Chapter 10

145 7 5
                                    

Chapter 10

Nagpaalam si Connor na aalis na muna sa kanilang mansyon para bisitahin ang plantation. Pero sa katunayan, didiretso siya sa sikretong tagpuan nila ni Adina dahil bibisitahin nila ang bahay ni Pablo Abrantes ngayong araw.

Sinigurado ni Connor na alam ng bawat kasambahay na sa plantation siya pupunta upang hindi maghinala ang sinuman kung mawawala man siya sa mga Dela Vega ng halos buong araw.

Pagkatapos nilang bisitahin ang bahay ni Pablo Abrantes ay gustong dalhin ni Connor si Adina sa bayan. Hinanda niya na ang sumbrerong dadalhin upang hindi siya madaling makilala ng mga tao roon. Siya lang naman ang kailangang mag-ingat dahil hindi naman kilala ng buong Casiguran si Adina.

Masaya si Connor habang papaalis ng lupain sakay ng paborito niyang kabayo nang bigla niyang maalalang nalimutan niyang dalhin ang bagay na pinaka kailangan niya. Ang kwintas na binili niya sa bayan!

Mabilis na pinaikot ni Connor ang kabayong dala para makabalik sa mansyon. Mabilis ang patakbo niya at nagmamadali. Baka mahuli siya sa oras ng usapan nila ni Adina!

Mura lang naman ang kwintas na iyon pero wala namang ibang pagpipilian si Connor dahil probinsya ang Casiguran at wala namang magandang mall. Ang tanging mayroon lang ay palengke. Pero hindi bale, pagbalik naman ni Connor sa Maynila ay kayang-kaya niya nang bigyan ng mamahaling alahas ang dalaga.

Hindi pa man nakakabalik si Connor sa mansyon ay natanawan niya na ang sasakyan ng pinsan niyang si Thiago na mukhang papauwi na rin. Nagtaka siya roon. Hindi niya alam na ngayon ang uwi ng pinsan niya. Kung alam niya'y hinintay niya sana ito para personal na mapasalamatan. Kung hindi dahil sa kanyang pinsan, hindi niya siguro malayang makikita si Adina ngayong araw.

Mabilis na pinatakbo ni Connor ang kabayo upang maabutan ang kakauwi lang ding pinsan. Iyon nga lang, natigilan siya nang makitang hindi lang si Thiago ang naroon.

Grupo ng mga armadong lalaking nakaitim ang nakapaligid sa bukana ng mansyon. Bumaba si Thiago Dela Vega at nilapitan ang isa sa mga lalaking iyon. Naramdaman ni Connor na hindi dapat siya lumapit kaya naman nanatili siya sa tabi ng isang malaki at matayog na puno at nagtago roon. Ngayon lang niya nakitang kumakausap si Thiago ng ganitong mga tauhan.

Hindi niya marinig ang usapan. Mukhang inuutusan ng pinsan niya ang mga ito. Hindi lumaon, nagsimula nang sumakay sa itim na sasakyan ang mga lalaki at umalis na. Nagtago si Connor sa likod ng puno. Nang masiguro niyang wala na ang mga armadong lalaki ay dumiretso na siya sa mansyon. Pumasok na si Thiago sa loob at hindi niya naabutan.

Bumaba si Connor sa kabayo at sumunod sa loob. Dumiretso siya sa sariling kuwarto at kinuha ang kwintas na ibibigay kay Adina. Nang masiguradong wala na siyang naiwan ay nagdesisyon din siyang umalis. Iyon nga lang, nang madaanan niya ang kwarto ng pinsang si Thiago ay narinig niyang may kausap ito sa telepono at nabanggit ang pangalan niya na agad niyang ikinahinto.

"He'll probably see that Saavedra woman later. Iniimbistigahan po ng mga Saavedra ang kaso ni Abrantes, lolo. They don't believe that Pablo is dead."

Kumuyom ang kamay ni Connor. Sino ang tinutukoy niya? Si Adina?

"That woman is using Connor to learn about Pablo and his crimes."

Nagsimulang matuyo ang lalamunan ni Connor.

Si Adina? Ginagamit siya? Hindi totoo iyon!

Nagsimulang mamuo ang galit ni Connor. Akala niya ay kakampi niya ang pinsang si Thiago! Pero ang totoo ay hindi ito naniniwala kay Adina.

"I'm sorry, lolo," malamig na sinabi ni Thiago.

Gustong masuka ni Connor. Sunud-sunuran. Isa lang ang pinsan niya sa mga aso ng lolo niyang si Herodion Dela Vega!

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 16, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Raging Like The Cerulean Sea (Dela Vega Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon