makipagsapalaran sa isang lugar na halos wala kang kakilala. Para kaming mga tupa na napapalibutan ng mga leon. Takot na takot at halos mawalan na ng pag-asa. Pero parang superhero si nanay dahil ginawa niya ang lahat para kahit papaano ay makakain kami kahit man lang isang beses sa isang araw.

Dahil sa tatay ko kaya hindi ako naniniwala sa forever. Natakot akong magmahal dahil baka magaya lang ako sa aking ina. Naduwag akong buksan ang aking puso para sa pagmamahal. Pero lahat ng aking takot ay nawala nang makilala ko si Mateo. Nakilala ko siya sa aming kanto. Sinitsitan lang niya ako at paglingon ko, BOOM. May spark.

Nagtatrabaho siya bilang panadero sa bakery na palagi kong binibilhan ng putok. Magaling siyang lumamas. Proven and tested. Ang cute ng smile niya kahit bulok at kulang ang ngipin sa harapan. Pero hindi ko na sasabihin yung amoy. Ibang usapan na 'yon. Palagi niya akong nililibre ng fishball at Pop Cola tuwing merienda. Araw-araw rin kaming may supply ng pandesal.

Walang dahilan. Bigla ko na lang siyang minahal. Hindi ba ganun naman ang true love? Hindi kailangan na kagaya sa mga kuwento na nababasa sa libro. Sa kanya ko naramdaman na may FOREVER. Araw-araw mabilis 'yong tibok ng puso ko at para akong dinuduyan sa ulap. Napakasarap sa pakiramdam. Hanggang dumating yung araw na sinuko ko na ang bataan. Naisip ko na matagal na naman siyang naghintay para sa pagkakataong iyon. Dalawang linggo na rin naman kasi kaming mag-on.

Matapos noon ay mas lalong uminit ang aming pagmamahalan. Doon kasi namin madalas ginagawa sa tabi ng oven. Kaya mainit talaga. Naging madalas ang aming pagtatalik.

Linggo-linggo.

Araw-araw.

Umabot pa sa punto na maya't-maya.

Inisip ko na siya na ang makakasama ko habambuhay kaya bakit ko pa patatagalin?

Pero mali ako.

Bigla na lang siyang nagbago. Nawala na 'yong dating tamis sa aming pagmamahalan. Kasabay noon ay nawala na rin ang supply ng pandesal. Madalas na siyang magdahilan tuwing makikipagkita ako sa tabing-sapa kung saan ko unang naamoy ang hininga niyang kasing-baho ng aming tagpuan.

Isang umaga, nagtungo ako sa bakery na pinapasukan niya. Wala akong pasabi. Balak ko sana siyang i-surprise dahil walong buwan na kaming nagmamahalan. Pero laking gulat ko nang makita ko na may katalik siya na ibang babae sa tabi ng oven. Nakita ko kung paano tumirik ang kanyang mga mata kapiling yung tindera ng isda sa talipapa. Ang sakit. Para akong dinudurog nang sobrang pino. Ganun pala 'yon ano? Ibinigay mo na lahat pero hindi pa rin pala sapat.

Buong buhay ko, ibinigay ko na. Pati 'yong tinamaan ko sa jueteng ibinigay ko na para makapagpa-pustiso siya. Pero bakit di pa rin siya nakuntento?

Tumalikod ako at umalis. Umaasa na hahabulin niya ako at magpapaliwanag. Pero ilang hakbang na, wala pa ring Mateo na sumunod. Lumingon ako pero tuloy lang sila sa kanilang ginagawa. Walang patid ang agos ng aking mga luha. Mga hayop. Magsama sila, parehas silang bungal.

Bago ako umalis ay sumigaw pa siya, "Isara mo yung pinto, baka may makakita."

Hayop siya. Iyong walong buwan na pinagsamahan namin, tinapos niya sa pitong salita. Pakiramdam ko, daig ko pa 'yong karakter ni Angelica Panganiban sa isang pelikula. Hindi ko kinaya. Para akong pinagtaksilan ng tadhana. Akala ko, iba siya. Pero kagaya rin siya ni Tatay, ni Victor at ni Adrian. Hindi makuntento kaya naghahanap ng panibagong putahe.

Natanong ko na lang sa sarili ko kung kulang pa ba? Pangit ba ako? Kapalit-palit ba ako? Hindi ba ako masarap? Bakit kailangan niya akong ipagpalit sa sardinas?

Naisip kong wakasan 'yong walang kuwenta kong buhay. Tumalon ako sa tulay. Sigurado, hindi na ako mabubuhay dahil hindi ako marunong lumangoy. Hinayaan ko ang aking sarili na yakapin ng tubig. Ramdam ko pa ang unti-unting pagkaubos ng aking hininga hanggang sa nagblanko na lang ang lahat.

Liwanag. Nakakita ako ng liwanag. Pagdilat ko ng aking mga mata ay isang lalaking nakaputi ang tumambad sa akin. Nakakasilaw ang kanyang taglay na liwanag. Hindi ko alam kung anong sabon ang gamit niya sa paglalaba pero napakaputi ng kaniyang suot.

Tinanong ko ang kaniyang pangalan ngunit hindi siya sumagot.

"Mahal kita." Narinig ko ang isang napakagandang boses. Hindi ko alam kung nagmumula ba ito sa lalaking kaharap ko pero kakaibang kuryente ang aking naramdaman.

Mahal? Agad-agad? Kakakilala pa lang namin pero mahal niya kaagad ako. Nakapagtataka rin dahil parang nababasa niya kung ano ang nasa isip ko.

"Huwag kang magtaka, anak. Mahal kita mula noon hanggang ngayon."

Anak? No way. Negro ang tatay ko at boses palaka. Isa pa, ni minsan hindi ako sinabihan ng tatay ko na mahal niya ako.

"Anak kita at AMA mo ako." Matapos niyang bigkasin ang katagang iyon ay bigla akong pumikit at saglit na nag-isip. Biglang bumilis ang tibok ng aking puso.

Doon ko SIYA nakilala. Doon ko napagtanto kung Sino ang kaharap ko.

"Bakit mo ako hinayaang masaktan?" Sinumbatan ko siya. Hindi ko alam pero iyon ang nasa isip ko. Bumuhos ang aking emosyon. Walang patid ang aking pagluha.

"Dahil kailangan mong masaktan upang matuto. Masyado kayong nabulag ng makabagong henerasyon. Naghahanap kayo ng totoong pagmamahal pero nakakalimutan ninyong mahalin ang inyong mga sarili."

"'Di ba kaya mong gawin ang lahat? Dapat hindi ninyo ako hinayaang mahulog sa maling lalaki!" sigaw ko.

"Kasama 'yan sa proseso upang mas maging matatag ka."

"Gusto ko lang naman maranasan ang mahalin. Gusto ko lang naman na mahanap ang forever ko." Nanghina ako. Lumuhod at pinakawalan ang mga luhang kanina pa nagbabadya.

"Mahal kita. At patuloy kitang mamahalin. Ang pagmamahal ko sa inyo ay walang katumbas at walang hinihinging kapalit. Tanging ang pagmamahal ko sa inyo ang walang katapusan."

Doon ko napagtanto ang lahat. Bakit kung saan-saan natin hinahanap ang forever? Bakit ba kung kani-kanino natin itinatanong kung meron ba talaga nito o wala.

Sa KANIYA, may forever. Ang pagmamahal Niya, forever.

"Isama mo na po ako," buong-puso kong pagsigaw.

"Hindi Magdalena, may misyon ka pa. Kailangan mong ipaalam sa ibang tao na may forever."

SinoSiKAT?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon