Puti ang lahat ng kulay mula kisame, pader, maging ang sahig. Malayo ang malinis at maaliwalas na anyo ng loob sa labas. Hindi sa pagmamalabis pero para akong pumasok sa bagong dimensyon. Mas tamang sabihin na para akong nasa gitna nang kawalan.
Kung akala ko tahimik na sa labas ay meron pa palang mas ikakatahimik sa loob. Isang minuto palang ako sa loob ng gusali pero halos gusto ko ng tumakbo palabas. May kung anong mabigat na hangin sa loob para maging mahirap ang paghinga at nakapanghihina.
Nagpaplano pa lang akong humakbang para lingunin ang pintuan palabas bumuhos na agad ang malakas na ulan. Bigla akong nanlumo.
Wala talagang umaayon sa akin.
Natulala ako habang pinagmamasdan ang kaputian ng paligid. Nagdadalawang isip sa susunod na gagawin, dahil wala naman akong plano at ang lahat nang ito ay biglaan. Maging ang katapangan ko ay panandalian lamang. Kung maaari lang sanang matulala hanggang mabura sa hangin o kaya naman tuluyang lamunin ng puting kawalan ay hindi na masama.
Pinilit ko ang sarili ko na pakalmahin ang aking emosyon.
Hindi ito hospital. Hindi ito hospital. Hindi ito hospital.
Paulit-ulit na paalala ko sa aking sarili.
Wala ng mas murang maaari mong pag-tuluyan maliban sa lugar na ito. Kaya tiisin mo kung anong meron sayo.
Matapos ang ilan sandali ng pagdadalawang isip napagdesisyunan ko na pumunta sa estante upang kausapin na ang Landlord. Subalit wala akong naabutan na kahit anino, tanging isang bond paper na naka-paskil sa salamin na nagsasabing "Mamili nalang kayo ng susi. Tuwing katapusan ang pangongolekta ng bayad sa upa." At napansin ko ang mga susi na maayos at magkasunod-sunod na nakasabit sa pader.
Hindi ko mapigilan hindi magtaka...