CHAPTER THREE
TULALA si Vanessa nang umuwi siya sa apartment. Pagkapasok niya ay nanatili pa rin siya sa may bungad ng pintuan. Hindi pa rin siya makapaniwala na hindi na siya talaga mahal ni Russel. Totoo nga na marami ang namamatay sa maling akala.
"Vanessa? Anong ginagawa mo diyan? Sa'n ka ba galing? Bakit ngayon ka lang-" Biglang natigilan si Gemma nang makita nito ang kamay niya. "Ano ba 'yan?! Dumudugo ang daliri mo!"
Hinila siya ni Gemma papasok at sinaraduhan nito ang pintuan. Hindi pa rin niya ito kinakausap dahil okupado pa ni Russel ang buong sistema niya. Dinala siya ni Gemma sa may lababo at binuksan ang gripo. Isinahod nito sa tubig ang dumudugo niyang kamay. Wala na sa ayos ang band aid na nakalagay sa paso niya sa daliri. Dumudugo ang daliri niya dahil napasadsad ang paso niya sa semento nang itulak siya ni Russel kanina.
"Ano ba talaga ang nangyari, Vanessa? Bakit hindi ka nagsasalita diyan?" Halata na ang pag-aalala sa boses ni Gemma.
Marahang lumingon si Vanessa sa kaibigan. "P-pumunta ako kay Russel..." malungkot niyang sabi.
"Ha?!" Hindi makapaniwalang reaksiyon nito sa sinabi niya.
"Sinabi ko sa kanya na lumayo na kami... Na 'wag na siyang magpakasal... P-pero ayaw niya. Akala ko, m-mahal pa niya ako, Gemma. Mali pala ako. Mali..."
Binitiwan ni Gemma ang kamay niya at inis na itinirik ang mga mata. "Sinasabi ko na nga ba at umaasa ka pa rin sa Russel na iyon! Grabe ka talaga! Alam mo, Vanessa, gusto sana kitang tulungan at payuhan pero alam ko naman na hindi mo ako papakinggan, so, matutulog na lang ako. Bahala ka na sa buhay mo. Kung ipu-push mo pa rin ang feels mo kay Russel... go! Diyan ka na nga!" at inirapan muna siya nito bago siya nito iwanan.
Naiintindihan ni Vanessa kung bakit ganoon ang naging reaksiyon ng kaibigan niya. Kahit naman siya ay nagagalit sa kanyang sarili kung bakit hanggang ngayon ay umaasa pa rin siya sa lalaking iniwan niya. Hindi pala nakatulong ang panonood niya ng gore at horror movies para makalimutan si Russel.
Tiningnan niya ang sugat sa kanyang daliri. May mga natuyong dugo pa rin sa kanyang kamay na hindi nalinisan ni Gemma kanina. Muli niyang itinapat sa tubig ang pumutok na paso niya sa daliri. Nakalaylay na ang balat na naroon sanhi ng pumutok na paso. Medyo mahapdi iyon pero kaya naman niya. Kailangan niya iyong linisan dahil baka maimpeksiyon. Habang hinuhugasan niya iyon ay hindi niya malaman kung bakit tila titig na titig siya sa konting balat na nakalaylay sa daliri niya.
Pinatay niya ang gripo. Tinitigan niyang muli ang sugat sa daliri. May konting dugo pa iyon. Hinawakan niya ang kanyang sugat at nang gawin niya iyon ay sari-saring imahe ang biglang pumasok sa kanyang utak. Mga imahe na galing sa mga napapanood niyang gore movies! Napapikit siya. Nang ibukas niya ang kanyang mga mata ay parang pagod na humihingal siya.
Patuloy siya sa paghawak sa sariling sugat. Parang nakakaramdam siya ng kasiyahan sa paghawak doon. Kakaiba ang texture ng nakalaylay na balat at kakaiba sa pakiramdam ang konting hapdi na nararamdaman niya sa bawat pagdampi ng kanyang daliri sa sugat niya. Hinawakan na niya ang balat at dahan-dahan na hinila niya iyon. Kailangan na niyang tanggalin iyon dahil hindi na magandang tingnan. Matagumpay naman niyang natanggal iyon.
BINABASA MO ANG
SICK
Horreur(Now a published book under LIB) Tatlong kwento na sisikaping pabaligtarin ang iyong sikmura! Story 1: AUCTION Hindi mo na ba ginagamit ang iyong puso, utak, mata at atay? Benta mo na! Story 2: FLY Isang pagkakamali. Isang insekto. Anim na buhay kap...