"Ayoko na," saad ko sa mababang boses. Hindi alam kung narinig ba niya.
Tama na. Surang sura na ako. Nakakawalang respeto sa sarili ang magtanga-tangahan. Nakakaumay na ang magbulag-bulagan.
Pinilit ko naman eh. Pinilit kong maniwala. Pinilit kong magpadala sa mga salita na alam ko namang hindi talaga para sa'kin. Gabi-gabi, iniisip ko, kontento na ba ako na maging ganito nalang? Na paniwalain ang sarili na ako ang totoong mahal kahit hindi naman?
" 'Yan ka nanaman, Themarie eh." Inihilamos niya ang dalawang palad sa mukha. Iritado siyang bumaling sa'kin.
"Ayaw mo nanaman. Papayag uli ako, bukas makalawa babalik ka rin sa'kin," mayabang niyang saad.
Nanliit ako sa sarili. Kinagat ko ang mga labi habang nakatingin sa harapan. Tahimik akong umiyak. Palihim akong humikbi. Wala ng bago. Palagi naman akong ganito. 'Wag kayong mag-alala. 'Di niya mapapansin na umiiyak ako. Katulad ng hindi niya pagpansin na nasasaktan na rin ako.
"Tangina mo, Miguel..." Nawalan ako ng boses. "Bumabalik ako kasi gusto mo. Pinipilit mo akong bumalik!" Hindi ko na napigilan ang pag-sigaw.
Tahimik ang kapaligiran. Nasa lilim kami ng puno ng acacia malapit sa eskwelahan. Walang tao dahil private property ito. Dito kami pumupunta kapag gusto namin mapag-isa, malayo sa mga mapang-husgang mata ng mga tao.
"Mahal na mahal kita. Alam mo 'yan. Pero gago ka sinasaktan mo lang ako," patuloy sa pagbuhos ang mga luha ko. Palihim na dumadaloy ang mga sakit at pighati. Walang nakakaalam, walang ibang makakaramdam... kundi ako lang.
Umihip ang panghapong hangin. Narinig ko ang buntong hininga niya. Hindi malaman kung anong sasabihin.
"Ako nanaman? Ano nanamang ginawa ko?"
Ramdam ko ang kawalang pake niya sa nauna kong mga sinabi. Anong bago? Magugulat pa ba ako. Ako lang naman ang nakakaintindi sa relasyong ito.
"Alam kong mahal mo pa siya," pinalis ko ng palihim ang mga luha. Ngumiti ako pagkaharap ko sakan'ya.
"Sino nanaman? Palagi mo nalang isinusumbat 'yan sa'kin. Ba't 'di mo pangalanan, ha, Themarie?" naiinip niyang sabi.
"Si Jizelle. Mahal mo pa siya diba?" matapang kong saad. Hindi inaalis ang titig sa mga mata niya.
Hindi siya nagulat. Sa katunayan ay natawa siya sa sinabi ko. Na para bang nahihibang na ako at naisip ko 'yon.
"Punyeta, Jizelle nanaman! Kelan ka ba matatapos sa inggit mo kay, Jizelle? Utang na loob, Themarie! Pwede ibang babae naman—" Mabilis na lumapat sa pisngi niya ang kamay ko. Sa sobrang lakas non ay tumagilid ang mukha niya sa pagkakaharap saakin. Arogante siyang umayos ng tayo at tinanggal ang dalawang butones ng suot na uniporme.
"Tapos ako ulit ang may kasalanan kung bakit ayaw mo na? Ayusin mo mga issues mo. Sobrang tagal na no'ng sa'min ni Jizelle! Hindi ka parin tapos do'n?"
Paunti-unti akong humikbi. Patuloy na nakasara ang bibig sa pagsagot sakan'ya.
"Ako parin mali, Themarie? Palagi kang gan'yan. Ginawa ko lahat. Pinakita kong mahal kita, anong magagawa ko kung hindi mo parin ako magawang paniwalaan?"
Sa pangalawang pagkakataon, hindi niya napansin na umiiyak ako. Sarili niyang sakit lang ang kaya niyang intindihin. Ni hindi niya ako kayang bigyan ng kongkretong rason sa mga pagdududa ko.
"Palagi kang mali, Miguel..." Pinilit kong patatagin ang boses na nanghihina na dahil sa pag-iyak. "Hindi ka kailanman naging tama."
"Hindi pagmamahal mo ang kailangan ko! Ang kailangan ko katotohanan! Ang kailangan ko sagot sa mga tanong kong sa una palang iniwasan mo na."
Hindi siya nakapagsalita.
"Tinanong kita kung mahal mo pa si Jizelle. Pero putangina ang layo ng sagot mo sa tanong ko..." pahagulgol kong saad.
Gulat siyang bumaling sa'kin nang makitang umiiyak na ako. Sabi ko kasi hindi ako umiiyak... nang alam niya. Kailanman hindi ko pinakitang mahina ako. Ngayon lang. Kasi pagod narin ako.
"Ang simple-simple ng tanong ko, kailangan lang ng oo at hinding sagot. Pero ibinato mo nanaman sa'kin kung ga'no ako kawalang kwentang girlfriend." Tumaas baba ang dibdib at balikat ko dahil sa biglaang pagbigat ng aking paghinga. Wala na akong maaninag dahil punong puno na ng luha ang aking mga mata.
"Oo, mahal ko pa si Jizelle..."
Ayon. Tapos na. Nasagot na niya Themarie.
Ngumiti ako at pinalis ang mga luha sa mata at pisngi.
"Ako, mahal mo ba 'ko?"
Walong buwan. Sumugal ako. Kasi akala ko mapapalitan ko siya. Akala ko matatakpan ko ang mga alaala niya gamit ang mga tawa ko. Pero mukhang tawa parin niya ang gusto niyang marinig. Mali kasi eh. Pinilit ko kami. Kahit alam kong talo ako pinilit kong subukan. Baka magkamali ang tadhana at maawa sa'kin.
"Mahal kita," mahinahon niyang saad na para bang gusto niya akong maniwala sakan'ya dahil iyon naman talaga ang totoo.
"Mahal din kita Miguel..."
Nagkukulay kahel na ang araw nang bumaling ako sa harap namin. Tatandaan ko ang araw na ito. Kasabay nang paglubog ng araw, tatapusin ko ang lahat. Tatapusin ko na ang pag-iyak ng tahimik, tatapusin ko nang mamilit ng mga bagay na hindi naman para sa'kin. Sisimulan ko nang iiyak lahat ng sakit at 'wag na 'wag itong ililihim.
"mahal na mahal, pero ayoko na."
BINABASA MO ANG
Mga Kwento ng Sakit
Short StorySabayan niyo akong gunitain ang mga nakaraan, pait ng pagmamahalan, mga gabi ng pag-iyak, at araw ng pang-iiwan. Ramdamin nating lahat ang Mga Kwento Ng Sakit.