Pagkagising ko ay basang-basa ako sa ulan at sumasakit na rin ang aking katawan dahil sa tagal ng aking pagkakahiga sa matigas at malamig na sahig kahit na gano'n ay wala pa rin akong gana upang tumayo at magpalit.
Pumipintig ang aking ulo at umiikot ang aking paningin. Sa lakas ng kabog ng aking dibdib ay nais ko nalang sumuka subalit halos dalawang araw ng walang laman ang aking tiyan.
Sobrang sama ng aking gising at maging ang emosyon ko ay hindi pa rin nagiging normal. Hindi pa nagtatagal ay nangingilid nanaman ang mga luha sa aking mata.
Ano bang nagawa ko para parusahan ang sarili ko ng ganito? Bakit kailangan ako lang ang nahihirapan?
Pakiramdam ko ay napakahina ko at napakaliit. Nais kong magalit sa aking sarili pero mas nag uumapaw ang pagkaawa dahil alam ko na hindi ko naman ito kasalanan.
Kung sana...Kung sana hindi lang—wala rin silbi ang manisi sa oras na ito. Nangyari na ang dapat hindi mangyari. Tatakas nalang o haharapin ang problema pero masyado akong mahina.
Pinikit ko nalang ulit ang aking mata upang bumalik sa tulog.
Sunod-sunod ang pagdating ng mga sasakyan at pag alingawngaw ng busina kaya nabulabog ang mga ibon na naka hapon sa kable ng kuryente. Wala na rin ulan sa labas subalit makulimlim parin ang kalangitan. Sinilip ko ang aking relo at napansin na halos isang araw akong nakatulog.
Malakas na kumalam ang aking sikmura at doon ko palang naramdaman ang pagtaas ng acid sa aking lalamunan. Nanghihina kong kinapa ang aking bag at kumuha ng isang instant noodles at sinimulang kainin iyon habang nakahiga.
Hindi ako makakain ng maayos dahil sa sunod-sunod na ingay galing sa labas. Papalakas nang papalakas ang sigawan habang papalapit ang mga tao sa loob.
"Tangina? Ginagago mo ba ako?! Kala mo kung sino kang umasta dahil..." Ang lumipad ng ilan masamang salita na parang kulog na umalingawngaw sa hangin. Minsan ay napapapikit pa ako sa labis na sakit na salita.
Wala ba silang respeto sa ibang tao na nakatira rito?
Nanatiling tahimik ang kabilang panig at narinig ko nalang ang pagbukas ng tarangkahan. Tumayo ako upang isara ang bintana. Pero dahil sa biglaang pagtayo halos matumba ako sa pagdilim ng aking paningin.
Sa sobrang haba ng tulog ko ay namanhid na ang aking katawan 'di ko na rin ramdam ang sakit o kaya ang pagod pero alam ko na anumang oras ay maaari akong matumba.
"Senigstro sinasabi kong pagsisisihan mo ito! Sisirain ko ang pangalan mo hanggang sa wala ka ng mukhang ihaharap at mas gugustuhin mo nalang mamatay!" Ramdam ko ang panggigigil ng lalaki at labis na galit. Sa sobrang lakas ng boses ay lalo lamang sumakit ang aking ulo sinapo ko ito at sinubsob ang aking mukha sa aking palad.
"Tumigil ka Senigstro! TANGINA SABING TUMIGIL KA EH! MAPAPATAY KITANG HAYOP KA."
Nagulat nalang ako noong bumukas ang pintuan at iluwa nito ang imahe ng isang lalaki.
Napatigil ito sa pagpasok at napatingin sa aking direksyon.
Halos mawalan ako ng balanse sa sumunod ng nangyari. Meron matandang sumugod sakanya ng isang malakas na suntok at natumba ang lalaking tinatawag na 'Senigstro' at dumura siya sa malinis na sahig ng dugo.
Napapikit nalang ako sa sunod-sunod na pagdapo ng kamao sa mukha ng lalaki subalit wala siyang reaksyon at tahimik na tinatanggap ang bawat suntok.
Pagkamulat ko ng aking mata nakita ko na walang kurap na nakatingin sa aking direksyon. May bakas ng pagkaaliw sa kanyang mukha at tuluyang binalewala ang lalaki nakahawak na ngayon sa kanyang kwelyo.
Hindi ko na maalala ang sumunod na nangyari. Matapos masiguro na nagulpi ng matanda ang lalaki ay galit na umalis iyon. Halos ilan minuto rin nakahiga ang naiwan lalaki sa sahig habang nakatingin sa kisame malalim na nag-iisip.
Habang ako naman ay nanatiling nakatayo sa gilid sinusubukan parin na intindihin ang nangyari. Bumalik lamang ako sa realidad sa nang may kumatok sa aking nakabukas na pintuan. Duguan ang kanyang mukha at nakasuot ng arm brace. Ang nakakagulat pa ay sumaludo ito sa akin bago nakangisi na umalis.