MABILIS akong pumasok sa loob ng opisina ko. Napatingin naman sa akin ang mga panauhin ko at natigilan nang magawi ang tingin nila sa madugo kong kamay.
"A-anong nangyari?" nag-aalalang tanong ni Nile. Agad itong lumapit sa akin. Sa likod nito ay si Henry na nakatingin lamang sa akin.
Pero hindi ko ito sinagot.
"Umalis na kaagad kayo rito. Nasusunog ang ibabang bahagi ng hotel," sabi ko sa mga ito.
Nagulat naman ang mga ito at halata na agad ang pag-aalala sa mga mukha. Biglang pinagpawisan ang mga ito, marahil sa kaba at takot.
"A-ano nang mangyayari sa atin kung gano'n?" kabadong tanong ni Henry. "A-ayokong mamatay rito."
Bigla akong napaisip. Kailangan ay makatakas kaagad kami bago pa kami matusta sa apoy na resulta ng galit ng mga sinibak ko sa trabaho. Nakatingin naman ang mga ito sa akin, naghihintay ng ideya o solusyon para makatakas kami.
Mayamaya rin ay napapitik ako ng daliri.
"Alam ko na," sabi ko sa mga ito. "Sumunod kayo sa akin."
Lumapit ako sa pinto na nagdudugtong sa opisina ko at kwarto ko sa building na ito, at binuksan ito. Agad rin akong lumapit sa isang exhaust fan, nasa likod ko pa rin iyong dalawa. Sinira ko ang exhaust fan para makagawa ng butas habang ang dalawa ay nakatingin lang sa ginagawa ko.
Mayamaya rin ay gumilid ako.
"Dito tayo dadaan," sabi ko sa mga ito. "Ang bagsak nito ay sa maruruming bedsheet at punda sa ibaba. May pinto doon sa bandang kanan palabas ng building na ito."
"Kung gano'n, tara na, Marion," sabi sa akin ni Henry.
Umiling ako rito. "Hindi maaari, Henry. Aayusin ko ang gulong ginawa ko."
"Ha?!" gulat na sabi ni Nile sa akin. "Maari mong ikapahamak ang pagkompronta sa kanila, Marion. Umalis na tayo rito. Isalba natin ang mga sarili natin at maghihiganti rin tayo sa kanila."
Napaisip ako sa sinabi nito at masasabi kong may punto ito.
"Sige, umalis na tayo rito," sabi ko na ikinangiti ni Nile. "Mauna ka na, Nile."
Agad din naman itong sumunod sa utos ko at nauna nang lumusot sa butas. Medyo nahirapan pa ito dahil hindi naman ito ganoong kalaki.
Matapos lumusot ni Nile ay si Henry naman ang sumunod. Akmang susunod na ako sa dalawa nang makarinig ako ng galabog mula sa labas ng kwarto ko.
Natigilan ako. Sa hindi malamang dahilan ay mabilis akong bumalik sa punto.
"Marion!" sigaw ng isang kilalang boses. Kung hindi ako nagkakamali, si Marcus ang taong tumawag sa pangalan ko. "Lumabas ka diyan kung saan ka man nagtatago! Kung hindi ay papatayin ko itong katiwala mo!"
Natigilan ako. Isa lang pumasok na tao sa utak ko na kasalukuyang hawak nito.
Si Clem.
"Kung ayaw mo talagang magpakita, papatayin ko ito!" patuloy na sigaw ni Marcus.
Nagpalipat-lipat ang tingin ko mula sa pinto ng kwarto at sa butas na ginawa ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko.
Anong dapat mong gawin? Iligtas mo ang sarili mo, bulong sa akin ng isang boses. Hayaan mo na iyon mamatay. Hindi naman siya kawalan sa iyo.
BINABASA MO ANG
Seven Deadly Sins: Superbia
FantasyHighest Achievement: Ranked #206 on Mystery/Thriller Category (7SD - Book 1) Sa sentro ng Planium, naninirahan ang isang Marion Allen Cervantes sa mayamang lungsod ng Goldmon. Mayaman, gwapo, matalino pero mapagmalaki. Ang lahat ng gustuhin niya ay...