Unang Kabanata

324 22 0
                                    

'𝕻𝖗𝖔𝖇𝖎𝖓𝖘𝖞𝖆'


Ang 'ngalan ko ay Halma, kabilang sa tribong tagabawa sa Mindanao. Munting paslit pa lamang ako'y talamak na ang mga istoryang nagpasalin-salin sa tribo namin kahit pa ilang daang taon na rin ang dumaan mula ng naimbento ang mga kwentong 'yun.

Ipinanganak ako ng taong Isang libo't siyam na raan at pitumpu't apat (1974). Sa kasalukuyan ay labing-pitong taon na ako. Napakabata pa upang makasama sa mga usapang kasal, at pakikipagkasundo na naging tradisyon na din ng aming tribo mula pa noon.

Sa totoo lang ay ramdam ko na sa aming tribo ay ako lamang ang hindi masyadong nagbibigay ng atensyon sa pakikipag isang dibdib sa mga babaeng ka-tribo namin. Hindi ko alam kung anong aking nais sa buhay ngunit parati akong napapagalitan ng aking Ina dahil doon.

Nag-umpisa lamang ang aking pagtanggi sa kasal noong araw na 'yun. Espesyal na araw kung saan nakita ko ang pinaka natatanging ganda na nasilayan ko sa buong durasyon ng aking pamumuhay sa mundong ito.

Hanggang ngayon ay nangangarap pa rin ako na masilayan muli ang nakakapawi hiningang wangis ng dalagang bumihag sa aking puso.

Handa akong ipalit ang kahit na ano masilayan lang muli ang nagliliwanag at nakakaakit na mga mata nito. Mga buhok na 'tila mayroong sariling buhay habang nagsasayaw sa mabagal na indayog ng hangin. 'Tila bago pa sa aking isip ang napakagandang putong ng mga bulaklak na nakaayos at patuloy na namumulaklak sa madilim na kulay ng buhok nito.

Ngunit ang isang bagay na pinaka sariwa pa ngayon sa aking isip ay kung paano nito malamyos na tinawag ang aking pangalan.

Halma... Aking irog, hihintayin kita sa ating kasal.

Hindi ko maunawaan ang ibig-sabihin ng magandang dilag na iyon. Naisip ko na maaring panaginip lamang ang lahat, panaginip na nais ko muling makita sa aking mahimbing na pagkakatulog.

Labinlimang taon lamang ako ng mangyari ang bagay na iyon at wala akong ediya kung gawa lamang ba ng malikot kong isip ang lahat. Ngunit ramdam ko sa kaibuturan ng aking puso kung paano tumatak sa akin ang mga salitang binitawan nito.

"Halma, 'nais mo bang sumama sa amin para umawit ng Atingan sa prinsesa ng tribo mamayang gabi?" Nabalik ang aking isip sa realidad ng biglang sabihin iyon ng aking kaibigang si Selyo.

'Atingan' ay isang tradisyunal na paraan ng pag-awit ng iyong pag-ibig para sa isang nilalang. Isa itong paraan upang makabihag ka ng iyong mapapangasawa sa aming tribo, ngunit kahit minsan ay hindi ko pa iyon ginawa kahit pa alam ko na maraming kababaihan sa aming tribo ang nais akong pakasalan.

Napakabuti ng aking ina upang tanggihan ang mga naging alok ng kasal sa akin. Nais niya na ako mismo ang humanap at pumili ng babaeng nais kong maka-isang dibdib. Ngunit mukhang malabo na iyong mangyari dahil isang panaginip lamang ang babaeng pinangarap kong pakasalan.

"Hindi ko maintindihan kung anong mali sayo halma, hindi ka makakahanap ng mapapangasawa kung ganyan lagi ang iyong gawi. Tinatanggihan mo ang grasya aking kapatid," Komento nito ng makita ang muling pag-iling ko. Mahina niyang nilapatan ng tapik ang aking balikat bago tuluyang naglakbay paalis.

Tahimik kong nailing ang aking ulo dahil mas higit pa sa grasya ang aking tatamasain kung sakaling totoo ang dilag na nagpakita sa aking panaginip. 'Tila isang anghel ang aking makikita araw-araw oras na makasal ako sa natatanging dilag na iyon.

Kaya hanggang ngayon ay kimi pa rin akong naghihintay at nananalangin na magparamdam sa akin ang nilalang na iyon. Hindi ako magdadalawang-isip na awitan siya ng aking sariling atingan sa sandaling makita ko siyang muli.

Mahomanay | Completed ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon