"ANONG ginagawa mo rito? 'Di ba, nag-transfer ka na? Bakit bumalik ka pa, Shun?" sunod-sunod kong tanong habang salubong ang mga kilay.
"Woah, chill." Itinaas niya pa ang dalawang braso na parang sumusuko sa pulis. "Ganiyan mo ba i-welcome ang taong na-miss mo?"
Napangiwi ako dahil sa sinabi niyang iyon. Hindi na ako nakapagpigil pa. Itinaas ko ang kanang braso at agad siyang sinampal dahilan para mapalingon siya sa kanan niya. "Gan'to ko i-welcome ang mga tulad mong manloloko, Shun." Ngumisi ako nang napakalawak. "Welcome back, cheater."
Iniwan ko siyang tulala roon matapos iyon. Ni hindi ko na pinabuka ang bibig niya para makasagot at iniwan siya doon.
KALAHATING oras ang itinagal ng biyahe ko sakay ng traysikel magmula sa bayan hanggang dito sa Anawan. Sa ilang minutong iyon ay walang ibang nasa isip ko kundi ang paano gantihan si Shun sa mga ginawa niya sa 'kin.
At bakit ba kailangan pa niyang bumalik sa eksena? Guguluhin lang niya ang buhay ko. Tama na ang mga sakit na idinulot niya, huwag na niyang dagdagan pa.
Bumaba ako ng traysikel labit ang backpack ko. Dumiretso agad ako papunta sa bahay namin sa may looban. Sari-saring ingay ng neighborhood ang bumungad sa akin. May mga tumahol na aso at mga manok na tumilaok. Didilim na pero ang ingay pa rin ng mga manok.
"'Ma! Nandito na po ako!" masigla kong bigkas pagpasok ng bahay.
"Ayan ka na naman, Mariel. Puro kapraningan ang nasa isip mo. Pinsan ko 'yung kasama ko kanina. Ano na naman bang sinabi sa iyo ni Heaven at nagkakaganiyan ka?!"
"Pinapasundo ko 'yung anak mo pero anong ginawa mo? Mas inintindi mo pa 'yung babae mo! Anong pinsan?! May mag-pinsan bang magkalingkisan?!"
"Kayo lang ang naglalagay ng malisya!"
Natigilan ako nang marinig ang sigawan. Wala sa sarili kong naipatong ang bag ko sa sofa.
"Masaya ka na, Heaven?! Magkaaway na naman kami ng Mama mo dahil kung anu-anong sinasabi mo. Ganiyan naman ang gusto mo, 'di ba? Gusto mong paghiwalayin kami ng nanay mo!" bulyaw sa akin ni Papa matapos akong makita sa salas.
"Sinabi ko lang kay Mama kung anong nakita ko, 'Pa. Hindi mo kailangang magalit kung talagang wala lang iyon." Napakapit ako sa laylayan ng blouse kong suot. Nanginginig ang mga kamay ko sa pagkakahawak doon.
"Dahil sa pinaggagagawa mo, hindi malabong hiwalayan na ako ng nanay mo. Huwag kang iiyak-iyak pag nangyari 'yun."
Nagsalubong ang mga kilay ko. "Huwag ako ang sisihin mo kapag nangyari iyon. Sarili mo ang sisihin mo. Hindi kayo maghihiwalay kung wala kang ginagawang masama."
"Aba, sumasagot ka na! Wala kang respeto!" Itinaas ni Papa ang braso para isampal sa akin ang palad niya.
"Sige, 'Pa! Saktan mo 'ko! Diyan ka naman magaling, 'di ba? Diyan ka mahusay sa pananakit mo sa amin ni Mama!"
Dahan-dahang ibinaba ni Papa ang braso niya. Lumabas siya ng pinto at padabog iyong isinara. Naiwan naman akong tulala habang dahan-dahan ang pagtulo ng luha sa pisngi.
"Anak, narito ka na pala? Kumain ka na ba? Anong gusto mong kainin?" tanong ni Mama sa akin matapos akong makita. Mapula't mugto ang mga mata niya. Panay rin ang singhot niya habang lumalapit sa akin.
"'Ma, hindi na makatarungan ang ginagawa ni Papa. Kailangan na nating lumaban." Niyakap ko si Mama. Hindi ito kumibo sa pagkakayakap ko pero dinig ko pa rin ang singhot. "Nahihirapan akong nakikita kang nasasaktan dahil sa ginagawa niya, hindi mo deserve 'to!"
Hindi pa rin kumibo si Mama sa pagkakayakap sa akin pero naroon pa rin ang pagsinghot senyales ng tuloy-tuloy na pagluha.
---
"KINAUSAP ka ulit ni Shun?!" gulat na tanong sa akin ni Kath sa kabilang linya. "'Di ba siya 'yung ex mo na pinagpalit--"
"Oh, sige ituloy mo pa."
"Sabi ko nga, hindi na. Pero bakit ka naman niya kakausapin bigla ngayon?"
Napabuntonghininga ako. "Iyon nga din ang iniisip ko. Okay na ako ngayon na wala na siya. Bakit bigla siyang babalik na akala mo walang nangyari?"
"Baka naman may na-realize!"
"Realize na ano?" tanong ko at saka naglabas ng pekeng tawa.
"Na baka pwede pa! Kausapin mo kaya siya ulit nang maayos!"
Napairap ako kahit hindi nakikita ng nasa kabilang linya. "Manahimik ka nga. Cheater siya, Kath. Wala nang pag-uusap ang magpapabago sa katotohanang nagloko siya."
"Malay mo! Kapag kinausap ka ulit saka natin malalaman kung ano ba talagang agenda niyang Shun na iyan at kinausap ka ulit."
"Bored lang siguro 'yun kahapon kaya niya ako kinausap. Wala lang 'yun, huwag na nating problemahin." Ipinatong ko ang bilao ng sinukmani sa mesa at saka na nagpaalam kay Kath. Ibinaba ko ang tawag at saka pinagtuunan ng pansin ang inaasikaso ko.
"Maraming salamat, Nene! Pakisabi sa Mama mo damihan ang gawa niya next time at gustong-gusto ng mga pumupunta rito sa Sugod Beach Resort." May iniabot ito sa aking kabayaran ng dinala kong isang bilao ng sinukmani.
Nakangiti ko iyong tinanggap. "Sige po, Mrs. Fuertes. Sasabihin ko po kay Mama."
"Ay teka pala, Nene! Makikisuyo nga ako, pakipatong itong bilao ng sinukmani sa lamesa ng mga bisita roon. Makikisuyo lang, hane? Ako lamang ay nagpiprito rito, baka masunog."
Ngumiti ako at saka tumalima. Bitbit ang bilao ay pumunta ako sa lamesa na puro pagkain ng mga bisita ngayon ng resort. Wala sila ngayon dito sa lamesa kaya hindi na ako nahiyang ipatong iyon doon. Nasaan ba ang mga bisitang 'yon? Baka mamaya may asong tumangay ng mga pagkain nilang nakatiwangwang lang dito sa lamesa.
Nagpalinga-linga ako. Pagabi na kaya binuksan na ang mga ilaw sa buong resort. May ilang kumuha ng picture sa mga naggagandahang dekorasyon. Pinailaw na rin ang big heart na may mga pulang ilaw. Napaawang na lamang ang bibig ko nang mapagmasdan sa malapitan iyon. Lagi kasing sa picture ko lamang iyon nakikita.
"Huwag masiyadong ngumanga. Baka tumulo laway mo rito sa mga pagkain namin."
Ikinagulat ko nang marinig iyon. Napatingin ako sa nagsalita at napangiwi nang makita si asungot. Anong ginagawa niyan dito? Pati ba naman dito may balak siyang sundan ako't kulitin?
"Hanggang dito ba naman sa Anawan susundan mo ako?" tanong ko rito.
Napangisi siya sa sinabi kong iyon.
"Magkakilala na pala kayo ng anak ko?" tanong ni Mrs. Fuertes na may tangan na pinritong manok. Ipinatong niya iyon sa lamesa at saka kami pinakatitigan ni asungot.
Anak niya 'tong asungot na 'to? So ibig sabihin...
"Oo, Heaven, sinusundan kita sa resort na pagmamay-ari ng pamilya namin."
BINABASA MO ANG
HEAVEN'S HAVEN | COMPLETED
RomanceHeaven Eranista, a high school student who experienced a lot of heartbreak from cheaters, wants to take revenge on those who have hurt her-men in general-in order for them to taste their own medicine. --- Heaven Eranista suffered a lot from cheaters...