Trahedya ng Pag-ibig

27 1 0
                                    

Trahedya ng Pag-ibig

Payak lamang pamumuhay dito sa barrio ng San Ildefonso maliban sa aking pamilya na itinuturing na pinaka maimpluwensiyang mga tao dito. Ang aking ama ay ang gobernador habang ang aking tiyuhin naman ang mayor.

Maaga pa ngunit ako'y handa nang pumanhik sa kamalig na siyang tagpuan namin ng aking nobya. Tutol ang aking pamilya sa aming relasyon kaya't patago lamang ang aming pagkikita.

"Almira, mabuti at narito ka na sa ating tagpuan. Kanina pa kita hinihintay, mahal ko," wika ko sa kanyang pagdating.

Binigyan niya ako ng isang matamis na ngiti. "Oo naman, Dencio. Kanina ka pa ba? Patawad dahil ako'y naglaba pa sa ilog," sagot niya na ikinangiti ko.

Hinawakan ko ang kanyang kalyadong kamay na sumisimbolo sa kanyang paghihirap. "Tama lamang ang iyong pagdating."

Gaya ng aming kinagawian, sabay kaming kumain ng meryenda sa kamalig. Pagkatapos ay sumakay ako sa aking kabayo saka siya inalalayan upang makaangkas. Iniyakap ko ang kanyang bisig sa aking bewang. Nagsimula na kaming maglibot sa gubat sakay ng kabayo. Damang-dama dito ang malamig at sariwang simoy ng hangin na humahalik sa aking balat. Napatigil ako nang bigla niyang hinigpitan ang yakap bago idinantay sa aking balikat ang kanyang baba.

"Salamat, Dencio. Mahal kita sa kabila ng ating sitwasyon," bulong niya.

Mapait akong ngumiti. Kung sanang hindi tutol ang aking pamilya ay baka kasal na kami ngayon ni Almira.

"Malapit na ang iyong kaarawan. Nais mo bang pumasyal sa aming bukid?" tanong niya sa akin.

Hindi ako nakasagot dahil siguradong may ihahandang selebrasyon ang aking ama. "Pasensya ka na, mahal ko. Siguradong maghahanda ng malaking piging ang aking ama."

Ramdam ang lungkot sa kanyang boses. "Naiintindihan ko. Sa araw na lamang bago ang iyong kaarawan tayo magkita," sagot niya.

Inihinto ko ang kabayo sa tapat ng sapa na aming naging tambayan. Itinali ko ang kabayo bago umupo sa isang malaking bato. Papanoorin namin ni Almira ang paglubong ng araw na aming kinagawian.

"Hindi talaga nakakasawang pagmasdan ang paglubog ng araw, hindi ba?" wika niya.

Tumingin ako sa kanyang mga mata na nirereplika ang ilaw na nanggagaling sa araw. "Oo, Almira. Ngunit, tiyak na mas hindi nakakasawa ang iyong ganda."

Bago pakumagat ang dilim ay sumakay na ulit kami sa kabayo pabalik sa kamalig. Kinuha niya ang ilang gamit na dala bago kami tuluyang maghiwalay ng daan. Pagkabalik ko sa aming bahay ay dumiretso ako sa aking silid upang magpahinga.

Lumipas pa ang mga araw at buwan at ganoon pa rin ang sistema namin ni Almira. Ngayon ay papunta akong muli sa kamalig dala ang tatlong kulay puting rosas na kayang paboritong bulaklak.

"Saan ka pupunta, Dencio? Hindi ba't sinabi kong itigil mo na ang relasyon mo sa hampaslupang babaeng iyon?" pasigaw na sabi ng aking ama.

Nanuyo ang aking lalamunan dahil hindi ko alam kung paano lulusutan ang aking ama. "Papa, pupunta lamang ako sa simbahan upang ibigay ito sa madre," pagsisinungaling ko.

Nang mukhang nakumbinsi ko na siya, pumunta na ako sa kamalig sakay ng aking kabayo. Pagkarating ko ay nagulantang ako sa aking nakita. Humahangos at tila ba umiiyak si Almira palapit sa gawi ko.

"Anong nangyari, mahal ko?" Hinaplos ko ang kanyang mga kamay.

