Inakala kong swiniswerte ako nung makuha ko yung apartment na malapit sa campus ng UPLB. Paano ba naman? Mura na't malaki pa ang lugar. Kakasya ang anim na tao pero dalawa lang ang pinapayagan manirahan. At yun nga, malapit siya sa campus. Kaunting lakad lang at nasa loob na ako. Di ko kailangan gumising ng maaga para di malate sa mga klase ko.
Inaamin ko, di gaano kaganda ang apartment ko. Tama lang. Studio-type, may sariling CR at may provided na din na bunk bed kung saan sa baba ako natutulog. Di naman ako pala tambay sa bahay lalo na't busy ako sa thesis at sa org. Sa umaga, halos lahat ng oras ko ay nasa klase o kaya ay nasa library. Sa gabi naman ay kasama ko ang mga orgmates ko, minsan nasa inuman lalo kapag stressed na ako sa pag-aaral. Kumbaga, tulugan ko lang ang apartment kaya di na ako magiging pihikan sa disenyo ng kwarto. Pero kung may babaguhin ako, ayun ang sira sirang floor mat at ang glass sliding door. Nakakailan na din akong apartment sa UPLB at masasabi kong di karaniwan ang isang sliding door bilang pangunahing pintuan. Ang nakakabahala lang ay malinaw at walang tint ang glass sliding door. Kaya naman, kitang kita kami kapag may sumilip. Yung kama pa naman namin ay halos katapat at katabi lang ng pinto. Kapag gabi pa ay may maliwanag na ilaw sa labas ng unit namin, kaya kahit patayin namin ang ilaw ng kwarto ay maliwanag pa rin gawa nga ng salamin lang ang pintuan at nagsisilbing napakalaking bintana. Di pa naman ako kumportable matulog ng may ilaw. Wala kaming magagawa ng roommate ko kundi maglagay ng kurtina para matakpan kahit papaano ang bahay namin. Malas lang at manipis lang ang kurtina na meron kami. Di pa natatapos doon. Walang matinong lock ang pintuan na yun. Hindi de susi ang lock namin. Gumagamit lang kami ng hook para malock ang pinto kaya minsan ang hassle kapag uuwi ako sa amin ng late dahil kailangan pagbuksan pa ako ng roommate ko para makapasok. Sa taas pa naman siya ng bunk bed natutulog kaya lalong nakakasira ng masarap na tulog kasi kailangan niya pang tumalon pababa. Ganoon din naman ako kapag siya naman ang uuwing late. Pero syempre mas madali sa akin.
Noong una, inisip ko na mapagtitiisan lang ang sliding door na yun pero kamakailan lang ay di ko na ata kaya. Maaga akong nakauwi noon gawa ng kakatapos lang ng mga exam ko at walang ganap sa org. Walang ibang nasa isip ko kung di kumain sa apartment at matulog. Puyat na puyat na din kasi ako. Kaya nga't alas otso palang ng gabi ay minabuti ko nang humilata at magpahinga. Inaasahan ko na di gagabihin yung roommate ko kaya di ko muna nilock ang pinto. Iniisip ko din na magigising naman ako kung sakaling may papasok kasi mababaw lang ako matulog.
Sa kalagitnaan ng tulog ko, naalimpungatan ako nung makauwi na ang roommate ko. Dumiretso akyat siya sa kanyang kama at ubo siya ng ubo. Di ko na siya masyadong pinansin at sinubukan kong bumalik ng tulog pero nakaramdam ako ng matinding uhaw. Napilitan tuloy akong bumangon ng kama at kumuha ng tubig mula sa ref. Pagkatapos kong uminom, napansin kong nakalimutan ng roommate ko na i-lock yung pintuan. Bumaling ako ng tingin sa roommate ko sa pagtataka at nakita kong nakatulog na ang loko. Malamang ay lasing siyang nakauwi kaya bagsak agad siya sa kama. Inintindi ko na lang siya at sabay nilock ang pintuan. Ganoon naman din siguro ako sa ibang panahon.
Bumalik ako sa pagkakahiga para makatulog na ulit, pero dahil sa liwanag ng ilaw sa labas ng unit namin ay nahirapan ako. Sinubukan kong takpan ang ulo ko ng kumot at ilang beses akong nagpapalit-palit ng pwesto para lang makahanap ng kumportableng posisyon, pero di din nakatulong at mulat na mulat pa rin ang mata ko. Kaya naman, agad kong napansin noong bahagyang dumilim ang paligid.
Biglang nanikip ang dibdib ko at napalingon ako sa pintuan. May tao na nakatayo sa harap ng pinto namin. Anino lang ang nakikita ko dahil nga may manipis kaming kurtina ngunit sigurado ako na may tao sa labas gawa ng silhouette ng malaking postura nito. Di ko na maialis ang titig ko sa anino, hinihintay kung anong susunod niyang gagawin. Halos manigas ako noong nawari kong aabutin ng anino ang hawakan ng pintuan namin. Agad kong tinignan ang hook at siniguradong nakalock nga iyun. Napamura ako sa utak ko sa sobrang kaba. Mabuti na lang talaga at nai-lock ko yun ng maaga. Pilit na binubuksan ng tao sa labas ang pinto namin. Ang nasa isip ko na lang ay baka basagin niya ang pintuan para makapasok pero kung magnanakaw siya, malamang di niya yun gagawin kasi gagawa ito ng ingay. Doon ako napanatag na magiging ligtas ako at kumalma ako ng saglit hanggang napalitan ulit ito ng takot nung kumatok siya bigla. Tatlong mahinang katok. Tok-tok-tok. Nanlamig ang kamay at paa ko. Kapansin pansin na nilapit niya ang mukha niya sa pinto at nilagay ang kamay niya sa gilid ng ulo niya na tila tinatanaw kung may tao ba sa loob. Sa puntong ito, nanigas na talaga ako sa takot. Pinagpatuloy niya ang pagkatok. Tok-tok-tok. Nadagdagan pa ang takot ko nung narinig kong nagsisihiyawan ang mga pusang kalye sa labas na para bang nagbabadya ng masamang pangitain. Gusto ko nang sumigaw sa takot at gisingin ang roommate ko pero naisip ko din na kung di ako kikibo ay baka aalis lang din itong taong ito. Ewan ko ba, siguro nga't kapag takot ang isang tao ay nakakagawa ito ng mga tangang desisyon. Tok-tok-tok, patuloy na pagkatok ng taong nasa labas, ngayo'y mas malakas na. Nagdasal na ako nang kumalma ang utak ko ngunit agad din akong napatigil nang makarinig ako ng ungol mula sa labas. Tumahimik ang lahat ng nasa paligid at tinalasan ko ang tainga ko para maintindihan ko narinig ko.
"Dan, Dan," sabi ng tao sa labas. Halos tumalon ang puso ko sa narinig ko. Kilala ako ng taong nasa labas. At ang masama pa nito ay kilala ko ang boses niya. Dahan dahan akong bumangon at lumapit sa pintuan. Hinawakan ko ng mahigpit ang dulo ng kurtina at unti-unti kong hinila ito hanggang masilayan ko kung sino ba talaga ang nasa labas ng pintuan namin. Nanlaki ang mga mata ko at nawala ang kulay ng aking katawan nang malaman ko na ang roommate ko ang taong nasa labas. Para ba akong naging estastwa at di ko mailingon ang ulo ko para tignan kung sino ang kasama ko sa loob ng kwarto.
BINABASA MO ANG
Oxford Comma
AcakThis is a collection of some weird stories that popped into my mind or some thoughts that just beg me to write it. Some can be in Tagalog or in English. I hope you could enjoy! :)