00

140 7 0
                                    

Humans are haunted by the immensity of eternity, and so, I sometimes ask myself...

Will our names still echo across the century...

Will our actions remain after we are long gone...

Will people hear our stories, and wonder who we were... how fiercely we fought and how deep our love is?

~~~~~

YEAR 105.

"Ama, anong mayroon sa lugar na iyon?" Tanong ko sa aking ama habang nakaturo ang aking maliit na daliri sa gusali na bagaman ay malayo kung nasaan kami naroroon, ay tanaw na tanaw pa rin namin dahil sa angking taas nito.

Nakapalibot sa gusaling iyon ang mga iba't ibang tahanan ng mga naninirahan doon. Napapalibutan din ang bayan na iyon ng mga pader, kung kaya't ang mga kagaya naming naninirahan sa maliliit na nayon o bayan ay hindi basta bastang makakapasok doon.

Napahinto ang aking ama sa pagsisibak ng kahoy upang tingnan ang aking itinuturo. Nakatingin lamang ako sa kaniya habang kaniyang pinupunasan ang mga pawis na tumutulo sa kaniyang mukha. Ang kaniyang mahabang buhok ay nakatali pataas upang siya ay hindi maabala nito sa kaniyang ginagawa.

Sinundan ko siya ng tingin nang siya ay umayos ng tayo at dahan dahang lumapit sa aking kinaroroonan habang nakangiti.

Narito kami sa kakahuyan sapagkat kami ay nagsisibak ng mga kahoy upang aming maging panggatong mamaya. Mula sa aming kinaroroonan ay aming natatanaw ang pinaka malaking gusali sa bayan na tinatawag ng mga mamamayan na kapitolyo, at ayon sa aking ina, ay ang mga naninirahan daw roon ay ang mga makakapangyarihang tao.

"Venus, anak," sambit ng aking ama habang may mumunting ngiti sa kaniyang labi. "Naroon naninirahan ang mga namumuno ng ating bansa at ang mga mandirigma. Ang mga taong iyon ay ang mga pinakamalalakas na tao sa bansa, kung kaya't mayroon silang kaakibat responsibilidad na protektahan ang mga mamamayan," paliwanag sa akin ng aking ama habang nakatingin rin sa gusaling iyon.

Inosente naman akong napatango tango sa sinambit ng aking ama bago muling tumingin sa aking harapan kung saan aking natatanaw ang napakagandang gusali. Hindi ko alam kung bakit, ngunit mayroon mumunting pananabik sa aking dibdib ang unti unting namumuo.

"Ang galing naman nila!" Masayang tugon ko. "Ibig bang sabihin nito ama, pinoprotektahan nila tayo mula sa mga bansang nais tayong kalabanin at sakupin?"

"Ganoon nga, anak," nakangiting ani ng aking ama habang ginugulo ang aking buhok. "Ngunit..."

"Ngunit?"

"Ngunit hindi nila tayo mapoprotektahan mula sa..."

"Saan, ama?" Kinakabahan kong ani.

"Sa... iyong ina na paniguradong tatalakan tayo kapag hindi natin natapos itong pagsisibak ng kahoy!" Tawa ng aking ama bago muling tumungo sa mga kahoy na kaniyang sinisibak upang ipagpatuloy ito.

Natatawa ko namang pinanood ang aking ama, ngunit nanatili lamang sa aking kinaroroonan sapagkat alam ko namang wala akong maitutulong sa kaniya. Mahihina pa ang aking mga braso upang magbuhat ng mga kahoy, ngunit nagpumilit pa rin akong sumama sapagkat nais kong matanaw muli yaong gusali.

Ano kayang hitsura ng bayan at ng kapitolyo? Anong hitsura ng lugar kung saan naninirahan ang mga pinakamalalakas na tao sa bansa? Anong hitsura ng mga mandirigma?!

Nais kong malaman! Ngunit, babala ng pinuno ng aming nayon ay huwag na huwag raw kaming pupunta sa bayan. Lagi niya iyong sinasabi sa aming mga bata, marahil ay dahil alam niyang kami ay nananabik na makakita ng mga bago sa aming paningin.

Ngunit nais ko talagang makakita ng isang tunay na mandirigma. Nais kong malaman kung gaano sila kalalakas. Kung gaano sila katatapang! Sapagkat...

"Nais ko rin pong maging mandirigma, ama!"

*****

D A R K N E S S P R E V A I L E D

AlpasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon