Paruparo sa Disyerto

47 2 0
                                    

Urban Fiction/ Street Lit/ Kuwentong Lansangan


Rated PG (May mga salitang hindi kaaya-aya at hindi para sa bata)


***


Nakatayo ka sa tapat ng isang mataas na gusali. Sa pusod ng maynila kung saan marami ang pilit na lumilipad gamit lamang ay isang pakpak. Suot ay magarang bestida na ipinamana pa ng iyong namayapang ina. Mistulang isang paruparo na naghahanap ng bulaklak sa disyerto. Nag-aabang ng mga parokyanong uhaw sa panandaliang ligaya, naghihintay ng mga dayuhang magbibigay ng mas malaking kita.


Halos hindi ka huminga nang dahil sa usok ng mga sasakyang dumaraan. Maingay ang mga batang naglipana sa lansangan. Nagkalat ang mga basura kung saan-saan, kagaya mo at ng iba pang mga babaeng hindi alam ang patutunguhan.


Sa iyong napakamurang edad ay hindi mo alintana ang dumi ng trabaho na iyong pinasok. Basta't kumita at magkaroon ng ilalaman sa sikmura kinabukasan ay ayos lang. Wala kang ibang nais kung hindi ang makaipon upang mas madali mong matagpuan ang iyong kapatid na halos isang taon nang nawawala. Bigla mo siyang naalala nang makita ang isang batang nakahiga sa kalsada. Puno ng grasa ang katawan at halos buto't balat na.


Marahang dumaloy ang likido mula sa iyong mga mata nang naisip mo na maaaring gan'on din ang kalagayan ng iyong mahal na kapatid sa mga oras na iyon. Pilit mong pinigil ang iyong emosyon at sinabi sa sariling... matapang ka. Hindi ka basta-bastang iiyak kahit na minsan ay nawawalan ka na ng pag-asa.


Sa kalagitnaan ng paghihintay ay may huminto sa iyong harapan na isang dayuhan. Napatingala ka. Matangkad, maputi, guwapo ngunit matanda na. May kasama siyang isang batang lalaki na halos kasing-edad mo rin.


Napangiti ka.


Natuwa, dahil ngayong gabi ay kikita ka ng mas malaki kaysa sa inaasahan.


Mayamaya pa ay nakita mo na lang ang iyong sarili sa isang malamig at magarang kuwarto. Walang saplot kagaya ng dalawang lalaki sa harapan mo. Pero bago mo pa man ibigay ang iyong sarili, ay may ipinalunok sa iyong tableta ang dayuhan. Wala kang ideya kung ano ito ngunit hindi ka nagdalawang-isip dahil ang tanging nais mo lang ay ang kumita. Bigla ka na lang nakaramdam ng pagkahilo na para bang ikaw ay lumulutang sa alapaap. Malabo ang lahat sa iyong paningin, hanggang sa hindi mo na maalala ang mga sumunod na nangyari.


Nagising ka na lang sa isang bangketa bandang alas-cinco ng umaga. Iniwang parang basura at nilagyan ang bulsa ng kaunting halaga. Mabigat ang iyong pakiramdam na para bang pasan mo ang daigdig. Hindi mo alam kung paano ka napunta sa ganoong sitwasyon kaya't pinilit mong makatayo. Hanggang sa makaramdam ka ng matinding pananakit ng puson.


Kahit na nahihirapan ay pinilit mong makauwi dahil siguradong masasabon ka na naman ng iyong tiyahin. Hindi ka nga nagkamali dahil hindi pa man tumutungtong ang isa mong paa sa kanyang bahay ay sinalubong ka na niya ng mga malulutong na mura. Wala kang nagawa kung hindi sikmurain ang masasakit na salita dahil kailangan mo siya. Kailangan mong tiisin ang lahat kahit na ilang beses na niyang ipinaramdam sa iyong pabigat ka at walang kuwenta.


Dumiretso ka sa banyo upang maglinis ng katawan mula sa isa na namang maruming gabi ng iyong buhay. Bawat pahid at bawat punas ay may halong pandidiri. Tinatanggal ang amoy ng laway gawa ng paghalik sa iyong buong katawan.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 24, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

SinoSiKAT?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon