CHAPTER TWO
"FORTY million pesos? Seryoso ka, Ruth? Forty million pesos?" hindi makapaniwalang turan ni Cheska sa kanya. Nasa bahay si Ruth ng kanyang kaibigan ng sandaling iyon upang humingi ng tulong.
Sinunod niya ang suhestiyon sa kanya ni Honeylyn na dito humingi ng tulong tutal naman ay mukhang mayaman na daw ito. At totoo naman pala. Nakabili agad ito ng isang bahay sa isang subdivision malapit sa squatter's area. Hindi man iyon ganoon kagara ngunit masasabi namang disente. May kotse na rin ito na ang tatay nito ang gumagamit. Tinanong niya ito kung paano ito yumaman ngunit ayaw naman nitong sabihin.
Ang ipinagtataka lang niya ay hindi nito tinatanggal ang suot na shades kahit na nasa loob sila ng bahay.
Nahihiyang tumango si Ruth. "Oo, Cheska. Ganoon kalaking halaga ang kailangan ko para sa operasyon ni nanay. Pasensiya ka na talaga at ikaw lang ang alam kong malalapitan ko." Sa totoo lang ay nahihiya siya na mngutang dito, kinakapalan na lang niya ang mukha para sa kapakanan ng ina.
"Ruth, wala akong ganoon kalaking halaga pero mapapahiram naman kita. Hanggang five hundred thousand..." anito.
Napalunok ng laway si Ruth. Kalahating milyon. Kahit wala pa iyon sa kalahati ng halagang kailangan niya ay napakalaking halaga na niyon. Kung sakali ay ngayon lang siya makakahawak ng ganoong pera.
"S-sige, Cheska. Napakalaking tulong niyon."
"Pasensiya ka na, ha. Kung may mas maitutulong sana ako sa inyo..."
"Naku, wala iyon. Oo nga pala, si Honeylyn, nagtatampo sa'yo."
"Ha? Bakit daw?"
"Hindi mo yata pinansin no'ng huli kayong nagkita. Nagsumbong siya sa akin noong isang araw. Hala ka!"
"Ang bruhang 'yon!" sabay tawa nito nang mahina. "Nagmamadali kasi kami nang maglipat kami. 'Yaan mo at minsan ay dadalawin ko siya. Hindi naman porket nagkaroon ako ng pera ay kakalimutan ko na kayo. Kumusta na nga pala si Aling Rita?"
"Nasa ospital pa rin, eh. Hindi pa pwedeng ilabas dahil sa..." biglang nabasag ang boses ni Ruth dahil sa naiiyak na naman siya. Naalala na naman niya ang hitsura ng kanyang Nanay Rita. Napakaraming tubo at aparato ang nakakabit sa katawan nito. "Dahil sa kalagayan niya. K-kung may magagawa nga lang ako sa sitwasyon niya ngayon, eh..."
Napansin ni Ruth na natahimik si Cheska sa sinabi niya. Titig na titig ito sa kanya at parang pinag-aaralan ang kanyang nararamdaman.
"C-cheska? Bakit? May dumi ba ako sa mukha?" tanong niya dito.
Umusog pa ito palapit sa kanya at hinawakan ang isa niyang kamay. "Ruth, gagawin mo ba ang lahat para lang magkaroon ng pera?" seryosong tanong nito.
"Ha?"
"Oo o hindi lang. Kaya mo bang gawin para magkaroon ng forty million pesos o higit pa?"
Napatawa siya sa kaseryosohan ng kaibigan niya. "Ano bang sinasabi mo, Cheska? 'Wag mong sabihin na pagbebentahin mo ako ng laman? Ayoko. At isa pa, walang magbabayad sa akin ng forty million pesos sa pagbebenta ko ng laman!"
"Meron, Ruth. At marami sila!"
Siya naman ang natahimik. Tila seryoso ang kaibigan niya sa sinasabi nito.
"H-hindi kita maintindihan..."
Huminga ng malalim si Cheska. Dahan-dahan nitong tinanggal ang suot na shades. Kaya pala lagi itong naka-shades ay dahil sa may parang benda ang kaliwang mata nito. Tinanggal nito ang benda at doon ay nakita niya na wala na ang isang mata nito!

BINABASA MO ANG
SICK
Horor(Now a published book under LIB) Tatlong kwento na sisikaping pabaligtarin ang iyong sikmura! Story 1: AUCTION Hindi mo na ba ginagamit ang iyong puso, utak, mata at atay? Benta mo na! Story 2: FLY Isang pagkakamali. Isang insekto. Anim na buhay kap...