May Natagpuang Aswang sa Barangay Mahangin

80 13 7
                                    

Tirik ang araw sa Barangay Mahangin ngunit may kumpol ng tao sa harap ng bahay ng dating kapitan. Sa gitna ng kalsada ay may isang lalaking nakagapos, ang bibig binusalan. Siya ay kilala ng buong barangay dahil siya lang naman ang anak ng dating kapitan ng barangay. Si Lito. Wala itong pang-itas at namumula na ang balat sa init ng panahon. Gusto na sana siyang tulungan ng kanyang mga ka-barangay ngunit nandoon si Pol, may hawak na itak at tila nagbabanta sa kung sino man ang gustong lumapit.

"Pare, kumalma ka!" a' ni Efren. Siya ang natatanging panadero sa buong barangay at matagal na kumpare ni Pol. "Ano bang nangyayari?"

Napangiti si Pol at sabay tapak kay Lito sa kanyang likod. "Mga ka-barangay! Nahuli ko na ang aswang. Yung aswang na pumapatay sa ibang mga barangay. Siya yung pumatay doon sa pipe nito lang sa kabilang barangay. Itong tarantadong ito iyun!"

"Ha? Teka muna pare, si Lito yan. Paano mo nasabing aswang yan? Matagal na sila dito sa barangay natin."

"Pare maniwala ka! Nakita ko siya noong madaling araw. Nakatayo siya sa sagingan tapos bigla na lang siyang dumapa at naging malaking aso. Maniwala kayo!"

"Baka lasing ka lang pare."

"Oo nga!" dagdag ni aling Elsa, isang lola na kasing tagal nang nakatira sa Barangay Mahangin ng angkan nila Lito. "Mabait yang si Lito, paanong magiging aswang yan?"

"Heto," dali-daling kinapkap ni Pol ang kanyang bulsa at kinuha mula rito ang isang bawang. "Tignan niyo!" Hinablot ni Pol ang malangis na buhok ni Lito at itinaas ang ulo. Kita ng mga tao ang mangiyak-ngiyak na mukha ng kanilang kapitbahay. Ngunit di tumalab kay Pol ang luha ni Lito at gigil na dinikit ang bawang sa mukha ni Lito. Laking gulat ng mga tao nung nagsisigaw si Lito na tila ba para bang nagbabagang mainit na bakal ang nasa kanyang pisngi. "Kita niyo! Aswang talaga itong gagong ito!"

"Kuya! Tigil mo na yan! Maawa ka!" sigaw ni Amy, ang may-ari ng karinderya sa kanto. "Nakaloka ka! Allergic talaga yang si Lito sa bawang. Di mo ba alam yun? Namana niya sa tatay niya yun!"

"Oo nga pre, allergic talaga sila."

"Efren, pare, maniwala ka naman."

"Di pwedeng aswang yang si Lito eh matulungin yan sa kapwa. Yung tatay niyan nagpondo sa akin magtayo ng punerarya dito sa barangay natin!" sabi ng isa pa nilang kapitbahay.

Tumango si Amy. "Oo saka yang si Lito kuya eh may malasakit sa mga kabarangay niya. Nagbobolunteer yan mag-ikot ikot sa barangay tuwing gabi para maging ligtas dito sa atin. Baka nga kaya mo siya nakitang nasa may sagingan eh dahil may hinuhuli siyang magnanakaw!"

"O eh baka ikaw yung magnanakaw na yun! Nahuli ka niya siguro ano?" bintang pa ng isa.

"Ha? Paano akong naging magnanakaw? Teka, teka, sige, kuha kayo asin dali. Masakit ang asin sa mga aswang diba? Wala rin siyang allergy doon." Nakatingin lang sa kanya ang mga tao. Di malaman ni Pol kung anong tumatakbo sa mga isip nila. "Dali! Kapag di siya nasaktan sa asin papakawalan ko na siya. Pero kung oo, alam niyo na!"

Nagbulungan ang kanyang mga ka-barangay. Maya-maya pa, lumapit si Efren sa kanya dala ang lalagyan ng asin.

"Sige isaboy mo pre!" utos ni Pol. Sinunod naman siya ni Efren at sinabuyan ng asin si Lito na waring nagpapakain lamang ng manok. Pagkadampi na pagkadampi sa balat ni Lito ng asin ay kitang-kita ang puting usok na sumisingaw mula rito. Nangisay ang lalaki sa mainit na kongkretong kalsada. Dumugo-dugo na ang braso ni Lito sa pagpupumiglas at halos lumuwa na ang kanyang mata sa hapdi.

"Kita niyo na! Tama ako. Sinong tao ang ganyan ang reaksyon sa asin, ha?"

"Pakawalan mo na siya pre! Maawa ka!" Akmang lalapit si Efren sa kanya kaya biglang tinutukan ni Pol ito ng kanyang itak.

"Tigil mo na ito Pol. Alam namin naiingit ka lang kay Lito dahil mayaman sila. Para sa natitirang dignidad mo, tama na Pol."

"Anong naiingit Aling Elsa? Sobrang labo na ba ng mata mo at di mo nakita yung usok sa balat niya?" Sa gigil ni Pol, itinaas muli niya ang mukha ni Lito at tinanggal ang bulas. "Tignan niyo ang ngipin niya, tignan niyo ang mga pangil niya na pang-aso! Ano pa bang gusto niyong katunayan ha?"

"Kung aswang man talaga yan si Lito, eh bakit walang namamatay sa barangay natin? Ligtas dito. Ikaw lang ang nagdala ng gulo! Naiingit ka lang siguro sa kanya!"

"Saka yung mga namamatay sa kabilang barangay, mga adik yun! Mga walang patutunguhan sa buhay!"

Natigilan si Pol sa mga narinig niya. Dito niya naintindihan na kahit mag-anyong aso pa si Lito sa harap nila ay di pa rin siya paniniwalaan. Sa labis na gulat, di niya namalayan na tinutulak na siya palayo ng kanyang kumpare at dali-dali na tinulungan ng mga ka-barangay niya si Lito, ang aswang na kanyang nahuli. Pinalaya nila ito at humingi pa ng tawad sa ginawa ni Pol. Bago pa man siya mailayo ng tuluyan ni Efren, nakita ni Pol ang galak sa matalas na mga ngipin ni Lito at nakakahindik na tingin nito sa kanya.

Kinabukasan, natagpuan si Pol na wala nang buhay. Wakwak ang tiyan at naliligo sa sariling dugo. Ni-isa sa Barangay Mahangin ang may ideya kung sino ang salarin. 

Oxford CommaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon