AKALA KO pagkatapos ng usapang iyon ay umpisa na ng relasyon namin pero nagulat ako nang magpaalam siya kay mama na manliligaw sa akin. Maski si mama ay nagulat pero binigyan naman ng basbas si Nate. Tuwang tuwa ito dahil botong boto raw siya rito. Maski si Tita Olivia ay masayang masaya noong malaman ang tungkol doon.
“Hindi ko inakala na aabot kayo sa ganito,” nakangiting ani mama habang nananghalian sa bahay.
“Buti na lang malakas ako sa’yo, Tita Yoli. Kung ‘di baka mas mahirapan akong ligawan ka.”
“Aba! Ang ganitong ka-gwapo hindi pinahihirapan sa panliligaw,” ani mama habang nakatingin sa akin at nakaturo kay Nate. Nasa harap namin siya.
Mahinang natawa si Nate bago ako nilingon. “Rinig mo ’yon?” mahinang tanong niya.
Nakangiwi akong napailing. “Kay Mama ka manligaw kung ayaw mong mahirapan.”
“Tapos ko nang ligawan si Tita. Binasbasan na nga ako, eh. ‘Yung sagot mo na lang ang hinihintay ko.”
Napatitig ako sa mga mata niyang naniningkit dahil sa pag-ngiti. Napangiti ako habang napapabuntong-hininga. Paulit-ulit sa isip ang salitang manliligaw. Hindi ko inakalang aabot kami sa ganito.
Tumagal ang pagtititigan namin. Malikot ang mga mata niyang tinitingnan ang kabuuan ng mukha ko bago ibinalik sa mga mata ko ang tingin. Nakagat ko ang ibabang labi nang abutin niya ang pisngi ko at marahang hinaplos iyon.
Natigil lang ang pagtititigan namin nang makarinig ng sunod-sunod na tikhim. Sabay naming itinuon ang atensyon sa pagkain. Tawa ni mama ang sunod kong narinig. Nakatungo na lang akong napangisi dahil sa saglit na minutong nakatitig kay Nate ay nakalimutan ko agad na naroon lang si mama.
Sinagot ko siya noong mismong araw ng graduation ko sa college, halos isang taon ng panliligaw niya. Nangako kasi ako kay mama na sasagutin si Nate kapag nakatapos na at nirespeto naman ni Nate ang desisyon kong iyon.
Tuwang tuwa si Nate at panay ang sigaw kahit napakaraming estudyante at magulang sa University. Maging ako ay walang paglagyan ng saya ang puso ko noong mga oras na iyon. Nag-uumapaw at hindi tumatanggap ng ibang emosyon. Ang takot at pangamba nabura sa bokabularyo ko.
First, Second, Third, Fourth, Fifth Year Anniversary. Lahat ‘yan masaya naming ipinagdiwang. Sa limang taong relasyon namin masasabi kong naroon pa rin ang mga kilos na nakasanayan na namin noong magkaibigan pa rin kami pero nadagdagan iyon ng kilig. Kahit limang taon na, hindi pa rin ako makapaniwala na boyfriend ko siya. Palagi ay akala ko panaginip lang pero kapag yayakapin niya ako, na alam kong iba sa yakap niya noong magkaibigan pa lang kami, doon paulit-ulit akong nagpapasalamat sa Diyos.
Hindi niya ako binigo. Lahat ng pinapangarap ko lang noon na gagawin niya sa’kin bilang nobyo ko ay tinupad niya. Pagbibigay ng bulaklak, dates, pinakilala sa relatives bilang girlfriend, isinasama sa family outing nila, out of town na kami lang, at mga simpleng gawain na magkasama kami. Ipinadama niya sa akin ang pagmamahal. Pagmamahal na higit pa sa kaibigan.
Bumalik sa isip ko ang pag-uusap namin noong ipagdiwang namin ang ika-tatlong taon ng relasyon namin at siyam na taon ng pagkakaibigan namin.
“Kung darating man ang araw na ayaw mo na, magsasabi ka lang sa akin, Nate. Tatanggapin ko iyon nang buong puso tulad ng napagkasunduan natin noon,” ani ko habang yakap niya sa likod. Pinapanood ang paglubog ng araw mula sa rooftop ng kanilang bahay.
Iniharap niya ako sa kanya. Tiningala ko siya at pinakatitigan sa mga mata. Hinaplos niya ang pisngi ko habang may tipid na ngiti sa labi.
“Tatlong taon na tayo, Kate. Hanggang ngayon ba iniisip mo pa ring niligawan lang kita para sumubok sa relasyong ‘to?”
Hindi ko nagawang sumagot. Kahit ramdam ko ang pagmamahal niya, naroon pa rin sa isip ko ang bagay na iyon. Ayaw umalpas.
“Mahal kita, Kate. Mahal na mahal,” mahina pero dama ko ang buong pusong pagkakasabi niya niyon. “Oo, noong una gusto ko lang sumubok. Iyon ay dahil akala ko hindi mo ako magagawang mahalin. Akala ko hanggang kaibigan na lang ako, Kate.”
“Mahal na kita, Nate. Noon pa man mahal na kita higit pa sa kaibigan.”
“I know. I know. At ganoon din ako, Kate. Bago pa dumating si Dawn sa buhay ko noon, may nararamdaman na ako sa’yo. Natakot lang ako dahil baka mawala ka sa akin.”
Napanganga ako sa ipinagtapat niyang iyon. Hindi nagpapigil ang luha ko matapos marinig ang sinabi niya. Mahal niya na ako noon pa man.
“Kaya hindi na kita pakakawalan, Kate. Manawa ka man sa’kin,” nakangiting aniya habang pinupunasan ang magkabilang pisngi ko.
Mahina akong natawa sa huling sinabi niya. “Malabo.”
Tumaas ang kilay niya. “Talaga?”
“Talagang talaga. Hinding hindi ko pagsasawaan ang mahal ko, ‘no.”
“Ay, sus. Pinapakilig ako.”
Natawa akong muli. Ikinawit ko ang mga braso sa kanyang leeg. Mas humigpit naman ang yakap niya sa akin kaya mas lalo akong napalapit sa kanya.
“Kinikilig ka pala.”
“Aba, ano’ng akala mo sa’kin bato?”
Sabay kaming natawa. Mayamaya lang ay pinagsasaluhan na ang isang halik
BINABASA MO ANG
The End of Us
General Fiction👩❤️👨 Published under Ukiyoto Publishing: Magkasintahan Volume 28 Kate and Nate are best of friends. Parehong sawi sa pag-ibig noong subukang pasukin ang isang relasyon. May pag-asa nga ba sa kanila ang pagmamahalan na higit pa sa pagiging magkai...