“I LOVE YOU, Kate, but I think we need to stop this.”
Ang labing dalawang salitang iyon ang tumapos sa walong taon na pagiging magkasintahan namin ni Nate. At hindi lang iyon, tinapos din ng mga salitang iyon ang labing apat na taong pagkakaibigan namin.
Akala ko siya na ang wakas ko. Umasa ako na aabot kami sa harap ng altar at bibigkasin ang panunumpa ng aming pagmamahalan sa harap ng Maykapal. Pero wala nga yatang permanente sa mundo. Kahit pagmamahal ay nauubos at nasasaid. Kumakawala sa bisig ng puso natin.
Inilibot ko ang paningin sa kabuuan ng condo unit namin habang nakatayo sa labas ng pinto. Sa tabi ko ay naroon ang isang malaking itim na maleta. Parang dinadaganan ng kung anong mabigat na bagay ang puso ko at pinasisikip iyon. Maging ang mga mata ko ay lumalabo na dahil sa nagbabadyang pagpatak ng mga luha dahil ito na ang araw na tuluyan ko ng tutuldukan ang lahat ng kung ano’ng mayroon kami noon.
Sa paglibot ng paningin ko sa sala, bigla ay nakita ko ang sariling nakahiga sa sofa habang nakaunan sa hita ni Nate. Parehong tutok ang paningin namin sa harapan kung nasaan ang telebisyon. Sa center table ay mayroong isang bowl ng popcorn. Natatawa ko siyang hinampas sa balikat nang susubuan niya sana ako ng popcorn pero hindi itinuloy.
Napabaling ang tingin ko sa kusina nang makarinig ng malakas na irit doon. Nakita ko ang sarili na yakap niya mula sa likuran, pareho kaming tumatawa. Parehong nakasuot ng apron; nababahiran ng harina ang mga kamay namin. Kahit ang mga mukha namin ay mayroong dumi.
Dumako ang paningin ko sa kwarto nang bumukas ang pinto niyon. Magkasunod kaming lumabas. Siya ay nakasuot ng blue longsleeve at black slacks; nakasabit sa kanyang leeg ang hindi pa naikakabit na necktie. Samantalang nakasuot pa ako ng pajama. Pumunta ako sa harap niya. Tinulungan ko siya sa pag-aayos ng necktie at pagkatapos niyon ay dinampian ng halik ang malambot niyang labi.
Napalingon ako sa gilid ko nang makarinig ng tawanan mula roon. Nakita ko ang paparating na Kate at si Nate. Nakaakbay siya sa akin at nakakawit naman ang isang braso ko sa kanyang bewang. May ibinulong siya mismong tenga ko na malakas kong ikinatawa.
Pinanood ko nang tumigil kaming dalawa sa harap ng condo at nagyakap. Mataman akong tinitigan ni Nate. Bakas ang labis na pagmamahal sa mga mata niya. Humigpit ang hawak ko sa handle ng maleta nang magdampi ang mga labi namin at nang marinig ang pag-uusap namin.
“Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa buhay ko kapag nawala ka sa’kin, Kate. Baka mabaliw ako.”
“Huwag kang mag-alala dahil hindi ako aalis sa tabi mo kahit ano’ng mangyari.”
“Sa hirap at ginhawa?”
“Sa hirap at ginawa.”
Sa hirap at ginhawa.
Nasaan na ang pangakong sa hirap at ginhawa ay magsasama tayo? Bakit nga ba tayo umabot sa puntong mas pinili na lang nating bumitaw kaysa ang higpitan ang kapit sa isa’t isa? Bakit nga ba tayo nagkaganito, Nate? Bakit nga ba nawala na ang tugma sa tibok ng puso nating dalawa? At saan nga ba nag-umpisang magkalamat ang masaya nating pagsasama?
BINABASA MO ANG
The End of Us
General Fiction👩❤️👨 Published under Ukiyoto Publishing: Magkasintahan Volume 28 Kate and Nate are best of friends. Parehong sawi sa pag-ibig noong subukang pasukin ang isang relasyon. May pag-asa nga ba sa kanila ang pagmamahalan na higit pa sa pagiging magkai...