Heto

894 78 12
                                    


Isang hapon, habang naglalakad tayo,

hawak hawak mo yung rosas na ibinigay ko sa'yo

nung tinanong mo ako kung bakit. 

Kung bakit ko ito ginagawa.

Natawa ako at biniro ka pa na gusto kitang

maging hardinera kaya kita bingyan ng

isang pulang rosas na tinabasan ng tinik

Ngunit hindi mo yata nakuha ang biro

O hindi mo pa rin naiintindihan

Dahan-dahan lumabas sa  iyong mga labi

ang mga salitang hindi ko akalaing maririnig ko galing sa'yo

Binulong mo sa'kin na natatakot ka

Natatakot ka na baka kunin ko ang iyong puso

Na kapag hawak ko na ay walang awa kong dudurugin, 

Aapakan, paglalaruan at kapag nagsawa na

Saka ko iiwan. 

Kumunot ang aking noo, napapikit at humingang malalim

Naiinis ako. Naiinis ako kasi...

Naiinis ako kasi nadadayaan ako. 

Kasi nung unang beses mong sinabi

sa'kin kung ano ang iyong paboritong libro

hiniwa ko na ang aking dibdib

Nung una mong sinabi na delubyo ang buhay mo

Ibinuka ko na ang aking dibdib

Nung tinuloy mo pa ang iyong pangungusap 

nung ipinagpatuloy mo pa ang pagsusulat sa akin 

ng mga linya ng titik na bumuo ng mga salita 

na ibinuhat ako sa langit

Kinuha ko ang aking puso at inabot sa'yo.

Heto sabi ko, kunin mo ang aking puso

Heto ibinibigay ko sa'yo. Ikaw na ang bahala

gawin mo ang gusto mo, durugin mo,

apakan mo, paglaruan mo, 

o... patibukin mo gaya ng pagpapatibok mo sa iyong puso

Pero ikaw...natatakot ka na baka kunin ko ang iyong puso

Samantala ang puso ko, inaabot ko na sa'yo 

Pero di mo man hinahawakan, hinahayaan mong nakatiwang-wang, natutuyo

Sinagot mo ako. Sabi mo, paano ka magmamahal kung

sarili mo di mo kayang mahalin

Natawa ako kasi ako nga nagawang mahalin ka. 

Hindi ba't sumagi sa isip mo na baka kailangang

may magmahal muna sa'yo para lalo mong maintindihan

na kung yung iba, kaya kang mahalin bakit ikaw pinipigilan mo

ang sariling mong puso sa pagtibok. 

Heto ibinibigay ko na ang puso ko. 

Ikaw na ang bahala. 

Baka sa pusong iyan matutunan mo na hindi delubyo ang buhay mo

kung hindi isang malawak na dagat

punong-puno ng bagay na kamangha-mangha 

kahit minsa'y malupit

Heto ibinibigay ko na ang puso ko. 

Para di ka na matakot kung kunin ko man ang puso mo, para patibukin. 


Oxford CommaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon