Buhay na buhay ang kahabaan ng Ermita sa Maynila. Naglipana ang mga gamugamong sabik sa liwanag. Mga gamugamong nagbibigay ng aliw kapalit ay baryang papawi sa kanilang gutom kinabukasan.
Makikita mo ang iba't-ibang klaseng putahe na nakahain sa gilid ng kalsada. May buto-buto, may masebo, may mga makunat na pero may asim pa kahit papaano, at ang pinakamabenta sa lahat, ang mga sariwa. Lahat sila, iisa ang dahilan kung bakit nandoon. Ang mabuhay.
Nagdiwang ang mga babaeng nagbebenta ng laman nang dumating ang isang itim na sasakyan.
Dahan-dahan itong umandar na para bang sinisipat ang bawat kababaihan na mamamataan. Kaagad na lumapit dito ang isang matandang binabae na kilala bilang Tita Sweet. Kaunting usap at kaunting bola lang, nagkasundo na ang dalawa.
Bumalik si Tita Sweet sa gilid ng kalsada at isa-isang nilampasan ang mga babaeng animo'y uhaw sa tubig at gagawin ang lahat, makainom lamang, ngunit bigo silang makakuha kahit na isang patak.
Dumiretso ito sa isang sulok kung saan nanginginig na nakaupo si Magdalena, siya ang nagustuhan ng parokyano. Agaw pansin ang kakaiba niyang alindog. Idagdag mo pa ang mala-anghel niyang mukha.
Unang gabi niya kaya hindi niya alam ang gagawin. Wala siyang alam sa kalakaran kaya't makikita mo sa kaniyang mga mata ang takot at pag-aalinlangan.
"Sige na, huwag ka nang mag-dalawang isip pa. Malaki ang ibinigay niya para sa serbisyo mo. Hindi ba't kailangan mo ng pera? Ito na, huwag mo nang palampasin pa."
Tumayo si Magdalena at huminga nang malalim, humugot ng lakas ng loob.
"Kaya mo 'to, Magdalena. Dapat mong kayanin," bulong niya sa sarili.
Dumiretso siya sa itim na kotse na lulan ang lalaking nakausap ni Tita Sweet at kaagad niyang binuksan ang pinto.
Inalis niya ang lahat ng takot sa sarili at inihandang madungisan ang pagkatao. Sumakay siya sa kotse, sa tabi ng lalaki.
"Hindi ako magpapahalik. Kapag nakaraos ka na, tama na. Aalis na ako," matigas at matapang niyang bungad sa lalaki.
"Huwag kang mag-alala, hindi ako humahalik sa maruming babae na kagaya mo."
Napakunot ng noo si Magdalena dahil sa pang-iinsulto na iyon.
Akma na siyang lalabas ng sasakyan ngunit mabilis na ikinulong ng lalaki ang kaniyang kaliwang kamay gamit ang isang posas.
Bumilis ang tibok ng kaniyang puso at nagtaka sa mga nangyayari. Nilingon niya ang lalaki at nakita niyang nakangiti ito. Ibinaling niya ang tingin sa lugar kung saan niya iniwan si Tita Sweet. Nakita niya na nagkakagulo ang mga kababaihan sa labas. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang napakaraming mga pulis. Lahat ng babae ay dinakip kasama ang kanilang bugaw.
Police Operation. Nalinlang sila.
"Sir, hindi ako talaga nagbebenta ng laman! Nagawa ko lang 'to kasi kailangan ko ng pera." Bumuhos ang luha ni Magdalena. Nangingnig na siya sa sobrang takot at kaba. Pilit siyang kumakawala sa bakal na nakagapos sa kaniyang kamay ngunit mas lalong humihigpit ang kapit nito sa tuwing nagpupumiglas siya.
"Lumang litanya na iyan. Sa presinto ka na lang magpaliwanag." Mabilis na pinaandar ng lalaki ang kanilang sinasakyan.
***
Nakakapagod nang mabuhay.
Nakakapagod nang gumising araw-araw na wala kang dahilan upang magpatuloy.
Hindi ko alam pero sa tuwing gigising ako sa umaga ay tatanungin ko ang Diyos—kung meron man—bakit pa ba niya ako ginigising araw-araw? Tutal, wala namang kuwenta ang buhay ko.
BINABASA MO ANG
SinoSiKAT?
Short StoryIba't-ibang kuwentong kapupulutan ng aral. Samu't-saring istorya na magbibigay ng inspirasyon sa bawat isa. Sino nga ba si Kat? Samahan mo akong alamin ang kanyang makulay na buhay.