Chapter 3: One Sided Love

33 21 30
                                    

DAHIL PALAGING nakikita at palaging nakakasama, may naramdaman akong kakaiba sa puso ko. Crush. Iyon ang matatawag ko sa nararamdaman ko para kay Nate. Naisip kong wala namang masama doon. Humahanga lang naman ako. Sino ba naman kasing hindi hahanga sa kanya, bukod sa gwapo na, talento pa. Hinayaan ko lang ang sariling tahimik na humahanga sa kanya. Para sa akin sapat ng magkaibigan kami. Ginawa ko siyang inspirasyon para pagbutihin ang pag-aaral ko at sa ibang ginagawa. 

Ngunit dumating ang araw na kinwestyon ko na ang sarili kung paghanga pa ba ang nararamdaman ko o baka mas malala pa roon. Sa ilang taong pagkakaibigan, wala na kaming hindi sinasabi sa isa’t isa. Maski sikreto niya ibinabahagi niya sa’kin… Kahit tungkol sa babaeng natipuhan niya. 

“May type akong babae sa campus.”

Nanigas ako at hindi agad nagawang kumilos matapos marinig ang sinabi niya. Ito ang unang beses na nagsabi siya ng ganoon kaya naman nabigla talaga ako. Hindi ko alam kung ano ang itsura ko noong magawa ko siyang lingunin. Kung naroon ba ang gulat at pagkabigo, hindi ko na nagawang intindihin ‘yon. 

“Sino?”

Kagat ang pang-ibabang labi niya nang ngumiti. Nagawa niya pang kumagat sa burger na hawak, nginuya at nilunok iyon bago pa ako nagawang sagutin, “Si Dawn. Tourism student.”

Kilala ko ang babaeng sinabi niya dahil iyon ang nanalong Ms. Campus. Tulad ko ay freshman student ito. Maganda si Dawn. Sobrang ganda at kumikinang sa kaputian ang kutis. Kulad ni Nate ay marami itong talent. Walang wala akong laban doon. Bukod sa hindi naman ako kagandahan at kaputian, wala rin akong gaanong talento. Mabuti na lang may ipagmamalaki naman akong talino. 

“Maganda ‘yon,” tanging nasambit ko.

“Sobra,” nakangiting aniya.

Napaiwas ako ng tingin nang walang pahintulot na pumatak ang isang luha sa kaliwang pisngi ko. Pasimple ko ‘yong pinunasan. Hindi ko maintindihan ang kirot na nararamdaman sa puso ko. Akala ko sapat na magkaibigan lang kami. Hindi pala. Hindi kailanman naging sapat pero naging panatag ang puso ko sa mga nakalipas na taon. Iyon ay dahil wala pa akong nabalitaang nagustuhan niya. Pero noong sabihin niyang may nagugustuhan na siya doon na nangamba ang puso ko. Doon na sinakop ng takot ang buo kong pagkatao. Paano kung mawalan na siya ng oras sa akin? Paano kung makalimutan na niya ‘ko? Ganoon kasi sa mga nababasa at napapanood ko. Hindi ko yata kakanin iyon. Baka doble o triple ng sakit na nararamdaman ko ngayon ang mararamdaman ko kapag nangyari ‘yon.

Mas nawasak ang puso ko at mas napuno ng pangamba nang malaman kong gusto rin siya ni Dawn. Gumuho ang mundo ko noong magsabi siya sa akin na balak niya itong ligawan. At wala pang dalawang buwan naging sila na nga. Masaya naman ako para sa kanya dahil alam kong masaya siya sa relasyon nila ni Dawn pero ‘yung puso ko kasi parang pinipiga.

Tatlong taon na. Bakit ba hindi nawala ang nararamdaman ko? Akala ko ba simpleng paghanga lang, eh, bakit nasasaktan ako ng ganito? Sapat ng kaibigan lang ako, ‘di ba? Pero bakit umaasa ako na sana ako na lang? Sana ako na lang, Nate.

The End of UsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon