Chapter 6

288 14 1
                                    

TRIGGER WARNING:

This chapter will narrate scenes and contain dialogues about death, murder, and violence. This may be triggering to readers with similar experiences.
Please engage in self-care as you read this chapter.

━━

Chapter 6

Malas. Malas si Connor Dela Vega.

Umiigting ang panga niya habang hinihiwa ang ulam niya para sa hapunan at parang pinasusuka siya ng katahimikan sa hapag.

Malas.

Dapat ay hindi na lang siya kumain ngayong gabi kung alam lang niya na si Herodion Dela Vega lang ang makakasama niya sa hapag. Nasaan ba ang tatay niya? Ah. . . Umalis nga pala ito kasama sina  Exequiel at Beatrice Dela Vega papunta sa kung saan.

Wala rin, tulad ng nakasanayan, sina Thomas at Andrea Dela Vega. Ang lola niyang si Celeste Dela Vega naman ay namamahinga na sa kuwarto nito.

Naiwan si Connor kasama ang lolo niyang si Herodion at alam na alam niyang malas siya sa araw na iyon. Parang may sumasakal sa lalamunan niya at hindi niya magawang isubo ang pagkain dahil pakiramdam niya ay duduwal siya.

"Kumusta ang anak ni Andres?"

Agad na nawala sa iniisip ni Connor ang atensyon niya at tiningnan niya ang lolo niyang payapang ngumunguya ng pagkain.

"Olivia's coping well," tipid na sagot ni Connor.

"You always visit her?"

"Yes." Dumiin ang hawak ni Connor sa mga kubyertos, nagtataka sa biglaang interes ni Herodion kay Olivia Ignacio.

Tumangu-tango si Herodion at tiningnan siya nang diretso sa mga mata. May umakyat na namang kilabot sa batok ni Connor.

"Good," anito at parang hindi nagustuhan ni Connor ang tunog ng pagsang-ayon sa boses nito. "Take good care of her. Make sure you treat her well."

Hindi na kailangang sabihin pa iyon ni Herodion pero tumango na lang si Connor bilang pagsang-ayon.

Muling natahimik ang hapag. Gustong bumuntonghininga ni Connor. Dapat talaga ay hindi siya bumaba noong nagtawag ang kasambahay para sa hapunan. Kung alam niya lang. . .

Well, there's no use of regretting now. Nandito na siya at kailangan niya na lang tiisin ito.

"Kumusta ang plantation?" Malamig at malalim na boses ni Herodion Dela vega ang umalingawngaw sa paligid at hindi itinuloy ni Connor ang pagkain.

Agad na sinabi ni Connor ang balita sa plantation at ang ilang mga napuna niyang dapat isaayos doon. Nagbigay din siya ng suhestyon para mas lalong mapaganda ang negosyo.

Tumangu-tango si Herodion Dela Vega sa sagot niya. Tiniyak niyang maayos ang plantation nang binisita niya iyon at sinigurado niya ring gamay niya ang ilang mga detalye para kung sakaling tanungin siya ng lolo niya ay wala siyang maging pagkakamali.

Hindi niya gustong mapagsabihan ni Herodion Dela Vega dahil alam niyang lalamat iyon sa pagkatao niya at pipingot sa tainga niya nang ilang linggo. Natuto na siya. Hindi na siya ang dating pasaway na si Connor Dela Vega.

Umambang susubo ng pagkain si Connor nang magsalita ulit ang matanda.

"Binisita mo si Pablo Abrantes noong nakaraan."

Ibinaba ni Connor ang kutsarang may lamang pagkain at napagtanto niyang hindi na niya talaga maitutuloy ang pagkain dahil nawalan na siya ng gana nang marinig ang pangalan ni Pablo Abrantes. The image of a man covered in blood secluded in such a gory place flashes in his mind.

Raging Like The Cerulean Sea (Dela Vega Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon