"Si KAKS AT ANG TATLONG GRACE NG KANIYANG BUHAY"
Rated PG (May mga salitang hindi kaaya-aya at hindi para sa mga bata)
***Madumi. Mabaho. Pinandidirihan.
Nakangangang natutulog si Kaks sa pinagdikit-dikit na karton sa isang bangketa na tinatapunan ng mga basura ng tao. Mga basurang marumi sa paningin. Walang mapaglagyan kaya't itinatambak na lang kung saan. Kagaya ng mga kalat sa tabi niya, sa paningin ng nakararami ay isa siyang basura.
Nilalangaw ang marumi niyang katawan. Dinadaanan ng mga Manilenyong nagmamadali sa pagpasok sa kanilang trabaho. May ilang naghahagis ng barya sa tabi niya. Marahil ay naaawa sa kaniyang sitwasyon. Pero mas marami ang walang pakialam.
Nagising siya nang hampasin at murahin ni Mang Tikboy. "Puki ng ina ka talagang baliw ka! Dito ka na naman umihi at tumae. Punyeta."
Doon din kasi natutulog ang matandang pulubi. Ang usap-usapan, pinabayaan na ito ng mga anak dahil babaero raw noong araw. Kawawang matanda.
"O, tumayo ka na. Kainin mo 'tong tira ko." sabay abot ng isang supot na may lamang pansit.
Ganyan lang talaga ang bibig niyan, pero mabait naman. Ayaw pang aminin na binili talaga niya ang pansit para kay Kaks. Wala pa kasing bawas.
Tumayo si Kaks pero hindi pinansin ang matanda. Naglakad siya papunta sa tapat ng isang hindi pa nagbubukas na establisyemento. Sinundan ko siya. Napansin ko na tumutulo na naman ang kaniyang luha. Ramdam ko ang lungkot sa kaniyang mga mata. Nakita ko kay Kaks ang isang taong tuluyan nang nawalan ng pag-asa sa buhay. Nakakalungkot pero isa si Kaks sa biktima ng masalimuot na mundo. Hindi ko alam pero nasanay na ako sa kaniya. Sa tuwing magigising siya, awtomatiko na ang kaniyang pag-iyak. Siguro dahil sa tatlong Grace na naging bahagi ng kaniyang buhay.
***
"Grace!"
"Grace!"
"Grace!"
Lahat ng babaeng maganda na makakasalubong ni Kaks, Grace ang tawag niya. Kapag lumingon, ngingitian niya. Ilalabas niya ang sira-sirang ngipin habang kukurap-kurap ang mga mata. Halos lahat, matatakot, mandidiri, tatakbo at lalayuan siya. Maliban sa isa.
"Hi, Kaks. Sabi naman sa 'yo, hindi Grace ang pangalan ko, e." Tinanggap ng babae ang bulaklak na ninakaw pa ni Kaks sa Dangwa. Abot-langit ang ngiti niya. Masaya ako para sa kaniya dahil sa wakas ay may isang babaeng hindi siya pinandirihan. Kahit na simpleng pagtanggap lang ng bulaklak ang ginawa nito ay malaking bagay na ito para kay Kaks. Para sa akin. Pero bigla na lang may bumato kay Kaks mula sa likod. Hanggang sa sinugod at pinagsusuntok siya. Walang laban siyang binugbog ng tatlong kabataang lalaki. Walang awa siyang sinaktan. Nakatingin lang ang mga tao sa paligid habang pinagsisipa siya ng mga ito. Iyong ibang mga estudyante, parang tuwang-tuwa pa sa ginagawa kay Kaks. Mayroong kumukuha ng video. Iyong tindero ng sorbetes aawat sana pero biglang may bumili sa kaniya. Narinig ko ang pag-iyak ni Kaks at ang pagmamakaawa ng babaeng estudyante. Pero para silang walang puso dahil hindi nila tinigilan si Kaks hangga't hindi sila nakakakita ng dugo. Tumigil lang sila noong hindi na gumagalaw si Kaks.
BINABASA MO ANG
SinoSiKAT?
Short StoryIba't-ibang kuwentong kapupulutan ng aral. Samu't-saring istorya na magbibigay ng inspirasyon sa bawat isa. Sino nga ba si Kat? Samahan mo akong alamin ang kanyang makulay na buhay.