THE GIRL WHO FOUND A MYSTERIOUS CAT
"Hello! Anong maipaglilingkod ko sa inyo ma'am?"
Ngumiti ang isa sa mga palaging costumer namin dito sa cafe. Sa tagal kong nagtratrabaho dito bilang empleyado ng cafe na ito, memorize ko na ang mga mukha ng mga suki namin. Isa na dito ang teacher na ito na dito madalas gumawa ng grades.
"The usual,"
"Okay! Usual."
Pinindot ko ang screen ng monitor. Iyong oorderin niya. Nang masiguro ko 'yon ay saka ko ito ginawa. Pagkabigay ko ay nagpasalamat siya sa akin at pumunta sa palagi niyang inuupuan.
Ganito ang buhay ko. Simple lang. Maayos at walang problema sa trabaho. Currently, nag-aaral ako ngayon ng business course at dahil scholar ako, hindi man ganoon katalino, hindi ganoon kalaki ang binabayaran ko. Mabuti na lamang at sapat itong kinikita ko sa cafe para sa tuition ko.
Pero dahil kailangan ko pa ring kumita para pambayad ng gastusin ko sa apartment, pagkain, at iba pang pangangailangan, may mga part time jobs pa ako. May mga araw na waitress ako sa isang restaurant at sa weekend ay isa akong delivery driver ng pizza.
Mahirap pero kakayanin. Laban lang para sa future. Lalo na at nag-iisa akong anak kaya hindi ako puwedeng sumuko. Nasa probinsya ang mga magulang ko at gustuhin man nilang magbigay sa akin ng allowance, hindi na ako pumayag pa dahil ayaw kong maging pabigat sa kanila.
Mahirap lang kami. Ang allowance na buwan buwan nilang ibibigay sa akin ay puwede ng pambili ng ilang kilong bigas para sa kanila.
Kaya ako na ang pupuno sa pang-araw araw ko rito sa syudad. Mabuti nalang at hindi naman naging pahirap ang syudad sa akin.
"Uuwi ka na Monique?" Tanong ni Francis na isa sa mga kasama ko rito.
"Oo, tapos na shift ko eh." Sagot ko bago tinanggal ang uniform namin na apron.
"Sayang. Hatid na sana kita."
Ngumisi ako. "Baliw. 'Di uubra sa akin 'yang mga hirit mo."
Humalakhak siya sa akin. "Bawi nalang next time."
Umiling nalang ako sa kalokohan ni Francis bago sinarado ang locker ko. Lumabas na siya ng locker room habang ako ay napiling maupo muna sa mga upuan doon para ayusin ang sintas.
Nang masiguro ko na maayos na iyon ay lumabas na ako. Pumunta ako sa bike ko at sumakay. Nilagay ko ang bag ko sa bicycle basket bago sinimulang magpedal.
Tanghali na at may klase pa ako sa hapon. Dumaan muna ako sa karenderya para bumili ng ulam. Kagaya ng araw araw kong routine. Suki na rin ako sa karenderya ni aling Ising.
"Dito ka na lang kaya kumain, Monique?" Pa-anyaya ni aling Ising sa akin.
"Naku! Hindi na po. Kailangan ko pong umuwi dahil may klase pa po ako."
"Ganoon ba? Sige sige. Mag-ingat ka sa pag-uwi kung ganoon."
Tumango ako bago nagpaalam. Nilagay ko ang lutong kanin at ulam sa basket ko bago muling nagpedal. Dahil matagal na ako sa lugar na ito, may iilan na akong kilala. Kinawayan ako ng nagtitinda ng fishball na binati ko rin.
Kung hindi pagtango ay ang pagpapatunog ng aking bell ang ginagawa ko bilang pagbati pabalik. May mga nakita pa akong galing sa apartment na tinitirahan ko.
"Pauwi ka na ate Monique?"
"Oo, uuwi na."
Lumiko ako sa may daan papunta sa apartment namin. Walang mas'yadong tao dahil tanghaling tapat. Marahil kumakain o 'di kaya ay natutulog. May mga nasa labas at nagkwekwentuhan. May mga nag-iinuman din sa tapat ng tinadahan.
BINABASA MO ANG
The Girl Who Found A Mysterious Cat
FantasyOne day, Monique found an unconscious strange cat. She went closer to check the cat. It's wounded and barely moving. She decided to take it. She took good care of it. But something happened. The cat talked... The cat became a guy! -- Fantasy story...