Ngayon ko lang napagmasdan ang sikat ng umaga at 'di ko maikakailang napakaganda nito. Parang nangangako ng isang magandang araw para sa lahat pero hindi yata ito ang sinasabi ng paligid. Tanging ang mahinhing pagaspas ng hangin sa mga dahon at mga mumunting huni ng ibon ang maririnig sa paligid.
Napakatahimik pa rin ng buong talindawang at nagluluksa sa pagkamatay ng kakasilang pa lamang na anak nila Lorenzo at Agatha, si Celestine.
Hindi na namin naabutan ang paglibing sa kanya dahil kagabi rin pala nila ginawa 'yun dahil na rin sa paki-usap ni Lorenzo na 'wag nang patagalin ang bangkay ng bata. Ang kanyang inang si Agatha ay 'di pa rin lumalabas sa kanilang kwarto at kahit sino naman ay naiintindihan ang pinag-dadaanan niya.
Ngayon pa lang yata mangyayari na magsasalu-salo ang mga talindawang ng almusal na walang kumikibo kaya nag-aalangan ako kung buksan ko ang ideyang magpapaalam kami. Pero kanina ko pa sinisiko si Christian ay hindi rin ito kumikibo kaya naglakas-loob na akong basagin ang katahimikan sa hapag-kainan.
"Ah, Pinunong Amorsolo maaari ka ba naming maka-usap kahit sandali lamang?" hindi ko alam kung nagtatanong ba ako o humihingi ng pabor.
Tahimik na uminom muna ng tubig ang may katandaan ng lalaki at marahang tumingin sa amin.
"Ano 'yun iha," sabay tango niya sa aming dalawa.
Napatingin tuloy ako kay Christian pero nang 'di pa rin ito nagsasalita ay pinilit ko nang pasiglahin ang mukha ko sabay na nagsalita.
"Magpapaalam na ho kaming m-mag-anak..." 'di ko alam pero parang naasiwa ako sa salitang mag-anak. "Kailangan rin kasi naming asikasuhin ang lahat ng bagay pinuno... ang pamilya namin, 'di na namin alam ang nangyayari..."
Nakita kong marahang huminga nang malalim ang matanda sabay sandal sa kanyang upuan.
"Wala akong karapatang humindi sa inyo mga anak... kung 'yan ang pasya niyong mag-asawa ay pagpalain kayo." aniya at tiningnan ang lalaking tahimik na kumakain sa gawing kaliwa niya. "Ah Manolo... pagkatapos mo'y maaari bang abutan mo ng ilang bloke lalo na ng pera ng mga mortal na madadala ng mga bata sa kanilang pagluwas."
Nang marinig ko 'yun ay agad akong umiling.
"Di na po kailangan, k-kaya na naming gumawa ng paraan 'pag makarating kami sa bayan pinuno." tanggi ko at tiningnan ang iba pa naming kasalo na tahimik lamang na nakatingin rin sa amin. "Ang pagpapatuloy niyo at pagtanggap sa amin ay sobra-sobra ng tulong 'yun." sambit ko at nagtama ang mga mata namin ni Manuel. "Maraming sa'yo Manuel... sa'yo Elvira." ngiti ko sa kanyang asawa.
"Kailangan niyo ang pera iha para sa inyong paglalakbay... gusto ko'y makarating agad kayo sa inyong patutunguhan." napatingin ulit ako sa matanda dahil sa pamimilit niya. "Ngayon na ba kayo aalis?"
Sabay pa kaming napatango ni Christian at siya na ang nagsalita.
"Oho Pinunong Amorsolo... sana hindi ho ito ang huling magkikita tayo at magkakasama, 'di na ho iba sa akin ang buong talindawang." sambit nito at napatingin kami sa lalaking tahimik na lumapit sa amin at inilatag ang dalawang bagay na nakabalot sa telang dilaw at isang kumpol ng pera. "Sobra ho ito," tanggi rin ng katabi ko pero nakita ko lamang na ngumiti ang pinuno at umiling.
BINABASA MO ANG
BUSAW 3: AIRINA, Ang Ulapirang
Horror. . “Bakit tayo lang ang kakaiba sa kanila?" nakuha kong tanungin ang katabi kong nakatingin rin sa mga kumakain Bahagya niya akong nilingon at ngumiti. “Dahil espesyal ka... ikaw ang prinsesa, reyna at ang.”tiningnan niya ako sa mukha pababa sa aki...