Title: Te amo, Adios
Isinulat ni: Mafe Lovete Dela cruz
Uri ng pagsulat: TulaIkaw ang kasagutan sa mga dasal sa gitna ng karimlan,
Naging kanlungan ka ng puso kong naguguluhan,
Binigyan mo ng kulay ang mundong ginagalawan,
Na akala ko ay mananatiling madilim at puno ng kasawian.Sa paglipas ng panahon mas lalo kitang minahal,
Pag-ibig na ipinadama ay hindi matutumbasan,
Kahit anong pagsubok ang harapin at maging kalaban,
Alam kong narito ka upang ako'y gabayan.Nabigo man ako sa aking unang pag-ibig,
Pinawi mo naman ang pagdadalamhati at sakit,
Ang bawat oras na lumupas ay mahalaga,
Na para bang ayaw kong matapos pa.Kapwa natin minahal ang isa't isa sa gitna ng kasiyahan,
Ikaw ang aking kalakasan, ngunit kung minsan ay kahinaan,
Natagpuan mo sa akin ang kapayapaan,
Na hindi mo akalain na magiging kabalisahan.Sa pagkakataong ito habang ginugunita ko ang kahapon,
Aaminin ko na labis pa rin akong nasasaktan sa mga pangyayari noon,
Na minsan nating naranasan na ibigin ang isa't isa,
At minsan ding ipinaglaban ang pagmamahalan nating dalawa.Patawarin mo ako dahil wala akong ibang alam gawin kundi ang mahalin ka,
Patawarin mo ako kung hindi ko na rin kayang ipaglaban pa,
Labis na tayong nasaktan sa mga pagkukulang nating dalawa,
Ngunit hanggang ngayon ikaw pa rin, aking sinta.Marahil ito ang kaparusahan sa ating mapusok na damdamin,
Labis tayong nagpadala sa ating emosyon, at hangarin,
Ngunit gayon pa man, hindi ako nagsisising minahal kita,
Ganito man ang ating wakas, habang buhay ko pa ring babaunin ang saya.Masaya ako dahil walang pagtataksil na namagitan sa ating dalawa,
Na naging sanhi upang lisanin ang isa't isa,
Kaya naman kung mauulit muli ang ating kuwento,
Sisikapin kong ituwid ang mga maling bagay na nagawa ko.Ikaw ang aking pambihirang Binibini na hindi ko nais limutin,
Hangad ko ang kaligayahan mo kahit hindi na sa akin,
Nawa'y sa susunod na buhay ikaw ay muling makapiling,
Mahagkan muli at ako'y iyong yakapin.
BINABASA MO ANG
Memorabilia
PoetryIto ay mga tula na naisulat mula sa inspirasyon ng mga akda ni Binibining Mia o maging sa kaniya mismo. Nailathala na ito sa Las Obras De Sunshine page. Ito rin ay nasa ilalim ng pamunuan ng Kagawaran ng Literatura.