Pinili ko ang pinakamalapit na silid na aking nakita. Kahit na nakalagay na mismo sa sulat na iniwan ng landlord na maaaring piliin ang kahit na anong silid ay hindi ko maiwasan na isipin na hindi tama ang aking ginawa. Subalit pagod na ako. Gusto ko lang ng isang mahabang tulog na walang abala.
Halos dalawang araw rin akong pagala-gala lamang sa daan at walang matinong pahinga.
Pagkapasok ko sa silid malamig na sumalubong sa akin ang hangin. Sumasayaw ang puting kurtina dahil sa malakas na hangin galing sa nakabukas na bintana.
Madilim ang silid subalit sapat lamang para makita ang ilan mga gamit sa loob. Nakagugulat dahil malayong mas maluwang ito kaysa sa aking akala. Halos kasing laki na niya ang aking silid sa dati— mayroon kama, lamesa, at upuan sa loob.
Hindi na ako nag-abala na isindi ang ilaw. Pagkandado ko sa pintuan ay agad akong nanghina at nabagsak ang lahat ng aking bitbit. Ilan araw na rin akong nasa bingit ng pagkasira, halos pinipigilan ang hininga sa bawat taong makakasalubong at sa bawat galaw ay hindi nawawala ang takot at kaba, kaya laking ginhawa na nakahanap na ako nang ligtas na lugar. Wala na akong pakialam kung masira lahat. Wala na akong pakialam.
Sunod-sunod na tumulo ang lahat ng luha na ilan araw ko ng pinipigilan. Buong araw akong lumuha nang tahimik sa gilid malapit sa bintana hanggang makatulog ako.
"Natatakot ako ..."