"Masaya ka ba?" Nakangiti niyang banggit.Sobrang alalang alala ko kung pa'no rin ako napangiti ng mga ngiting iyon, kung paano niya ako tinulungang makaahon mula sa pagkakalugmok, kung pa'no niya ipinalimot sa'kin ang mga masasalimuot na araw, kung paano niya ako muling pinaniwala sa mga bagay na akala ko ay imposible. Hanggang ngayon gano'n parin pala ang epekto nito sa'kin. Walang nagbago mahal ko parin siya.
"Oo," Sinuklian ko ang ngiti niya. "Masayang masaya ako Gatsby," saad ko sa pilit na boses.
Masayang masaya ako para sayo. Para sainyo.
Hindi. Hindi ko gustong sabihin 'yon. Oo, gusto ko kayong makitang masaya. Pero hindi ako okay. Hinding hindi ako kailanman magiging okay. Ramdam ko parin ang sakit. Parang kahapon lang ang lahat. Pa'nong pagmulat ko ng aking mga mata isang araw... hindi na pala ako.
"Mabuti naman. Masaya rin ako Juliet." Naramdaman ko ang pagbaling ng tingin niya sa'kin. "Lalo na't ikakasal na ako kay Yehan." Humalukipkip siya.
"Pagkatpos ng anim na taon kayo parin pala," pinilit kong pasiglahin ang aking boses dahil alam kong gustong gusto ko nang umiyak. Gustong gusto ko nang maglupasay at mag-wala sa sakit. Putang ina... anim na taon na sila parin. Anim na taon na ganito parin ako? Nasasaktan. Umaasang babalik siya. Sana nga ako nalang... ako nalang ulit.
"Oo nga eh. Kaya gusto kitang pasalamatan." Gulat akong tumingin sakan'ya.
"Kung hindi dahil sayo siguro hindi ko matatagpuan si Yehan."
Napansin kong palaging kumikinang ang kan'yang mata sa t'wing binabanggit niya ang pangalan ni Yehan.
"Ano? Sa paanong paraan naman ako nakatulong na matagpuan mo siya?" Tumawa ako ng pakunwari.
"Kung hindi mo ako pinakawalan baka hindi naging kami," sabi niya.
"Kung hindi mo ako pinatawad ay baka bilanggo parin ako sa kasalanan ko sa'yo. Hindi makaahon gano'n."
Magsasalita palang sana ulit ako nang may kumatok sa pinto ng silid. Sumungaw ang ulo ng coordinator ng kasal.
"Sir Gatsby, magsisimula na po ang kasal kailangan na po ninyong lumabas," sabi nito sa kaswal na boses. Ngumiti nalang sa'kin si Gatsby at tumayo na para lumabas. Sumunod ako sakan'ya at pagkarating sa hardin na venue ng kasal ay hinanap ko na ang aking upuan.
Anim na taon noon, ako ang pumangarap sa aming kasal. Katulad din nito. Hindi ko alam na tutuparin niya... pero sa ibang babae.
Ayaw ko siyang pakawalan noon. Kasi mahal na mahal ko siya. Sobrang sakit na nahulog siya sa iba. Kung sana di ako naging pabaya. Kami parin. Ako parin.
Narinig ko ang palakpakan ng mga tao pagkalabas ni Yehan. Sobrang ganda niya habang pinipilit na hindi maiyak. Nakakatawa. Hindi ako ang ikakasal pero ako ang hindi nakapag-pigil nang pagtulo ng aking luha. Nanlamig ako sa sakit, saya at panghihinayang. Pumalakpak ako habang nakangiti. Sobrang saya nila. Gusto ko rin non. Gusto ko rin ng kasiyahan. Kasi anim na taon ang lumipas gano'n parin ako. Naiwan sa nakaraan.
Masaya akong ikakasal na siya. Pero ayokong sabihin 'yon sakan'ya. Kasi masakit. Kasi hindi okay. Hindi ako okay.
BINABASA MO ANG
Mga Kwento ng Sakit
Short StorySabayan niyo akong gunitain ang mga nakaraan, pait ng pagmamahalan, mga gabi ng pag-iyak, at araw ng pang-iiwan. Ramdamin nating lahat ang Mga Kwento Ng Sakit.