Pagbibigyan Kita

4 0 0
                                    

"Alam mo sana 'di nalang kita nakilala..." humihikbi niyang saad. "Sana 'di nalang kita minahal."

Napatigil ako sa paghinga. Hindi malaman ang gagawin sa labis na sakit na aking nadarama. Kahit kailan hindi niya sa'kin isinumbat ang mga 'yon. Kahit sobrang dami ko nang pagkukulang sa relasyon namin, "Mahal kita" parin ang sasabihin niya sa'kin. Nagsawa na ba talaga siya sa'kin?

Hindi ako kumibo. Hinayaan ko siyang umiyak at magsalita. Dahil karapatan niya 'yon.

"Pagod na ako, Min. Pagod na pagod na ako. Minsan hinihiling ko gabi-gabi, sana kung panaginip man ito lahat..." Katahimikan. " Gusto ko nalang magising."

Tanging ang mga insekto sa gabi ang maririnig mo. Napatingin ako sa apoy na nagbabaga sa aming harapan. Naisipan naming magcamping para magpahinga. Iyon pala ako na yung dahilan ng pagod niya.

"Para kang may hawak na patalim. Hindi mo alintana na nasusugatan mo ako. Oo, kasalanan ko naman eh, hinayaan kitang saktan ako."

"Pero ngayon, ayoko na."

Tumingin siya sa'kin. Nakita kong mugtong mugto ang kan'yang mga mata dahil sa pag-iyak. Ngumiti ako sakan'ya ng tipid. Handa nang saguting ang mga agam-agam niya.

"Alam ko," sabi ko sa maliit na boses.

Unti-unting lumiit ang liyab ng apoy. Naging abo na ang mga dating kahoy na nilagay doon. Niyakap ko ang aking sarili dahil sa ihip ng hangin. Mukhang uuwi na ako pagkatapos nito.

"Pero dapat alam mo rin na ginawa ko lahat Greg." Salungat sa kalma ng aking boses ang mga mata ko. Unti-unti silang nanghina. Unti-unti silang nag-baga, pagkatapos ng liyab ay bigla nalang silang naging abo, katulad ng mga luha kong unti-unting bumagsak.

"Sumugal pa rin ako kahit alam kong talo." Pinagsalikop ko ang dalawa kong kamay para kumalma. "Iginugol ko lahat ng oras ko sayo... kahit na alam kong wala nang patutunguhan ang lahat."

"Kung pagod ka na, gano'n din ako."

Naramdaman ko ang gulat niya sa aking sinabi. Natigil na siya sa pag-iyak.

"Pareho lang tayong pagod," sabi ko tapos tumawa ako ng patuya. "Ang pagkakaiba lang natin, hindi ako sumuko. Nanatili pa rin ako."

Bumaling ako sakan'ya ng nakangiti ulit. Ang bago lang sa'king itsura ay ang mga mata kong liham ng luha. Nagulantang siya roon. Akala niya siya lang yung nasasaktan sa'min? Ako rin. Sobra pa sa sobra.

"Pero kung 'yan ang desisyon mo, ayaw mo na. Pagbibigyan kita." Tumayo ako at nilagay ang mga kamay sa bulsa.

Sa isang relasyon kapag may gusto nang umalis, may isang gusto paring manatili. Pero dahil mahal niya ang isa, hindi niya maiisip ang kan'yang sarili. Papayag siya sa gusto ng isa. Kahit pa ikadurog niya ng sobra. Kahit pa hindi niya sigurado kung makakaahon pa ba siya sa sakit. At oo, ako 'yon. Walang sisihan. Magtatapos na ang relasyong nagpahirap sa'ming dalawa ng ilang taon. Kailangan naming dalawa ang lumaya... dahil pagod na kaming dalawa— pagod na nga ba ako o 'yan ang gusto kong paniwalaan? Hindi ko na rin alam.

Mga Kwento ng SakitTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon