Trigger warning: Violence
YEAR 106.
Venus.
"Ama, saglit lamang po... hindi ko na kaya..." Hinihingal kong sambit habang nakahawak sa aking mga tuhod na puno ng galos at sugat na sanhi ng aking ensayo.
Naglikha ng mahinang tunog ang hawak kong kahoy na hugis espada nang marahan ko itong naibagsak sa lupa dahil sa aking sobrang pagod. Narinig ko ang mahinang pagtawa ng aking ama at wari ko'y napapailing pa marahil ay dahil sa aking biglang pagrereklamo.
"Akala ko ba ay nais mong maging mandirigma? Bakit sa simpleng labanan lamang natin ay sumusuko ka na?" Tila nang aasar niyang sambit.
Hindi ko maiwasang mapaangat ng tingin sa kaniya habang nakakunot ang aking noo. Halos tatlong oras kaya kaming nagtagisan gamit ang aming mga kahoy na espada! Inabutan na nga kami ng takip silim, ngunit 'simpleng labanan' lamang iyon?
Nais kong idahilan sa kaniyang ako ay sampong taong gulang pa lamang! Kahit nga ang mga kasing edad ko o marahil ay nakatatanda pa sa akin ay hindi kakayanin ang tuloy tuloy na tagisang katulad ng ginawa namin, e. Ngunit hindi ko na lamang ito isinatinig sapagkat alam kong ang pagiging isang bata ay hindi dahilan upang maging mahina at talunan.
Dahil sa kaniyang sinabi, kinuha kong muli ang aking espada at dahan dahang pumwesto na parang ako ay lalaban, dahilan para mapangisi ang aking ama.
"Sinong nagsabing sumusuko ako?" Seryoso kong sambit habang nakatutok sa kaniya ang hawak ko. Nanginginig man ang aking kamay dahil sa mga sugat na naroon, ay isinawalang bahala ko na lamang ito.
Kailangan kong mag ensayo at maging malakas sapagkat ako ay sasabak sa pagsusulit para maging mandirigma. Kailangan kong maging malakas. Kailangan kong mahigitan ang aking ama.
Sumigaw ako at mabilis na sumugod papunta sa aking ama habang nakaamba ang aking espada, ngunit hindi pa ako nakakatatlong hakbang ay natumba na kaagad ako. Hindi ko alam ang mga sumunod na nangyari, ngunit natagpuan ko na lamang ang aking sariling buhat buhat ng aking ama. Bumibigat na rin ang talukap ng aking mga mata, at hindi nga nagtagal ay nandilim na ang aking paligid.
"Sinabi ko naman sa iyong mag dahan dahan muna kayo sa pag eensayo, 'di ba?"
"Ngunit, Artemis, kailangan niya nang masanay sa pakikipaglaban———"
"Masiyado pa siyang bata para bigyan mo siya ng napakalaking responsibilidad, Rus!"
Unti unti kong iminulat ang aking mga mata, at una itong dumapo sa aking ama at ina na tila ba nag uusap sa aming hapag. Napakunot ang aking noo dahil sa pagtataka kung nasaan ako, ngunit maya maya rin ay napagtantong ako'y nakahiga na sa isang banig sa aming bahay.
Mukhang bumigay ang aking katawa kanina sa ensayo.
Naglakbay ang aking mga mata tungo sa aking katawan nang aking mapansin na gumaan ang aking pakiramdam at nabawasan ang sakit ng aking mga sugat. Tama nga ang aking hinala, mukhang ginamot na ng aking ina ang aking mga sugat sapagkat nababalutan na ng mga bendahe ang mga ito. Akmang tatayo na ako nang may biglang dumagan sa akin dahilan para ako'y mapa igik.
"Eden!" Naiinis kong sambit sa aking anim na taong gulang na kapatid habang tinutulak siya paalis sa ibabaw ko. Natatawa naman siyang umalis upang bigyan ako ng espasyo sa pagtayo.
"Gising na Venus!" Nakangiti niyang ani. Hindi ko na lamang siya sinagot, bagkus ay pinisil na lamang ang kaniyang matambok na pisngi bago nagtungo sa hapag kung saan naroon sila ama at ina.
BINABASA MO ANG
Alpas
AdventureFrom the vast land of Pretania---where pain, grief, and anger reside---five people ended up finding each other for one reason. ********** In a country where humanity is forced to follow this so called Ministers, Venus vowed to wreak vengeance after...