"Ang gobernador... dinakip ang pamilya ko. Tulungan mo kami, Dencio! Pigilan mo ang ama mo!" Bakas sa kanyang mukha ang sakit, pag-aalala, at pati na rin ang galit sa aking ama.

"Gagawan ko ng paraan. Kumalma ka, Almira. Magtago ka muna dito sa kamalig. Pangako, sa muli nating pagkikita, kasama ko na ang pamilya mo."

Mabilis kong pinatakbo ang kabayo ko pabalik sa aming bahay. "Ama! Ano ang iyong ginawa sa pamilya ng babaeng mahal ko?"

Tumawa siya na tila ba nang-aasar. "Dencio, hindi ba't binalaan na kita? Ngunit hindi ka nakinig. Ngayon, dahil sa pagpupumilit niyo ng babaeng iyon ay papaslangin ko ang pamilya niya. At pagkatapos, isusunod ko na rin siya."

"Papa, itigil mo na ito! Pangako, lalayuan ko na si Almira basta't 'wag mo silang sasaktan," pakiusap ko.

"Huli na ang lahat, Dencio. Magkakasama na silang mabubulok sa impyerno!"

Pupunta sana ako sa malawak naming bakuran nang harangin ako ng mga tauhan ni Papa. "Bitawan niyo ako!"

"Tumigil ka, Dencio! Tinatanggal ko na ang lahat ng mayroon ka ngayon!" Lumingon siya sa gawi ng mga tauhan. "Dalhin niyo dito ang mag-anak."

Bumalik ang mga tauhan kasama ang mga magulang ni Almira na punong-puno ng galos sa katawan. Ilang saglit lang ay dumating ang ilan pang tauhan na kinakaladkad si Almira.

"Almira!" Pinilit kong pumiglas ngunit sinikmuraan lamang ako ng aking ama. "Patawarin niyo ako, Papa. Pakawalan niyo na sila. Nagmamakaawa ako."

Ngumisi ang aking ama bago hinawakan ang kanyang baril. Itinutok niya ito sa mga magulang ni Almira kung kaya't halos magwala na si Almira. Ramdam ko kung gaano nasasaktan ngayon ang pinakamamahal kong babae.

"Mamili ka, Dencio. Sino ang ililigtas mo, ang babaeng ito? O ang mga magulang niya?" wika ng aking ama. Salitan niyang tinutukan ng baril si Almira at mga magulang niya.

"Papa, hindi ko kayang mamili! Ako na lang ang paslangin mo."

"Dencio! Iligtas mo ang mga magulang ko at ako na lang ang patayin niyo! Dencio, makinig ka!" sigaw ni Almira kahit bakas na ang pagod sa kanya.

"Hindi ko kaya!"

"Kung gayon, ako na ang magdedesisyon para sa'yo, anak ko."

Biglang kinalabit ng aking ama ang baril at magkasunod na tinamaan ang mga magulang ni Almira.

"Ina! Ama!" sigaw ni Almira na puno ng pait.

Hindi ako makapagsalita dahil sa pagkabigla. Hindi ko lubos na inakalang hahantong sa ganito ang pag-iibigan namin ni Almira.

"Anak ko, may isa pa akong sorpresa para sa iyo." Ngumisi ang aking ama bago naglakad papunta kay Almira.

Pinilit kong magpumiglas ngunit masyadong malakas ang mga tauhan kumpara sa akin. "Papa, huwag mo siyang galawin!"

"Hindi ka karapat-dapat na gobernador ng San Ildefonso!" sigaw ni Almira.

"At wala kang karapatang mabuhay!" Muling kinalabit ni Papa ang kayang baril at tumama ito kay Almira.

"Almira!"

Sa harap ko ay pinaslang niya ang kaisa-isang babaeng minahal ko. Hindi isang beses kundi limang beses niya binaril si Almira. Binitawan na ako ng mga tauhan at mabilis akong lumapit sa katawan ni Almira.

"Mahal ko, patawarin mo ako," tanging nasabi ko bago tuluyang humagulgol.

Hindi ko inaasahan na dahil sa aking pagpupumilit na makasama siya ay limang buhay ang nawala. Ang nanay at tatay niya, si Almira, ang supling na dala niya... at pati na rin ang buhay ko. Wala nang silbi ang buhay na ito. "Patawad kung trahedya ang inabot ng ipinangako kong pag-ibig."

Glimpse of my ImaginationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon