Trip to Pilipinas

40 1 0
                                    

TRIP TO PILIPINASni Pag Ong


Galing sa pamamalimos, napadaan ka sa isang magarang bahay. Pinagmasdan mo ang kabuuan nito at sinabi sa sarili na sana balang araw ay magkaroon ka rin ng gan'ong klaseng tahanan. Natawa ka sa sarili dahil alam mong hanggang pangarap ka na lamang.


Bigla-bigla, ang atensyon mo ay napukaw ng mga ingay na nagmumula sa mga bata na nasa loob ng bahay. Magagara ang kanilang kasuotan at halatang may-kaya sa buhay.


Lumapit ka sa entrada upang makita ang ginagawa nila. Nakaramdam ka ng gutom sa iyong nakita. Nakatatakam na mga putahe ang nakahain sa mahabang mesa.


"Bata! Tara, sali ka sa amin," tawag ng babaeng nakadilaw na bestida.


Dahil sa nais mong makatikim ng masarap na pagkain ay hindi ka nagdalawang-isip na ihakbang ang iyong mga paa.


Nakatitig ang lahat sa iyo habang naglalakad, ngunit hindi mo iyon alintana. At dahil ang pakay mo ay ang makakain, mabilis kang tumakbo papuntang mesa. Pero pinigilan ka ng babae at ang sabi niya, "Mamaya ka pa kakain, tayo ay maglalaro muna."


Nanghinayang ka ngunit wala kang magawa kung hindi ang sumunod sa nais niya. Kailangan mong tiisin ang nararamdaman at magpanggap na ayos ka.


"Kampi tayo, a? Itulak mo sila para sa akin," aniya. Gan'on din ang sinabi niya sa iba pa.


Nagsimula nang tumugtog ang plaka at sumayaw ang iba. Nakatayo ka lang at hindi alam ang gagawin kaya't nabangga ka niya.


"Umikot ka rin, sumunod ka sa ginagawa namin."


Pinagmasdan mo sila at pasayaw silang umikot sa mga upuan. Dahil nahihiya ay naglakad ka lamang.


"Kung ano ang tugtog, siya ring dapat na sayaw." Nakuha mo ang kanyang ipinahihiwatig kaya't umindak ka na rin kasabay nila. Sa gitna ng iyong pag-ikot ay huminto ang plaka at mabilis na nagsi-upuan ang lahat, kasama ka.


Napalingon ka nang biglang may umiyak. Wala na siyang mauupuan kaya't hindi na muling makaiindak.


Bawat may natatanggal ay napansin mong may nababawas din na silya. Hanggang sa laro ay tatlo na lamang kayong natira.


"Uy, itulak mo siya kapag naunahan niya akong umupo, a?" bulong ng babaeng nakadilaw na bestida.


"Akala ko ba magkakampi tayo?" ang sabi ng isa.


"Kanina 'yon, hindi na ngayon."


Muli kang sumabay sa indak. At para ang lalaki ay hindi na makaupo, itinulak mo ito nang tugtog ay huminto. Nakaramdam ka ng awa nang kaniyang luha'y nagsimulang tumulo.


"Hayaan mo siya. Ang importante, ako na ang siguradong mananalo." Ngiti lamang ang isinagot mo.


Sa huling upuan ay nagpaubaya ka. Hinayaan mo siyang makaupo. Hinayaan mo siyang manalo.

"Puwede ka nang kumain, bata. Pero 'yong nasa hiwalay na mesa ang para sa iyo."


Iyon ang naging hudyat upang ang mga nakahain sa mesang tinutukoy niya ay isa-isa mong lantakan. Nagpakasasa ka sa biyayang nasa iyong harapan. Ayaw huminto ng iyong bibig kahit na sumusuko na ang iyong katawan.


Bigla-bigla, pananakit ng tiyan ay iyong naramdaman.


Tinawag mo ang pansin ng babae ngunit sa iyo'y 'tila wala siyang pakialam. Lumapit ka at itinanong kung ano ang dahilan ng pagkasira ng iyong tiyan.


"Tirang pagkain 'yan noong isang araw. Mabuti at sa 'yo ko muna ipinakain bago kay Bantay. Salamat, hindi nalason ang alaga ko."


"Pero bakit?"


"Wala kang karapatang magtanong. Sa katulad mong mahirap, puwede na 'yan." Nakaramdam ka ng pagsisisi dahil naniwala ka sa kanya. Isinuka mo ang lahat ngunit huli na.


***Trip to Pilipinas© Pag OngAll Rights Reserved 2016

SinoSiKAT?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon