Chapter 4: Broken Hearts

47 21 36
                                    

"BAKIT GANYAN ang mukha mo?" tanong ko kay Nate nang mapagbuksan ko ito ng pinto isang hapon. Alam kong darating siya dahil nagtext siya kanina pero ipinagtataka ko ang salubong niyang kilay at nakasimangot na mukha.

Walang imik na pumasok siya ng bahay. Kunot-noo ko naman siyang sinundan ng tingin. Pasalpak siyang umupo sa mahabang sofa at pumikit. Isinara ko ang pinto bago siya nilapitan at patagilid na umupo sa tabi niya para maharap siya.

"May problema ba?" nag-aalala kong tanong.

Nagmulat siya ng mga mata. Nakasandal pa rin ang ulo niya nang lingunin ako. Nakaramdam ako ng hindi maganda nang makita ang pamamasa ng mga mata niya. May kutob na ako pero gusto kong makumpirma iyon mula sa kanya.

"Ano'ng nangyari?" may diin ang pagkakatanong ko.

"Dawn and I..."

Pumikit siya nang mariin at nagtiim-bagang. Kahit hindi niya tapusin ang sinasabi, sa naging reaksyon niya pa lang ay alam ko na ang dahilan.

Kumuyom ang mga kamay ko at bumugso ang galit sa puso ko para kay Dawn. Oo, gusto ko si Nate, pero hindi ko naman gugustuhin na madurog ang puso niya katulad ng nararamdaman ko.

"Bakit raw?"

"Hindi na siya masaya."

"Pagkatapos ng dalawang taong relasyon n'yo makikipaghiwalay siya dahil hindi na siya masaya?" inis kong ani pero hindi siya sumagot. "Hahayaan mo lang ba siya?"

Nagmulat siyang muli. Mukhang umurong na ang luha niya dahil nawala na ang pangingilid niyon.

"Mahirap ipagpatuloy ang relasyon kung hindi na masaya ang isa, Kate."

"Pero hindi naman kasi puro saya ang relasyon, Nate. Darating talaga sa puntong mawawala 'yung saya. Kaya nga dapat magkasama n'yong hanapin 'yon. Ibalik n'yo ang saya at 'wag agad sumuko. Ganoon lang para magtagal ang relasyon." Tumataas na ang boses ko.

"Ayokong ipilit ang isang tao sa buhay ko kung hindi ko na siya napapasaya."

Napabuga ako ng hangin sa narinig. Mukhang buo na rin ang loob niya na hindi makipagbalikan kay Dawn. Hinayaan ko na lang siya dahil mahirap siyang kumbinsihin lalo pa't buo na ang desisyon niya.

Naging matamlay siya noong mga sumunod na araw at linggo na umabot ng buwan. Nanatili ako sa tabi niya, pilit gumagawa ng mga bagay para mapasaya siya. Kabu-kabuntot ko siya saan man ako magpunta. Ultimo mga lakad namin ng mga kaibigan ko ay isinasama ko siya para lang hindi niya maramdaman ang lungkot. Dahil alam ko ang pakiramdam ng nabibigo sa pag-ibig.

Ngunit may mga pagkakataon pa ring nakikita ko siyang pasilip-silip sa social media ni Dawn. Minsan ay tinatawagan niya pa rin ito pero kinakamusta lang naman. Tipid na lang akong napapangiti habang nararamdaman ang pagkapunit ng puso ko habang paulit-ulit sa isip ang mga tanong.

Bakit kaya ayaw sa atin ng mga taong gusto natin? Bakit kaya hindi nila makita ang pagmamahal natin sa kanila? Bakit kaya... hanggang kaibigan lang ako?

The End of UsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon