Ginising ng malalakas na sigaw ng kanyang ina si Amy Ampalaya, isang simpleng dalaga na nanirahan sa Baryo Bahay Kubo.
Pupungas-pungas siyang bumangon sa kanyang papag dahil sa pilit pang pumipikit ang talukap ng kanyang mga mata. Nilalabanan lang niya ang labis na antok dahil natatakot siyang kagalitan ng mahal na ina.
Katulad ng dati, alas-singko pa lang ng umaga ay kailangan na niyang gumising upang maaga rin niyang matapos ang mga gawaing bahay. Siya na lang kasi ang inaasahan ng kanyang ina dahil maagang nabulok ang kanyang ama at kapatid na lalaki. Sila na lang dalawa ang magkasama sa buhay.
"Amy, mamamalengke lang ako. Dapat pag-uwi ko ay tapos mo na ang mga gawaing bahay," bilin ni Inang Ampalaya habang hawak ang isang tasa ng kape sa kaliwang kamay habang ang kanang kamay ay ginagamit niya sa paglilista ng ipapamalengke.
"Opo, Ina."
Kinuha pa nito ang bayong na nakapatong sa lamesa bago tuluyang lumabas ng kanilang bahay.
Pinagmasdan ni Amy ang buong bahay. Nagkakamot niyang inisip kung paano sisimulang linisin ang napakalaki nilang bahay. Mayamaya ay lumapit sa kanya si Lappy, ang kanilang alagang laptop, at dinila-dilaan ang kanyang dahon.
Kinuha niya ang laptop food na nakalagay sa tukador at nagsalin ng kaunti nito sa puting kainan ng kanilang alaga. Hindi kasi niya sigurado kung nagugutom ba ito, naiihi o hindi kaya'y nadudumi.
Inamoy-amoy lang ng alaga ang isinalin niyang pagkain at hindi ito kumain. Malamang ay nadudumi o naiihi ito.
Binuksan ni Amy ang pinto at hinayaang tumakbo palabas ang alagang laptop. Marunong naman kasi itong umuwi sa kanilang bahay kaya't panatag siyang pakawalan ito sa labas.
Hindi muna kaagad naglinis ng bahay si Amy bagkus ay nakinig ito ng musika sa lumang pusa na binili pa ng kanyang nabulok na amang ampalaya. Sumalupa nawa.
Bandang alas-siyete na ng umaga nang magsimula siyang maglinis. Inuna niyang nilinis ang kuwarto nilang mag-ina bago ang sala. Hindi naman gaanong marumi ang kanilang bahay ngunit medyo maselan ang kanyang ina kaya dapat ay maayos ang gagawin niyang paglilinis.
Ilang oras na ang nakakalipas ngunit wala pa rin si Inang Ampalaya, gan'on din si Lappy. Pero ipinagwalang-bahala lang niya ito at tinapos na ang ginagawa.
Alas-diyes nang tuluyan siyang matapos maglinis ng kanilang bahay, iyon din ang oras ng pagdating ng kanyang ina.
Nagmano siya rito, matapos noon ay kinuha niya ang bayong na bitbit ng ina at isa-isang inilabas ang mga laman nito.
"Ano po ang uulamin natin mamaya, Ina?" tanong ni Amy habang inilalabas ang mga pinamili ng kanyang ina. Nasasabik siya sa lulutuing pananghalian ng ina dahil mukhang masasarap ang lahat ng ipinamalengke nito.
"Magluluto ako ng tao, anak." Napasimangot siya sa narinig.
"E, para saan po itong mga Iphone at tablet na binili mo?" dismaya niyang tanong dahil buong akala niya ay makakatikim siya ng masarap na ulam ngayong pananghalian. Nagsasawa na kasi siya dahil araw-araw ay tao ang kanilang pagkain. May tanim kasi silang iba't-ibang klaseng tao sa kanilang bakuran.
"Oo nga pala, tapos mo na bang diligan ang mga tanim natin ng pera?"
Bigla niyang naalala na hindi pa pala niya iyon tapos gawin.
"Ah—e. Hindi pa po ina," nangangatal niyang sagot.
"Ikaw talaga, maaga na nga kitang ginising upang maaga mo ring matapos ang mga dapat mong gawin, hindi pa rin pala lahat ay iyong nagagawa."
BINABASA MO ANG
SinoSiKAT?
Cerita PendekIba't-ibang kuwentong kapupulutan ng aral. Samu't-saring istorya na magbibigay ng inspirasyon sa bawat isa. Sino nga ba si Kat? Samahan mo akong alamin ang kanyang makulay na buhay.