Finale: Start of Something New

84 17 41
                                    

ILANG ARAW lang matapos umalis ni Nate ay umuwi ako sa bahay. Hindi nagtatanong si mama kahit nakikita ko ang lungkot sa kanya, na labis kong ipinagtataka pero ipinagpapasalamat na rin. Hula ki ay may alam na siya. Baka nabanggit ni Tita Olivia o ni Nate mismo.

Sumubok akong tumawag kay Nate pero naduduwag lang kaya hindi na nagagawa. Wala rin akong naririnig mula sa kanya. Nalalaman ko lang ang tungkol sa kanya mula kay Tita Olivia at kay Neil. Maayos naman daw ito at kumakain sa tamang oras. 

Ayaw ko man pero nadadala ko maski sa trabaho ang lungkot at sakit na nararamdaman kaya naman boss ko na ang mismong nagbigay ng araw para makapagpahinga ako. One week leave. Masyadong matagal pero masyado ring mabilis. Ang apat na araw naubos lang sa pagkukulong ko sa bahay at sa maghapong pag-iyak.

Paulit-ulit kong tinatanong ang sarili, kung hindi ko ba siya inaway noong araw na ‘yon maayos kaya kami ngayon? Pero hindi ko naman malalaman ang nararamdaman niya kung hindi nangyari ‘yon.

Ngayon ay narito ako sa labas ng condo unit. Gusto ko siyang makita pero dito ako dinala ng mga paa ko kahit alam ko namang wala siya rito. Binuksan ko ang pinto at pumasok. Inilibot ko ang paningin. Bawat sulok siya ang nakikita ko kaya mabilis na kumirot ang puso ko at pumatak ang luha sa mga mata ko.

Kumunot ang noo ko nang makita ang isang maliit na papel sa center table. Agad ko ‘yong nilapitan at dinampot. Isa ‘yong sulat. Kate. Basa ko sa nakasulat sa likod kaya mabilis ko itong binuksan at binasa. 

Unang beses pa lang kitang nakita 14 years ago ramdam ko nang gusto kita. Pero kasi nauna ang pagkakaibigan at mahirap lumampas doon nang walang kasiguraduhang hindi masisira ‘yon, lalo pa’t hindi ko alam kung gusto mo na rin ba ako noon. Kaya please, alisin mo na sa isip mo lahat ng pangamba na baka sinubukan ko lang ito at makakaya kang mawala sa akin.

Mahal na mahal kita. Lahat ng takot, sakit at pagod kaya kong harapin basta kasama ka. Pero ibang sakit pala kapag harap-harapan kong nakikita ang pagod mo sa akin. Pakiramdam ko kapag napuno ka iiwan mo ako at hindi na babalik. Kaya kinailangan kong gawin ‘to. Kinailangan nating magpahinga.

Pero, Love, sa isang linggong pagpapahinga nang wala ka sa tabi ko para lang akong lalong napagod kasi ikaw ang pahinga ko. Miss na miss na kita. Hindi ko na kayang dumaan pa ang mga susunod na araw na hindi ka kasama.

Matapos mabasa ay tinitigan ko ang isang bote ng alak na nasa lamesa. Halos maubos na ang laman niyon. Bumugso ang saya ko nang mapagtantong naroon din siya. Mabilis ang bawat hakbang ko habang palapit sa aming kwarto.

Hinawakan ko ang door knob. Bago buksan ‘yon ay isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko. Naroon ang kaba ngunit mabilis na nabura iyon nang tuluyang mabuksan ang pinto. Napangiti ako nang makita ko siyang nakahiga sa kama at nakapikit. 

Lumapit ako roon at humiga sa tabi niya. Mahigpit ko siyang niyakap. Agad siyang nagmulat ng mga mata. Mabilis na namasa ang mga iyon nang makita niya ako.

“Narito ka.”

“Dahil ikaw rin ang pahinga ko.”

Luhaan kaming dalawa nang maglapat ang mga labi namin. Ramdam ko ang pananabik niya. 

Noong mga oras na wala siya sa tabi ko paulit-ulit akong nagsisisi dahil pakiramdam ko hindi sapat ang naiparamdam kong pagmamahal sa kanya. Kaya naman ngayon ay buong puso at walang takot kong ibubuhos ang pagmamahal na nararapat para sa kanya. Pagmamahal na may pang-unawa at pagpalahalaga sa mga ibinibigay niya sa akin tulad noon.

Lumipas ang anim na buwan, bumalik kami ni Nate sa dati. O baka nga mas naging matatag pa. Mas naging bukas kami sa saloobin sa isa’t isa na hindi namin namalayan na unti-unti na rin palang nawawala sa amin. Siguro nga ay ganoon kapag tumatagal ang relasyon, may pananawa sa mga nakaugalian ninyong gawin.

Sa nangyari sa amin, masasabi kong napakasimple ng away na iyon kumpara sa iba pero alam kong pinatatag kami niyon. Mas pinahigpit ang yakap at mas pinagtibay ang kapit sa isa’t isa.

Ganoon lang naman ang relasyon. Totoong hindi puro saya, totoong darating sa punto na mauubos ang lakas ninyo, ang pang-unawa n’yo, at mapapagod kayo. Hihinto ang mga ngiti at tawa pero nasa inyo iyon kung ilalaban n’yo at ipagpapatuloy. O kung pipiliin ninyong isuko at bumitaw.

Ngayon ay engaged na kami ni Nate at nag-aayos na ng kasal. Nagpropose siya last month, sa mismong birthday ko. Walang kasing saya ang puso ko. Nag-uumapaw. Labis-labis ang pasasalamat ko sa Diyos dahil ikakasal ako sa best friend ko. Sa taong mahal na mahal ko. Ito ang aming wakas, ang bagong simula.

Love never gives up.
never loses faith,
is always hopeful, and
endures through every
circumstances.
1 Corinthians 13:7

WAKAS

The End of UsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon