Sarili

9 0 0
                                    

Ginulo ko ang buhok, pagkatapos ay tumingala sa langit para pigilan ang nagbabadyang mga luha. Maaliwalas ang kalangitan at kasagsagan nang sikat ng araw.

"Eto nanaman tayo! Paulit-ulit! Paulit-ulit! Paulit-uli—" pinutol niya ang sasabihin ko sa isang sigaw.

"Ano sawa ka na!? Sabihin mo! Tangina, sabihin mo ngayon! Sagutin mo 'yan!"

"Oo! Sawang sawa na ako!" Hindi ko napigilan ang pagsigaw pabalik.

"Walang araw na 'di ka nagseselos! Walang araw na hindi ka nagtatampo! Walang araw na akala mo aping api ka! Walang araw na akala mo niloloko kita palagi," sabi ko nang tuloy-tuloy.

Para akong sumabog na bomba. Ibinuhos ko lahat ng saloobin matapos ng walong buwang pagkikimkim. Walong buwan na tiniis kong manuyo sa isang lalaking sinasabi palaging hindi ko siya mahal.

"Sawang sawa na ako... Sabi mo natatakot ka na baka katulad ako nong mga nanakit sa'yo. Pero 'di mo alam nasaktan din ako. Ang sabi mo ako 'yung may problema..." Umiling iling ako habang nakatingin sakan'ya. Nanatili siyang tahimik na parang nagulat sa biglaan kong pagsagot. "Pero hindi eh, ikaw 'yung may problema sa'tin. Ikaw 'yung mali sa relasyong 'to," humihikbi kong saad.

Walong buwan akong nagtiis. Walong buwan kong hiniling na sana magbago siya. Na sana makausad din kami sa nakaraan. Na hindi ako katulad ng mga taong nanakit sakan'ya. Kasi ako 'to si Leone, ibang babae, hindi katulad nila.

Tumawa siya sa pasarkastikong paraan. "Edi lumabas din. Sawa ka na talaga."

Hindi ako makapaniwala sa narinig sakan'ya. Imbes na maisip niya ang kan'yang pagkakamali ay ako pa rin ang sinisisi niya sa lahat.

"Sabihin mo sino sakanila? May iba ka na eh, kaya ka gan'yan," ngumisi siya pagkatapos.

Gusto kong sumigaw. Gusto kong itigil muna sana ang pag-ikot ng mundo. Gusto ko bumalik sa nakaraan kung saan hindi pa ako nagkakamali sa pagpili. Gustong gusto ko nang matapos 'to.

"Isip bata ka," saad ko sa mahinang boses pero sapat na para marinig niya. "Sariling sakit mo lang ang iniisip mo."

Unti-unting namalisbis ang mga luhang pinipigil ko kanina. Nagkarera sila pababa sa aking mga pisngi. Hinayaan ko ang mga ito, hindi ko sila pinalis. Hindi pa ako handa. Hindi pa ako tapos. Kailangan kong sabihin lahat bago ako maubos.

"No'ng una akala ko mahal mo ako kaya normal lang na gan'yan ka. Normal lang na magalit ka kapag nakikipag-usap ako sa mga kaibigan kong lalaki. Normal lang na i-kontrol mo ang pananamit at mga nakakasama ko sa lakad. Normal lang na mag-away sa mga simpleng bagay," sabi ko.

Tumingin ako sakan'ya habang dinaramdam ang patuloy na pagbagsak ng luha sa'king mga pisngi. "Alam mo kung ano ang hindi normal, Wes?" Wala akong naaninag na emosyon sa kan'yang mga mata. Ultimo awa ay hindi niya ipinakita. Bakit nga ba ngayon  ko lang 'to lahat napansin? Ni hindi ko alam kung totoo lahat ng ipinipakita niya sa'kin.

"Hindi normal na gan'yan ka palagi. Kasi kung palagi kang nagdududa, baka hindi na pagmamahal ang nararamdaman mo kundi hindi makontrol na pagkahumaling," pagpapatuloy ko.

Nagulat siya sa'king sinabi. Hindi niya siguro akalain na kaya ko na siyang sagot-sagutin ng gano'n nalang. Napagod na rin ako sa pananahimik. Oras na para magsalita lahat ng kababaihan sakanilang karapatan. Hindi man sila nasaktan sa pisikal na paraan, iba pa rin ang epekto ng emosyonal na trauma.

"Kaya kung sa'kin mo lahat isisisi ang mga pagkukulang mo sa buhay, wala na akong magagawa."

Ngumiti ako sakan'ya sa huling pagkakataon. Inalala ko na minahal ko rin siya pero sawang sawa na ako.

"Ayokong maging biktima mo," sabi ko bago ako umalis para iwanan ang mga sakit, kalimutan ang masasalimuot na pangyayari na nangyari sa buhay pag-ibig ko.

Mga babae, maniwala ka. Mahalin mo ang sarili mo.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 15, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Mga Kwento ng SakitTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon