CHAPTER 35

67 5 0
                                    

ILANG oras na akong nakatayo rito sa tapat ng puntod ni Mama. Nauna nang umalis sa akin ang mga nagsemento nitong puntod niya. Ilang beses na rin akong binalikan dito ni Kath para sunduin pero hindi ako natinag. Nanatili lang ako sa pagkakatayo, tinititigan ang mga letra sa nitso ni Mama.


Hanggang ngayon hindi pa rin tuluyang nagsi-sink in sa akin ang lahat.


Pinunas ko ang luhang tumulo sa pisngi ko at saka ko inilabas ang cellphone sa bulsa ko. Binuksan ko iyon at mabilis na nag-dial ng number. Sisinghot-singhot kong inilagay sa tainga ang cellphone, umaasang sasagutin agad ng tinatawagan ko.


"Hello," sagot ng nasa kabilang linya.


"Hello."


"Sino 'to? Saan mo nakuha ang number ko?" Iritable ang tono ng pananalita nito na para bang inistorbo ko sa importante nitong ginagawa.


"Gusto ko lang itanong kung kasama mo ngayon si Axen..." Huminga ako nang malalim. "...Jeoanne?"


"Sino ka ba? Wait..." Huminto ito at mayamaya'y naglabas ng sarkastikong tawa. "Heaven? Saan mo naman nakuha ang number ko?"


"Hindi na 'yun importante pa. Kasama mo ba ngayon si Axen?" Napakagat ako sa pang-ibabang labi para pigilan ang nagbabadyang luha.


"Ano naman ngayon kung kasama ko siya?"


Humugot ako ng malalim na buntonghininga. "Oo o hindi?"


"Bakit? Susunduin mo siya? Huwag ka na mag-abala. Kahit mga magulang niya hindi siya makausap nang maayos ngayon--"


Pinutol ko na ang pagsasalita niya. "Pakisabi hihintayin ko siya rito sa sementeryo. Pakisabi rin na hindi ako aalis dito hangga't hindi siya nagpapakita." Ibinaba ko na ang linya matapos iyon. Bumuntonghininga ako nang maraming beses habang ipinipikit ang dalawang mata.


Kinakabahan ako sa hindi ko malamang dahilan.


"Heaven! Hindi ka pa ba uuwi? Didilim na!" Tumakbo palapit sa akin si Kath. "Tara na, ihahatid na kita sa inyo." Hinawakan nito ang braso ko para hilahin ako pero pinigilan ko siya.


"Ayoko." Tinanggal ko ang pagkakakapit ng kamay niya sa akin. "M-May hinihintay ako..." Napaiwas ako ng tingin, hindi makatingin sa kaniya nang diretso.


"Sino?"


Itinungo ko ang ulo ko. Gayunpaman, alam kong tinitingnan ako ni Kath nang puno ng panghuhusga.


"Huwag mong sabihing hinihintay mo pa 'yung boyfriend kuno mo na 'yun? Gumising ka na, Heaven! Sa lahat ng ginawa niyang pambabalewala sa 'yo, boyfriend mo pa bang maituturing 'yung lalaking 'yun?"


Hindi ko siya matingnan sa mga mata. Pinanatili ko lang ang pagkakatungo sa lupa.


"Heaven! Tayo na." Hinila niya ako.


"Ayoko." Hindi ako nagpatinag.


"Hindi na 'to tama, Heaven." Gumaralgal na ang boses niya at halos pumiyok na. "A-Ayokong nakikita kang g-ganiyan..."


"Pumikit ka..." Blangko ang ekspresyon ko siyang hinarap. "...p-para hindi mo 'ko makitang gan'to."


"Niloloko ka lang niya, Heaven! Naiintindihan mo 'ko?" Hinarap niya ako sa kaniya, hawak niya ang dalawang balikat ko habang naluluha na siya. Namumula na ang buong mukha niya maging ang mga mata. "Nakita ko silang dalawa doon sa Blue Village, magkayakapan. Tangina, ayokong sabihin sa 'yo dahil ayokong maging insensitive dahil may pinagdadaanan ka ngayon. K-Kaso... kailangan mo nang malaman para magising ka sa katotohanan. Niloloko ka lang niya, Heaven!"


HEAVEN'S HAVEN | COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon