Abril 1941
Maingay at abalang paligid ang sumalubong sa akin pagbaba ko ng kalesa. May sigaw ng mga tindera at tinderong nakahanay sa gilid ng bapor na nagbebenta ng kung ano- ano. May kalabog ng mga kalesang sunod- sunod na nagsisi- datingan para ihatid ang mga kapamilyang susundo sa kanilang kamag- anak na uuwi lulan ng bagong dating na bapor. Nandito ako ngayon sa daungan ng bapor upang hintayin ang pagdaong ni ama. Isa siyang kapitan ng barko at ilang buwan kaming nawalay sa isa’t isa bago siya makauuwi ngayon. Nakasanayan ko nang sa tuwing siya’y darating ay matiyaga ko siyang hihintayin dito sa daungan.
Suot ang simple ngunit malinis na saya ay tinunton ko ang dako kung saan nagsisipaghintay ang mga kamag- anak ng sinumang pauwi rito sa probinsiya ng Negros. Masaya at sabik akong tumungo sa dakong hintayan para salubungin si ama at para lang din madismaya sapagkat wala nang isa mang tao ang naroon.
Inilibot ko ang paningin sa paligid sa pag- aakalang masyado lang akong napaaga ng dating. Ang mabuti pa siguro’y uupo na lang muna ako sa upuang kahoy para hindi mamanhid ang mahihina kong tuhod sa matagal na pagtayo.
May ilang taong larawan ng kasabikan sa aking harapan. Ang ilang pasahero na bagong dating ay sinasalubong ng mahigpit na yakap ng kanilang mga pamilya. Mayroon pang nagsisi- iyakan sa labis na kasabikan matapos muling makita at makapiling ang isa’t isa. May ilan ding magkakasintahan na hawak kamay habang nagtatawanan. Nakahilig sa balikat ng binata ang dalaga habang kuntentong pinagmamasdan ang paghampas ng mga alon sa dalampasigan.
Napaiwas ako ng tingin nang masulyapan kong napalalim ang kanilang titigan sa isa’t isa. Alam na alam ko ang sunod na mangyayari pagkatapos ng nag- iinit at sabik na titigang iyon kung kaya’t iniiwas ko ang atensyon at mas piniliing ituon na lamang ito sa ibang bagay.
“Maayong aga, binibini.”
Napalingon ako matapos makarinig ng baritonong boses ng pagbati sa aking likuran. Awtomatikong kumunot ang aking noo nang tumambad sa akin ang isang matangkad na ginoo.
Nagpalinga- linga ako sa paligid bago sumagot. “Paumanhin subalit ako ba ang iyong tinawag?” Magalang kong tanong sabay turo sa sarili upang kumpirmahin kung ako nga ba talaga ang kinakausap ng ginoong nasa aking harapan.
Tumango siya at magiliw na ngumiti. “Ikaw nga, binibini. Hinahanap mo ba ang iyong ama? Nakaalis na siya kanina pa at ibinilin niyang ihatid kita pauwi sapagkat may dadaanan pa siyang handaan sa bahay ng kaniyang kaibigan,” paliwanag niya.
“Ganoon ba?” Nadismaya ako ng kaunti dahil hindi nabanggit sa akin ni ama sa kaniyang sulat na may dadaluhan pala siyang pagdiriwang. Marahil ay biglaan ang imbitasyon kung kaya’t hindi na niya siya nakatanggi.
![](https://img.wattpad.com/cover/282530982-288-k378742.jpg)
YOU ARE READING
Rays Under In Night Sky
Ficción históricaMakapangyarihan ang pag-ibig sapagkat kaya nitong pagtagpuin ang dalawang taong nagmamahalan lumipas man ang maraming taon. Malimot man ng utak at katawan, tiyak na makikilala ng puso at kaluluwa ang pag-ibig na minsan ay nagwakas sa isang malagim n...