GOLDMON.
Isang siyudad na sentro ng kalakalan ng bansang Planium, puno ng tao na may sari-sariling bagay na iniisip at dapat gawin. Isang syudad na puno ng nagtataasang mga istraktura. Isang siyudad na sobrang liwanag kapag gabi. Isang siyudad na isang malaking business center ng Planium.
At dito sa siyudad na ito ako nakatira.
Tumingin ako sa labas at tiningnan ang mga nadadaan kong mga building. Kasalukuyan akong nasa kotse ko. Papunta ako ngayon sa opisina ko na hindi naman ganoong kalayuan. Ako ang nagmamay-ari ng pinakasikat na MAC Hotel na may mga branch na sa iba't ibang panig ng mundo.
Tumigil din ang kotse ko pagkaraan ng ilang minuto. Bumaba na ako nang malaman kong nasa tapat na kami ng kompanya ko. Pagkasarado ko ng pinto ay agad na umalis ang kotse ko.
Marami ang napatingin sa direksyon ko nang pumasok ako sa loob. They were drooling at me, both ladies and gentlemen.
Hindi na rin ako nagtaka dahil sadyang napakagwapo ko naman. Lalo na sa suot kong teal na long-sleeved polo na tinernohan ng gray na kurbata. Ang tikas ko lang tingnan.
Maraming bumati sa akin pero ni isa ay wala akong nilingon para batiin at ngitian pabalik. Para saan? Hindi ko sila kalebel. Empleyado ko sila at ako ang amo nila. Nakatapak man kami sa iisang lupa, hindi mapagkakailang malaki ang agwat ng mga estado namin sa buhay.
Masyado akong mataas para sa kanila.
Dumiretso ako sa elevator na direkta nang papunta sa opisina ko. Walang gumagamit ng elevator na ito kung hindi ako. Hindi ko lang kayang isipin na may ibang nagamit ng elevator na ito. Baka mamaya ay may sakit ang sumakay, mahawa pa ako.
Nang marating ko ang palapag kung saan ang opisina ko ay lumabas na ako ng elevator. Dumiretso agad ako sa opisina. Hindi ko na lang pinansin ang mga taong nakatingin sa akin na parang isa akong piraso ng karne, may ibang bumabati at ngumingiti.
Malaki ang opisina ko. Para saan pa na liliitan ko ang espasyo nito e, kompanya ko naman ito? Ang buong opisina ko ay pinturahan ng kulay abo. Pati ang malambot na carpet ay kulay abo. Ang itsura nito ay parang lumang Victorian ang istilo na kaunting Griyego. Actually, buong building ay ganoon ang itsura.
Sa kanan ng opisina ko naroon ang isang shelf na puno ng koleksyon ko ng libro. Nakaayos ito ayon sa pinakapaborito kong manunulat hanggang sa hindi gaano. Sa kaliwa ng shelf ay isang kulay abo na sofa. Sa harap nito ay isang maliit na mesa na gawa sa salamin.
Sa bandang kaliwa naman ng opisina ko naroon ang dalawang cabinet para sa mga files mula noong nag-uumpisa palang ang kompanya ko hanggang sa kung nasaan na ito ngayon. Sa itaas nito ay isang painting ng hindi ko kilalang pintor - at wala akong balak pang kilalanin kung sino. Sa kanan ng mga cabinet ay isang pinto papunta sa banyo ng opisina ko.
Sa dulo naman ang mesa ko. Ang parteng iyon ng opisina ko ay elevated ng kaunti. Ang hagdan na may apat na baitang papunta dito ay gawa sa salamin. Pati ang dingding ng parteng iyon ng opisina ko ay salamin. Ang likod naman nito ay malaking bintana.
Dumiretso na ako sa mesa ko at inumpisahang basahin ang papeles na naroon.
Maya-maya pa ay may kumatok sa pinto ko. Kilala ko na kung sino ang taong iyon. Siya lang naman ang naglalakas-loob na kumatok sa pinto ko habang lahat ay sampung metro ang layo sa akin. Siya lang ang may kakayahang kausapin ako na parang normal na tao habang ang iba ay takot sa akin.
Pero dapat lang na matakot sila sa akin. At least alam nila kung sino ang nasa harap nila.
Iniluwa ng pinto si Clemence, o mas kilala sa tawag na Clem. Gwapo rin siya, hindi mapagkakaila, pero mas gwapo pa rin ako. Presentable siya ngayong tingnan sa suot niyang pulang long-sleeved polo na tinernohan ng itim na kurbata at abong pambaba. Hindi katulad noon na lagi siyang naka-loose shirt na puti at board shorts. Maayos din ang buhok niya na naka-brush up, na noon ay wala siyang paki kung ano ang itsura niya.
BINABASA MO ANG
Seven Deadly Sins: Superbia
FantasyHighest Achievement: Ranked #206 on Mystery/Thriller Category (7SD - Book 1) Sa sentro ng Planium, naninirahan ang isang Marion Allen Cervantes sa mayamang lungsod ng Goldmon. Mayaman, gwapo, matalino pero mapagmalaki. Ang lahat ng gustuhin niya ay...