❂ Chapter 5: Escort Quest ❂
Matapos naming marinig kay Gideon ang pangako niya sa kaligtasan ng mundong 'to, nakaramdam naman kami ng kaginhawaan at pag-asa. Pinatutunayan niya na hindi mangyayari ang kapahamakan na dala ng Nedaros sa mundo kung hindi mabubuksan ang lagusan na galing sa matataas na mundo. Naniniwala rin ako dahil saksi ako sa lakas na pinakita ni Sir Gideon sa digmaan at kung paano niya hinarap si Nesardon.
Isa siyang Kampeon na hinirang ni Gulanos, ang Lornos ng Hangin at Tadhana. Tinatawag siyang Lone Hero dahil sa pagkamagiting niya bilang bayani ng Sarim, isang Adventurer na kayang tumapat sa libo-libong sundalo at manalo sa laban kahit na siya lamang na mag-isa. Siya rin ay tagapag-turo nina Kuya Gin at Sir Edward kaya malaki rin ang inaasahan ko sa kaniya.
Ngunit, ikinababahala ko lamang dahil nabanggit sa akin ng pinakadakilang Sehar at tagapaglikha na kailangan kong buksan ang lagusan upang maibalik ko ang mga taong nabiktima ng Rift sa mundong pinanggalingan nila, sa Ersahan na tinatawag nila o sa mundo na walang mahika kung saan ako lumaki.
Paano ko maisasakatuparan ito kung ang mga Nedaros ay patuloy na nakikipagdigma sa mga Sehar?
"Totoong hindi natin maikakaila ang kasiraang idudulot ng Nedaros sa mundong 'to kung hindi natin sila mapipigilan at saksi ako sa tindi ng kapahamakan kayang ibigay nila sa may buhay noong nakipaglaban ako kasama ang mga Lightkeeper sa Lusaar na halos ikamatay ko rin," bahagi ni Tandang Bam.
"Kung ang isang Nedaros na katulad ni Nesardon ay maghahasik ulit ng digmaan laban sa atin paano pa kaya ang marami? Isama mo pa ang mga alagad niya siguradong maraming buhay ang mawawala sa atin," wika rin ni Sir Edward.
"Tama kayo. Kaya sa pagkakataong ito, kailangan ng kumilos ang mga Kampeon na hinirang ng bawat Lornos. Kami ang mangunguna sa kilusan na ito kaya plano ko rin na magkaroon ng koneksyon sa iba pang Kampyon. Pero sa ngayon ay sasanayin ko muna kayo Jharel, Gin sapagkat kayo ang susunod sa amin. At kayo Lyan, Rika ang susunod sa kanila, susuporta sa kanila sa gitna ng laban, ganun din sa iba niyo pang kaibigan at kakilala. Pagkatapos niyong makapagsanay ay saka tayo hahanap ng mga bagong katuwang na tutulong sa atin sa panahon ng sakuna," paliwanag ni Sir Gideon.
Kung ganon wala pala talaga ako ibang paraan kundi ang tapusin muna ang digmaan para magawa ito.
"Uhmm, matanong ko lang anong pagsasanay po ba ang kailangan naming gawin?" tanong ni Rika. Napatingin na lamang ako sa kaniya dahil sa katanungang binanggit niya. Pagkakaalam ko lamang ay iba ang magiging paraan ng pagsasanay ko sa kanilang dalawa dahil sa taglay kong kapangyarihan na namana ko sa aking mga magulang.
"Maganda ang tanong mo binibini! Tungkol pala sa pagsasanay niyo, kailangan niyong magamit ang buong potensyal niyo sa paggamit ng likas niyong abilidad upang makahanap ng Eidoros na mapagkakasunduan ninyo," tugon niya na ikinapagtaka namin.
Eidoros?
"Hindi niyo pa alam ang tungkol sa Eidoros?... Sila ang mga Sehar na kayang makipagkasundo sa mga tao. Katulad sila ng Lornos ngunit ang katayuan nila ay hamak na mas mababa kaysa sa kanila ganun din sa taglay nilang kapangyarihan. Kung ang mga Lornos ay may mas mataas awtoridad na pinanghahawakan sa mundong kanilang ginagalawan, ang mga Eidoros naman ay pang rehiyon lamang ang nasasakupan nila sa kumpara sa Lornos na buong mundo ang sinasakupan."
"Ohh I get it! Parang landlord ang Eidoros, at ang mga Lornos naman ay mga King and Queen sa isang bansa!... Ang galing!" sabi ni Lyan na ikinalinaw namin. Kung ganon pala hindi lang Lornos ang kayang magbigay kapangyarihan sa mga tao!
"Oo! Kaya kung mapaghusayan niyo ang mga abilidad ninyo, mas magiging malaki ang tsansa na makikipagkasundo sila sa inyo. Pero may mga ilang pagkakataon din na hindi sila basta-basta nakikipagkasundo sa mga mortal at kailangan nilang mapatunayan kung talagang nararapat kayo sa posisyon na iyon. Pero nakatitiyak naman ako na magiging ayos lang ang lahat kung ang bawat isa ay makakapagbunga ng magandang resulta," aniya.
BINABASA MO ANG
Chronicles of Sarim Vol.3: Journey to Hinlan's Gate
FantasyKasalukuyan ng natapos ang digmaan sa pagitan ng tatlong kaharian ng Sarim laban sa Black Lotus o ang hukbo ng mga rebolusyonaryo na pinapangunahan ni Darel Arvantes. Ang utak sa likod ng samahan na ito ay ang Panginoon ng Nedaros na si Nesardon na...